Bible Catholic Church Catholic Faith Christ Christian Daily Gospel on DCF Faith God Religion

TODAY’S GOSPEL REFLECTIONS on DCF: “Walang Hanggang Awa at Biyaya ng Diyos”

Photo Credit: 2.bp.blogspot.com

Hunyo 23, 2018. Sabado. Ika-11 Linggo ng Karaniwang Panahon.

Unang Pagbasa: 2 Mga Cronica 24:17-25

Pagkamatay ni Joiada, ang mga pinuno ng Juda ay nagbigay-galang sa hari at sila na ang pinapakinggan ng hari. At pinabayaan nila ang Templo ni Yahweh na Diyos ng kanilang mga ninuno. Sa halip, sumamba sila sa mga Ashera at sa mga diyus-diyosan. Dahil dito, nagalit ang Diyos at pinarusahan ang mga taga-Juda at ang mga taga-Jerusalem. Gayunma’y nagsugo si Yahweh ng mga propeta upang ang mga tao’y magbalik-loob sa kanya. Ngunit hindi sila nakinig sa mga ito.
Dahil dito, lumukob ang Espiritu ng Diyos kay Zacarias na anak ng paring si Joiada. Tumayo siya sa harap ng bayan. Sinabi niya, “Ito ang sinabi ng Diyos: ‘Bakit ninyo nilalabag ang mga utos ni Yahweh? Bakit ninyo ipinapahamak ang inyong mga sarili. Sapagkat itinakwil ninyo siya, itinakwil din niya kayo!’” Ngunit nagsabwatan ang mga tao laban sa kanya. At sa utos ng hari, binato nila si Zacarias hanggang sa mamatay. Naganap ito sa bulwagan ng Templo ni Yahweh.

Kinalimutan ni Haring Joas ang kagandahang-loob sa kanya ni Joiada na ama ni Zacarias. Bago namatay si Zacarias, ganito ang kanyang sinabi, “Makita sana ni Yahweh ang ginagawa ninyong ito at parusahan niya kayo!”

Nang patapos na ang taóng iyon, si Joas ay sinalakay ng hukbo ng Siria. Pinasok ng mga ito ang Juda at Jerusalem at pinatay ang mga pinuno ng bayan. Lahat ng sinamsam nila’y ipinadala sa hari sa Damasco. Maliit man ang hukbo ng Siria ay nagtagumpay sila laban sa malaking hukbo ng Juda sapagkat itinakwil nito si Yahweh, ang Diyos ng kanilang mga ninuno. Sa ganitong paraan pinarusahan si Joas.

Iniwan ng hukbong Siria si Joas na may malubhang sugat. Ngunit pagkaalis nila, nagkaisa ang mga lingkod ng hari na ipaghiganti ang pagkamatay ng anak ng paring si Joiada. Kaya pinatay nila si Joas sa kanyang higaan. Siya’y inilibing nila sa Lunsod ni David ngunit hindi sa libingan ng mga hari.

Ebanghelyo: Mateo 6:24-34

“Walang aliping makakapaglingkod nang sabay sa dalawang panginoon, sapagkat kapopootan niya ang isa at iibigin ang ikalawa, paglilingkuran nang tapat ang isa at hahamakin ang ikalawa. Hindi kayo maaaring maglingkod nang sabay sa Diyos at sa kayamanan.

“Kaya’t sinasabi ko sa inyo, huwag kayong mabalisa tungkol sa inyong kakainin at sa inyong iinumin upang kayo’y mabuhay o kaya’y tungkol sa susuutin ng inyong katawan. Hindi ba’t ang buhay ay higit na mahalaga kaysa pagkain at ang katawan kaysa damit? Masdan ninyo ang mga ibon. Hindi sila nagtatanim ni umaani man o kaya’y nagtitipon sa kamalig, ngunit pinapakain sila ng inyong Ama na nasa langit. Hindi ba’t higit kayong mahalaga kaysa mga ibon? Sino sa inyo ang makakapagpahaba ng kanyang buhay nang kahit isang oras sa pamamagitan ng kanyang pagkabalisa?

“At bakit kayo nababalisa tungkol sa pananamit? Isipin ninyo kung paano tumutubo ang mga bulaklak sa parang; hindi sila nagtatrabaho ni gumagawa ng damit. Ngunit sinasabi ko sa inyo, kahit si Solomon na napakayaman ay hindi nakapagdamit ng singganda ng isa sa mga bulaklak na ito. Kung dinaramtan ng Diyos ang damo sa parang, na buháy ngayon, at kinabukasan ay iginagatong sa kalan, kayo pa kaya? Kay liit ng inyong pananampalataya sa kanya!

“Kaya’t huwag kayong mag-alalang baka kayo kapusin sa pagkain, inumin o damit. Hindi ba’t ang mga Hentil ang nababahala tungkol sa mga bagay na iyan? Alam na ng inyong Ama na nasa langit na kailangan ninyo ang lahat ng iyan. Ngunit higit sa lahat ay pagsikapan ninyo na kayo’y pagharian ng Diyos at mamuhay nang ayon sa kanyang kalooban, at ibibigay niya sa inyo ang lahat ng inyong pangangailangan.

“Kaya nga, huwag ninyong ikabalisa ang para sa araw ng bukas; dahil ang bukas ang bahala sa sarili nito. Sapat na ang inyong mga suliranin sa bawat araw.”

Pagninilay:

Ang ating buhay ay punung-puno ng aalalahanin. Binubuo ang ating araw ng marami at mumunting desisyon na kinakailangang gawin mula sa anong kakainin, anong susuotin, saan ang pupuntahan at marami pang ibang bagay. Ngunit sinasabi ni Jesus sa ebanghelyo ngayong araw na ang lahat ng ito ay matutugunan kung uunahin natin ang Panginoon at magtitiwala tayo sa Kanya. Siya ang magdudulot ng lahat ng ating kakailanganin.

Ilang beses kaya natin nakalilimutan isama ang Panginoon sa ating bawat gawain, suliranin at alalahanin? Ang Panginoon ay lagi lamang naghihintay sa atin na hingin ang kanyang tulong bawat oras o minuto natin kailanganin. Ngunit tayong may pag-aalinlangan at duda sa puso ay napakaliit ng pananampalataya sa kanya.

Diyos na mismo nagsabi na higit tayong mas mahalaga kaysa sa mga ibon at halaman na lumalago at nakakakain kahit pa hindi sila magtrabaho dahil inaalagaan sila ng Diyos. Paano pa kaya tayong mga taong may sariling pag-iisip, kakayanan at pananampalataya at maaring punan ng Diyos ang lahat ng ating pagkukulang?

Ito ay mangyayari lamang sa isang pusong nagtitiwala sa Diyos. Kung maniniwala tayo at patuloy na tatangkilikin ang ating mga sarili bilang mga anak ng Diyos. Ang Diyos ating Ama na pinagmumulan ng lahat ng biyaya at grasya ay malalaman nating naguumapaw ang lahat ng galak, biyaya, at magagandang pangyayari at bagay ang ating maaring kamtan.

Walang hanggan ang Kanyang kapangyarihan. Walang hanggan din ang Kanyang pagmamahal. Ang mga puso natin ang ating marapat na ialay sa Kanya upang palawakin at magkasya ang mga naghihintay na biyaya at pagmamahal Niya sa atin.
Pagnilayan natin na ang katotohanan na ang Diyos ang ating Ama sa Langit at hindi Niya tayo pababayaan kailanman. Kung ang mga magulang sa lupa ay kayang iwan ang kanilang mga anak, ang Diyos na naglalang sa ating lahat, na pumili ng lahat ng ating aspeto at bahagi ng pagkatao ay hinding hindi tayo iiwan kailanman. Tayo’y makakapiling Niya habang buhay at hanggang sa kabila kung ating gugustuhin at paniniwalaan ang lahat ng Kanyang salita at pangako sa atin.

Panalangin: Panginoon, tulungan mo ang aking napakahinang pananampalataya. Gusto kong lubos na maramdaman at paniwalaan hanggang sa kaibuturan ng aking puso na ako ay iyong anak at ikaw ay aking Ama. Naniniwala akong lahat ng bagay ay maidudulot mo sa akin at wala akong iba pang kakailanganin kung ikaw ay aking mamahalin at uunahin sa lahat ng bagay.

Patuloy mo nawa kaming gabayan araw-araw at ilayo sa lahat ng masama, pati na rin ang aming lahat na minamahal sa buhay. Hinihiling namin ito sa Matamis na Ngalan ni Jesus at sa tulong ng panalangin ni Maria Aming Ina ng Awa. Amen. +

Pagpalain nawa tayo ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos ngayon at magpakailanman. Amen +

Maraming Salamat sa Inyong Pagsubaybay!

Tulungan ninyo kaming ipamahagi ang Salita ng Diyos sa pamamagitan ng pag-CLICK at SHARE nito. I-TAG na rin ang inyong mga kaibigan sa post na ito!

Copyright Reflections Written By: Admin. FMM Francesca Maria Margarita

Defend The Catholic Faith

About Author

Safeguards have been created to ensure the orthodoxy of the contents of our website. If, despite strictly adhering to the dogmas and magisterial authority of the Church, errors have been pointed out and proven, I will humbly submit to the authority of the Church.

You may also like

Bible Catholic Church Catholic Faith News

WHY THE DEVIL HATES THE BLESSED VIRGIN SO MUCH (AND WHY YOU SHOULD LOVE HER)

  Satan hates the Blessed Virgin Mary. In fact, he has been doing everything in his power to discourage devotion to
Apologetics / Reflections Catholic Church The Sacraments

BINYAG, KASAL, KUMPIL AT IBA PA. BAKIT DAW MAY BAYAD? BY: ADMIN COCO

Sabi ng mga sektang kutya ng kutya sa katoliko sabi nila bakit ang kasal niyo my bayad? binyag my bayad?