Agosto 6, 2018. Lunes. Ika-18 Linggo ng Karaniwang Panahon.
Salmo 97: Panginoo’y maghahari, lakas N’yay mananatili.
Unang Pagbasa: Daniel 7:9-10, 13-14
Habang ako’y nakatingin, mayroong naglagay ng mga trono. Naupo sa isa sa mga ito ang Nabubuhay Magpakailanpaman. Puting-puti ang kanyang kasuotan at gayundin ang kanyang buhok. Ang trono niya’y naglalagablab at ang mga gulong nito’y nagliliyab. Parang bukal ang apoy na dumadaloy mula sa kanya.
Pinaglilingkuran siya ng milyun-milyon, bukod pa sa daan-daang milyon na nakatayo sa harap niya. Humanda na siya sa paggagawad ng hatol at binuksan ang mga aklat.
Patuloy ang aking pangitain. Nakita ko sa alapaap sa langit ang parang isang tao. Lumapit siya sa Nabubuhay Magpakailanpaman. Binigyan siya ng kapamahalaan, ng karangalan at ng kaharian upang paglingkuran siya ng lahat ng tao sa bawat bansa at wika.
Ang pamamahala niya ay hindi magwawakas, at ang kanyang kaharian ay hindi mawawasak.
Ikalawang Pagbasa: 2 Pedro 1:16-19
Ang ipinahayag namin sa inyo tungkol sa kapangyarihan at muling pagparito ng ating Panginoong Jesu-Cristo ay hindi mga alamat na katha lamang ng tao. Nasaksihan namin ang kanyang kadakilaan nang tanggapin niya mula sa Ama ang karangalan at kapurihan. Ito’y nangyari nang marinig namin ang tinig mula sa dakilang kaluwalhatian ng langit na nagsabing, “Ito ang minamahal kong Anak na lubos kong kinalulugdan.”
Narinig namin ito mula sa langit sapagkat kami’y kasama niya nang ito’y maganap sa banal na bundok.
Kaya naman lalong tumibay ang aming paniniwala sa ipinahayag ng mga propeta. Makakabuting ito’y pag-ukulan ninyo ng pansin, sapagkat tulad ito sa isang ilaw sa kadiliman na tumatanglaw sa inyo hanggang sa sumikat ang araw ng Panginoon at magliwanag sa inyong mga puso ang bituin sa umaga.
Ebanghelyo: Marcos 9:2-10
Pagkaraan ng anim na araw, umakyat si Jesus sa isang mataas na bundok. Wala siyang isinama roon maliban kina Pedro, Santiago at Juan. Habang sila’y naroroon, nakita ng tatlo na nagbago ang anyo ni Jesus. Nagningning sa kaputian ang kanyang kasuotan; walang sinuman sa lupa ang makapagpapaputi nang gayon.
At nakita rin nila roon si Elias at si Moises na nakikipag-usap kay Jesus. Sinabi ni Pedro kay Jesus, “Guro, mabuti po na nandito kami. Gagawa po kami ng tatlong kubol, isa para sa inyo, isa para kay Moises at isa para kay Elias.” Nasabi ito ni Pedro sapagkat sila ay takot na takot.
Nililiman sila ng makapal na ulap at mula rito’y may isang tinig na nagsabi, “Ito ang pinakamamahal kong Anak. Pakinggan ninyo siya!”
Nang tumingin sa paligid ang mga alagad, wala na silang ibang nakita maliban kay Jesus.
Nang sila’y bumababa na mula sa bundok, mahigpit silang pinagbilinan ni Jesus na huwag sasabihin kaninuman ang kanilang nakita hangga’t hindi pa muling nabubuhay ang Anak ng Tao.
Sinunod nila ang tagubiling ito, ngunit sila’y nagtanungan sa isa’t isa kung ano ang kahulugan ng sinabi niyang muling pagkabuhay.
Pagninilay:
Ngayon ay Kapistahan ng Pagliliwanag sa Bagong Anyo ng Panginoon o ang “Transfiguration of Christ”. Kung tayo ay nagdarasal ng Santo Rosaryo tuwing Huwebes, ito ang ika-apat na misteryo na ating dinadasal. Tungkol saan nga ba ito at ano ang kahulugan nito sa ating buhay?
Ang pagbabagong anyo ng Panginoon ay nangyari sa Bundok ng Tabor bago pa man magpakasakit at mamatay si Jesus sa Krus. Kaya Niya ito pinakita sa Kanyang mga apostoles ay upang palakasin ang kanilang loob sa darating na pasyon ng ating Panginoon. Matatandaang bago pa man ang paghihirap ni Jesus, marami siyang mga ginagawang himala at mga kababalaghan. Ngunit sa kabila nito ay naghihintay pa rin ang mga apostoles na humawak si Jesus ng kapangyarihan na pampolitikal. Isang posisyon na makamundo. Ngunit ang Kaharian ng Panginoon ay hindi dito sa mundo ngunit sa kawalang-hanggan.
Dahil dito kailangan nila ng kakapitan bago mangyari ang matinding sasapitin ng ating Panginoon upang hindi sila tuluyang mawalan ng pananampalataya. Maging tayong mga tao, ito ang kadalasang ating nararamdaman kung mayroong mabigat na suliranin at pinagdaranaan. Dito natin pinakakailangan ng paghuhugutan ng lakas. Kung saan may dilim, doon kailangan ng liwanag. At ang liwanag na ito ay tanging liwanag lamang ng Diyos na sisinag sa pinakamadidilim na bahagi ng ating buhay.
Sa unang pagbasa, sa rebelasyon kay Daniel, inilahad ang kabuuan ng kaluwalhatian ng Diyos. Ito ay makikita lamang ng lahat ng tao hindi nang buo sa kasalukuyan, ngunit sa pagtatapos ng panahon. Habang nandirito sa lupa, hindi pa lahat ay makikita at maniniwala kahit pa ang katotohanan ay ang kaluwalhatin ng Diyos ay ganap na.
Kaya naman sa ating pananampalataya, hindi ang hubad na mata ang gamit na hindi nakikita ang lahat ng bagay lalo na ang mga bagay sa puso at kaluluwa. Ngunit ating ginagamit ang mata ng ating mga puso na totoong nakakakita at nakakaramdam sa ating Panginoon. Ang liwanag niya ay nabubuhay sa ating buhay sa ngayon, sa ibat’t ibang paraan. Nakikita ba natin ang Panginoon bilang makapangyarihan sa kabila ng ating mga dinaranas?
Kung makita natin ang Diyos sa kanyang kabubuan ng kapangyarihan at maniwala tayo sa kanya, anuman ang hirap na ating danasin sa buhay ay hindi tayo mapanghihinaan ng loob. Kailangang baunin natin at itanim sa ating mga isip at puso kung paano natin nasaksihan at natunghayan ang Panginoon at ang kanyang liwanag sa ating buhay.
Madalas, tayo ay madaling makalimot kung paano niya tayo iniligtas sa sakit, binigyan ng magandang trabaho, prinotektahan laban sa mga sakuna. Dapat nating malaman na lahat ng ito ay ang pagbibigay liwanag sa atin ng Diyos sa kabila ng kadiliman sa mundo.
Tandaan natin na ang Diyos ang pinakamakapangyarihan sa lahat. Hindi nagtatagal ang mga problema at suliranin. Lahat ito ay mapapawi din at tatanggalin lahat ng Panginoon. Basta tulad ng sabi ng Diyos Amang Makapangyarihan sa lahat, makinig tayo sa kanya!
Isabuhay natin ang kanyang mga katuruan. Namnamin ang kanyang salita. Magpatawad. Magbigay. Maglingkod. Magmahal nang buong puso. Isipin ang kapwa at huwag ang sarili. Kung nakakuha tayo ng lakas at nakaranas ng liwanag ng Panginoon, ito ay ating ibahagi din sa mga taong may kailangan nito at dalhin sila sa Panginoon at sa muling pagkabuhay nito.
Sa Diyos, ang lahat ng bagay gaano man kadilim o kasalimuot ay magiging maliwanag ulit. Ito ang liwanag na nagtatagal at hindi nagwawakas kundi nanatili magpasawalang hanggan.
Panalangin: O Jesu Cristo, patawarin mo akong mahina ang pananampalataya. Palakasin mo ang aming loob at huwag mo nawa kaming pabayaang matakot. Gabayan mo ako at aking buong pamilya upang kami ay makinig at makasunod sa iyong kalooban. Amen. +
Pagpalain nawa tayo ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos ngayon at magpakailanman. Amen +
Maraming Salamat sa Inyong Pagsubaybay!
Tulungan ninyo kaming ipamahagi ang Salita ng Diyos sa pamamagitan ng pag-CLICK at SHARE nito. I-TAG na rin ang inyong mga kaibigan sa post na ito!
Copyright Reflections Written By: Admin. FMM Francesca Maria Margarita