Abril 16, 2018. Ika-3 Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay
Ebanghelyo: Juan 6:22-29
Alam ng mga taong naiwan sa dalampasigan na iisa lamang ang bangkang naroon. Alam rin nilang si Jesus ay hindi kasama ng mga alagad nang ang mga ito’y sumakay sa bangka dahil ang mga ito lamang ang umalis. Kinabukasan, dumating naman ang ilang bangkang galing sa Tiberias at dumaong sa lugar na malapit sa kinainan nila ng tinapay matapos magpasalamat ang Panginoon. Kaya’t nang makita nilang wala na roon si Jesus, ni ang kanyang mga alagad, sila’y sumakay sa mga bangka at pumunta sa Capernaum upang hanapin si Jesus.
Nang makita nila si Jesus sa ibayo ng lawa, siya’y tinanong nila, “Guro, kailan pa kayo rito?”
Sumagot si Jesus, “Pakatandaan ninyo: hinahanap ninyo ako, hindi dahil sa mga himalang nakita ninyo, kundi dahil nakakain kayo ng tinapay at nabusog. Huwag ang pagkaing nasisira ang inyong pagsikapang kamtan, kundi ang pagkaing hindi nasisira at nagbibigay ng buhay na walang hanggan. Iyan ang ibibigay sa inyo ng Anak ng Tao, sapagkat siya ang binigyan ng Diyos Ama ng ganitong karapatan.”
Kaya’t siya’y tinanong nila, “Ano po ang dapat naming gawin upang aming matupad ang ipinapagawa ng Diyos?”
“Ito ang ipinapagawa sa inyo ng Diyos, sumampalataya kayo sa sinugo niya,” tugon ni Jesus.
Pagninilay:
Ang mga tao sa mundo ngayon ay sadyang abala. Tila naging nakasanayan na ng mga tao ang pagiging abala at kadalasan pa nga ito ay tanda raw ng pagtatagumpay sa buhay para sa karamihan. Ngunit sa gitna ng pagiging abala na ito ay magandang tanungin ang sarili para matukoy “Ano nga ba ang punto ng aking buhay?”. Sabi nga sa isang patalastas ng tanyag na kape “Para kanino ka bumabangon?”
Mahalagang paminsan-minsan sa ating buhay ay alalahanin natin ito. Marami sa atin ang abala at hindi na tumitigil kahit pandali upang pagnilayan ang buhay. Matapos sila’y magtataka kung bakit tila “walang nangyayari sa buhay”. Nangyayari ito kung madalas tayo ay tila takbo nang takbo sa pagiging abala sa kanya-kanyang buhay nang hindi man lamang tayo tumitigil upang manalangin at tanungin ang Panginoon na nagbigay ng buhay mismo ng buhay sa atin ng mga tanong na tulad ng: “Panginoon, ano nga ang misyon ko sa aking buhay?” o kaya naman ay “Panginoon, naniniwala akong may magandang plano ka para sa akin, gabayan mo ako at ituro sa akin ang aking bawat yapak sa aking buhay”.
Madalas sa ating panalangin tayo ay may plano na agad. Akala natin ay alam na natin ang lahat sa buhay ngunit malayo ito sa katotohanan dahil sa Diyos nagmula ang ating buhay at marapat lamang na siya ang ating unang tanungin kung anong gusto niya para sa ating buhay. Kailangan ito ng pagtitiwala sa Panginoon higit pa sa ating sarili. Mas mahirap magpaubaya ngunit kapag naggawa natin ang lahat ng aspeto ng buhay ay Diyos mismo ang magpupuno ng lahat higit pa sa ating inaasahan. Kailangan lamang din natin maghintay dahil madalas tayo ay madaling mainip.
Bilang isang Mapagmahal na Ama sa ating lahat, walang ibang gusto ang Diyos kundi tayo ay mapabuti at maging masaya dito sa lupa na kapiling niya hanggang kabilang buhay. Kaya lamang madalas tayo ay abala at nakakalimot na sa kanya. Hindi natin alam na ito rin ang nagdudulot sa atin ng kalungkutan at pagkadismaya dahil Diyos lamang ang nakapagbibigay ng kaligayahang hindi nababayaran ng pera o anumang materyal na bagay sa mundo. Sa pag-depende natin sa ating sariling kaalaman ay hindi nasasapat para sating sarili dahil nilkha tayo para sa Diyos.
Tulad na lamang ng mga tao sa ebanghelyo ngayong araw, na sumusunod kay Jesus hindi sa napukaw ang kanilang mga puso at kaluluwa ngunit dahil napunan ang kanilang pangangailangan. Kaya pinaalalahanan sila ni Jesus na magsikap hindi para sa pagkain na panandalian lamang ngunit para sa pagkain na nananatili hanggang buhay na walang hanggan at iyon ay walang iba kundi ang ating Diyos. Siya mismo ang pagkain ng ating puso at kaluluwa. Ang Siyang karapat-dapat na sentro ng ating buhay.
Ang punto ng ating buhay ay ang mas maging mapagmahal tayong mga Anak ng Diyos na likas na makasarili at makasalanan. Dahil sa Kanyang Kaharian sa Langit, ganap ang pagmamahalan at lahat ay nagbibigayan at masaya. Walang lungkot. Walang inggitan. Kaya kailangan nating matuto ng ganap na pagmamahal dito sa lupa habang tayo’y nabubuhay upang paghandaan ang buhay na ito na kasama ni Jesus. Wala tayong ibang pakay sa mundo kundi ang magmahal. Una, ang mahalin ang Diyos higit sa lahat ng bagay. Pangalawa, ang mahalin ang kapwa tulad ng pagmamahal sa ating mga sarili.
Kung tayo ay magtitiwala sa Diyos at matututong magpaubaya ng lahat ng ating mga pangangailangan sa kanya ay siya mismo ang magdudulot ng lahat sa atin. Bagamat mas mahirap magtiwala, ay labananan natin ang ating sariling mga pagdududa, pagkamakasarili at kawalang pag-asa at buksan natin ang puso upang tanggapin ang pag-asa at pagmamahal na dulot ng ating Diyos. Dahil wala itong katumbas, at higit ito sa lahat ng kayamanang madaling mawala dito sa mundo at hindi nadadala hanggang hukay. Mag-ipon sana tayo ng mga kayamanan na hindi nakikita sa ating sari-sariling paraan at makikita nating ang tumitibay na pag-ibig na ito para sa ating Diyos ay hindi makukuha sa atin kailanman.
Ang lahat ng pagsubok ay may kanya-kanyang pakay. Parte lamang iyan ng isang paglalakbay sa ating buhay. Lagi mang may pagsubok at problema sa buhay na darating ay malalagpasan natin itong lahat kasama ang Diyos. Kumapit lamang sa tayo sa Panginoon nang buong lakas, buong pagtitiwala at buong pagmamahal sa kanya hanggang sa huli.
Amen. +
Panalangin:
Panginoong Jesus, hindi ako karapat-dapat sa iyong mga biyaya sapagkat ako’y lubhang makasalanan. Ngunit dahil sa iyong walang hangggang kabutihan at awa ay napakarami mong idinulot na grasya sa aking buhay.
Nawa’y hindi itong lahat masayang at maggawa ko ang lahat upang mas mapalapit sa iyo dahil sa iyo lamang at sa iyong pag-ibig may saysay ang aming buhay dito sa lupa.
Gabayan mo kami at aking lahat ng pamilya at kaibigan upang mas lumakas ang aming pananampalataya sa iyo. Amen. +
Pagpalain nawa tayo ng mapagpala at makapangyarihang Diyos ngayon at magpakailanman!
Amen. +
Maraming Salamat sa Inyong Pagsubaybay!
Tulungan ninyo kaming ipamahagi ang Salita ng Diyos sa pamamagitan ng pag-CLICK at SHARE nito. I-TAG na rin ang inyong mga kaibigan sa post na ito!
Copyright Reflections Written By:
Admin. Francesca Maria Margarita