Bible Catholic Church Daily Gospel on DCF

TODAY’S GOSPEL REFLECTIONS on DCF: “Tiwala sa Diyos sa Kabila ng mga Unos”

Photo Credit: ldsspiritualthoughts.blogspot.com

 

Agosto 7, 2018. Martes. Ika-18 Linggo ng Karaniwang Panahon.

Salmo 102: Panginoo’y mahahayag kapag Sion ay natatag.

Unang Pagbasa: Jeremias 30:1-2, 12-15, 18-22

Kinausap ni Yahweh, ang Diyos ng Israel, si Jeremias, at sinabi: “Isulat mo sa isang aklat ang lahat ng sinabi ko sa iyo. Ito ang sabi ni Yahweh sa kanyang bayan:
“Wala nang lunas ang iyong sakit, malalâ na ang iyong sugat. Walang mag-aalaga sa iyo, walang kagamutan sa iyong sugat; wala ka nang pag-asang gumaling pa. Nilimot ka na ng lahat mong mangingibig; wala na silang malasakit sa iyo. Sinaktan kita, gaya ng isang kaaway, buong lupit kitang pinarusahan; sapagkat matindi ang iyong kasamaan at napakarami mong kasalanan.

Huwag ka nang umiyak dahil sa iyong sakit; wala nang lunas ang sugat mo. Ginawa ko ito sa iyo
sapagkat matindi ang iyong kasamaan at napakarami mong kasalanan.

Sinabi pa ni Yahweh: “Muli kong ibabalik ang kasaganaan sa lipi ni Jacob. Kahahabagan ko ang buong sambahayan niya. Ang lunsod na winasak ay muling itatayo, at muling itatayo ang bawat gusali. Ang mga tao roon ay aawit ng pasasalamat at magkakaingay sa kagalakan. Sila’y aking pararamihin; pararangalan ko sila at wala nang hahamak sa kanila. Ibabalik ko ang kanilang dating kapangyarihan, at sila’y magiging matatag sa aking harapan. Paparusahan ko ang lahat ng mang-aapi sa kanila.

Lilitaw ang isang pinuno na mula rin sa kanila. Aanyayahan ko siya kaya siya nama’y lalapit sa akin, sapagkat walang mangangahas na lumapit sa akin kung hindi inanyayahan. Sila’y magiging bayan ko, at ako ang kanilang magiging Diyos.”

Ito ang sabi ni Yahweh.

Ebanghelyo: Mateo 14:22-36

Agad pinasakay ni Jesus sa bangka ang mga alagad at pinauna sa kabilang ibayo. Samantala, pinauwi naman niya ang mga tao. Matapos niyang paalisin ang mga ito, mag-isa siyang umakyat sa bundok upang manalangin. Nag-iisa siyang inabutan doon ng gabi.

Samantala, ang bangka ay nasa laot na ngunit sinasalpok ito ng mga alon dahil pasalungat ito sa hangin. Nang madaling-araw na’y sumunod sa kanila si Jesus na naglalakad sa ibabaw ng tubig. Kinilabutan sa takot ang mga alagad nang makita nilang may lumalakad sa ibabaw ng tubig. “Multo!”

sigaw nila. Ngunit nagsalita agad si Jesus at sinabi sa kanila, “Huwag kayong matakot, ako ito!”

Sinabi ni Pedro, “Panginoon, kung talagang ikaw nga iyan, hayaan mong ako’y pumunta sa iyong kinaroroonan diyan sa ibabaw ng tubig.”

Sumagot siya, “Halika.”

Mula sa bangka ay lumakad si Pedro sa ibabaw ng tubig papunta kay Jesus. Ngunit nang mapansin niya na malakas ang hangin, siya’y natakot at nagsimulang lumubog. “Panginoon, sagipin ninyo ako!” sigaw niya.

Agad siyang inabot ni Jesus. “Bakit ka nag-alinlangan? Napakaliit ng iyong pananampalataya!” sabi niya kay Pedro.

Pagkasakay nila sa bangka, tumigil ang hangin at sinamba siya ng mga nasa bangka. “Tunay nga pong kayo ang Anak ng Diyos!” sabi nila.

Tumawid sila ng lawa at dumating sila sa baybayin ng Genesaret. Si Jesus ay nakilala ng mga tagaroon at agad nilang ipinamalita ang kanyang pagdating, kaya’t dinala ng mga tao ang lahat ng maysakit sa buong lupaing iyon. Hiniling nila kay Jesus na mahawakan man lamang ng mga maysakit ang laylayan ng kanyang damit; at ang lahat ng gumawa nito ay nagsigaling.

Pagninilay:

Ang ating buhay ay tila puno rin ng mga malalaking alon at tubig na malalalim na sumisimbulo sa mga problema, suliranin at alalahanin sa buhay. Tulad ni Pedro, sa panahon na tayo’y mawala ang puso sa Panginoon, sa pamamagitan ng duda, takot at pagkabahala, dito rin tayo lulubog. Ngunit ang Diyos ay handa tayong sagipin anumang oras kung tayo ay tatawag sa kanya.

Mayroong isang magandang ating matututunan dito at ito ang pagtutuon lamang ang ating paningin sa Diyos. Likas sa ating mga tao ang nakatingin kung saan saan. Maging ang puso natin, isip at kaluluwa ay nasa kung anu-anong bagay. Madalas mas nakatuon pa tayo sa problema at hindi sa kayang gawin ng ating Diyos. Dahil dito, kaya tayo natutumba. Tandaan nating para sa Panginoon, walang imposible. Kahit pa maglakad ka sa ibabaw ng lupa tulad ni Pedro maaring mangyari kung kanyang gugustuhin. Tayo ang may problema dahil sa hina ng ating pananampalataya. Itinutulad natin ang Diyos sa ating sariling kakayanan. Mas dinodiyos pa natin ang mga problema at pinapalaki ito kaysa palakihin ang Diyos sa ating puso.

Paano ito malulunasan? Paano tayo makapagtitiwala sa Panginoon? Bawat mabagabag ang ating puso sa kawalan ng tiwala, itaas natin sa kanya, anumang oras kahit sa katahimikan ng ating puso ang ating inaalala. Gawin natin itong pag-asa. Tandaan natin walang malaking bagyo sa ating Diyos. Ngunit sabihin natin sa mga bagyo sa ating buhay na mayroon tayong malaking Diyos.

Panalangin: Panginoon, pag-alabin mo pa ang pananampalataya. Tulungan mo kaming makabangon sa lahat ng aming dinaranas ngayon. Sagipin mo kami sa aming pagkakasala. Amen. +

Pagpalain nawa tayo ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos ngayon at magpakailanman. Amen +

Maraming Salamat sa Inyong Pagsubaybay!

Tulungan ninyo kaming ipamahagi ang Salita ng Diyos sa pamamagitan ng pag-CLICK at SHARE nito. I-TAG na rin ang inyong mga kaibigan sa post na ito!

Copyright Reflections Written By: Admin. FMM Francesca Maria Margarita

Defend The Catholic Faith

About Author

Safeguards have been created to ensure the orthodoxy of the contents of our website. If, despite strictly adhering to the dogmas and magisterial authority of the Church, errors have been pointed out and proven, I will humbly submit to the authority of the Church.

You may also like

Bible Catholic Church Catholic Faith News

WHY THE DEVIL HATES THE BLESSED VIRGIN SO MUCH (AND WHY YOU SHOULD LOVE HER)

  Satan hates the Blessed Virgin Mary. In fact, he has been doing everything in his power to discourage devotion to
Apologetics / Reflections Catholic Church The Sacraments

BINYAG, KASAL, KUMPIL AT IBA PA. BAKIT DAW MAY BAYAD? BY: ADMIN COCO

Sabi ng mga sektang kutya ng kutya sa katoliko sabi nila bakit ang kasal niyo my bayad? binyag my bayad?