Mayo 18, 2018. Biyernes. Ika-7 Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay
Salmo 103: “Panginoon’y may luklukang matatag sa kalangitan.”
Unang Pagbasa: Gawa 25:13b-21
Makalipas ang ilang araw, dumating sa Cesarea si Haring Agripa at si Bernice upang bumati kay Festo. Nang matagal-tagal na sila roon, isinalaysay ni Festo sa hari ang tungkol kay Pablo. Sinabi ni Festo kay Haring Agripa, “Si Felix ay may iniwan ditong isang bilanggo. Nang ako’y nasa Jerusalem, inireklamo ito sa akin ng mga punong pari at ng mga pinuno ng mga Judio at hininging parusahan siya. Sinagot ko silang hindi kaugaliang Romano ang magparusa sa sinumang inirereklamo hangga’t hindi nito naipagtatanggol ang kanyang sarili laban sa mga nagsasakdal sa kanya. Kaya’t nang dumating sila rito, hindi na ako nag-aksaya ng panahon; kinabukasan din, ipinatawag ko siya sa hukuman. Nang tumayo ang mga nagsasakdal, hindi nila siya pinaratangan ng anumang mabigat na pagkakasala na inaakala kong ipaparatang nila. Ang tangi nilang pinagtatalunan ay tungkol sa kanilang relihiyon at sa isang tao na ang pangala’y Jesus. Patay na ang taong ito, ngunit ipinipilit naman ni Pablo na siya’y buháy. Hindi ko malaman kung ano ang gagawin sa bagay na ito, kaya’t tinanong ko si Pablo kung nais niyang sa Jerusalem siya litisin. Ngunit tumutol siya at hiniling na ipaubaya sa Emperador ang pagpapasya sa kanyang kaso. Dahil dito, pinabantayan ko siya upang ipadala sa Emperador.”
Ebanghelyo: Juan 21:15-19
Pagkakain nila, tinanong ni Jesus si Simon Pedro, “Simon, anak ni Juan, iniibig mo ba ako nang higit sa mga ito?”
“Opo, Panginoon, alam ninyong mahal ko kayo,” tugon niya.
Sinabi sa kanya ni Jesus, “Kung gayon pakainin mo ang aking mga tupa.” Muli siyang tinanong ni Jesus, “Simon, anak ni Juan, iniibig mo ba ako?”
Sumagot si Pedro, “Opo, Panginoon, alam ninyong mahal ko kayo.” Sabi ni Jesus, “Alagaan mo ang aking mga tupa.”
Pangatlong ulit na tinanong siya ni Jesus, “Simon, anak ni Juan, mahal mo ba ako?”
Nalungkot si Pedro sapagkat tatlong beses siyang tinanong ng, “Mahal mo ba ako?”
At sumagot siya, “Panginoon, alam po ninyo ang lahat ng bagay; alam ninyong mahal ko kayo.”
Sinabi sa kanya ni Jesus, “Pakainin mo ang aking mga tupa. Pakatandaan mo: noong bata ka pa, ikaw ang nagbibihis sa iyong sarili at pumupunta ka kung saan mo gusto. Ngunit pagtanda mo, iuunat mo ang iyong mga kamay at iba ang magbibihis sa iyo at dadalhin ka sa lugar na di mo gusto.” Sinabi niya ito upang ipahiwatig kung paanong mamamatay si Pedro at kung paano niya pararangalan ang Diyos.
Pagkatapos, sinabi sa kanya ni Jesus, “Sumunod ka sa akin!”
Pagninilay:
Tatlong beses tinanong ni Jesus si Pedro kung mahal siya nito. Katumbas ng tatlong beses din na itinatwa ni Pedro si Jesus noong panahong nahuli ang ating Panginoon. Ginawa ito ni Jesus upang maiparamdam kay Pedro ang Kanyang walang hanggang awa. Ang pag-ibig at awa na nagbubura ng lahat ng kasalanan kahit gaano pa ito kalubha, at hindi binibilang at isinusumbat sa minamahal. Gaano ba kasakit para sa Panginoon ang nangyari? Si Jesus ay itinatwa, ipinagkanulo, iniwan ng mga alagad, naging duwag sila bagamat napakarami nilang pinagsamahan. Hindi pa rin naging sapat ang mga iyon upang sila ay manatili sa Panginoon. Sa lahat ng mga alagad ni Jesus ay tanging si Juan laman ang nanatili hanggang sa Siya ay mapako at mamatay sa Krus. Pero kahit nangyari ang lahat ng iyon ay matatandaang kapayapaan pa rin ang inialay ni Jesus sa mga alagad.
Walang galit, walang pag-iimbot ng sama ng loob o panunumbat. Ganito nga rin ang Diyos sa ating lahat.
Ipinapaunawa ng ating Panginoong Jesus sa ebanghelyo ngayong araw na ang ating mga kasalanan ay hindi ibinibilang ng Diyos, bagkus ay binibigyan pa Niya tayo ng katumbas na mga pagkakataon upang magbago at gawin ang tama. Kung ang puso natin ay malinis at handang magbalik-loob sa Kanya lahat ito ay ating makakamtan. Mayroong temptasyon sa atin na magsabing “Hindi na ako mahal ng Diyos” o kaya naman ay “Galit sa akin ang Diyos” dahil sa mga naggawa nating kasalanan ngunit hindi ganito ang Panginoon sa atin.
Kung nagkamali man tayo at nagdusa, iyon ay gawa ng ating sariling mga desisyon sa buhay. Hindi pinilit ng Diyos sa atin ang mga bagay-bagay na mangyari sa ating buhay. Tinatanong tayo ng Panginoon, at may kalayaan tayo upang piliing gumawa ng mabuti. Mayroon tayong pag-iisip at kakayanang maghusga kung ano ang tama at mali bilang mga tao. Upang mamuhay ng masigla at masagana, ay nasa sa atin pa rin ang lahat ng desisyon natin sa buhay. Gaya ng kung paano rin piniling magbalik ni Pedro at maniwala sa kabutihan at kakayanan ng Diyos na magpatawad. Taliwas kay Judas Iscariote, na piniling maniwala sa kanyang sarili at piniling magpatiwakal. Tayo rin ang pipili kung hahayaan nating makapasok sa ating mga puso ang awa at pag-ibig ng Panginoon at mamuhay ng panibago, o kaya naman ay mas pipiliin nating ilayo ang sarili natin sa Kanya at maniwala sa ating sarili.
Nasa atin ang desisyon, at ang Panginoon natin ay matiyaga at patuloy na nagmamahal sa atin nang buo. Malalaman din natin na matapos ng ating pagbabalik sa Kanya, ay doon din natin matatanggap mula sa Kanya ang ating misyon sa buhay na siyang itinalaga ng DIyos para sa atin. Gaya din ni Simon Pedro, bagamat gayon ang Kanyang naging pagkakamali ay pinatawad at nagbalik, sa Kanya inihabilin ang pagiging pinuno ng Simbahan at pati ang susi ng langit. Dahil sa pagbabalik-loob na ito na bukal sa puso na siyang nagpalaya sa ating mga puso na magmahal ulit nang higit pa kaysa dati. Ganoon din tayo.
Tandaan, mga kapatid, na araw-araw na ginawa ng Diyos ay pagkakataon tayo upang magsimulang muli at gawin ang mga bagay sa ibang paraan. Isama natin ang Diyos sa lahat ng ating gawain, pagmulat ng mata hanggang sa bago matulog. Ang ating buhay, kahit gaano pa kalubha ang ating pakakamali, o gaano man tayo naging mahina ay mabibigyan ng Panginoon ang ating buhay ng bagong kahulugan.
Walang imposible sa Kanya.
Panalangin:
Panginoon, buksan mo ang aming nagugulumihanang puso at isip nang matanggap namin nang buo ang iyong pagpapala, mula sa Banal mong Pusong bukal ng walang hanggang awa at pag-ibig. Wala kaming ibang pupuntahan kundi sa iyo.
Tanging pag-asa lamang sa iyo na gagawin mong bago ang lahat ng mga nawala at mga hindi magandang pangyayari sa buhay.
Tanggapin mo Jesus ang kakarampot naming pananampalataya at gawin mo itong ganap. Naniniwala kaming walang sinuman ang naniwala sa iyo ang nabigo. Patuloy mo po sana akong gabayan kasama ng lahat ng aking minamahal sa buhay. Hinihiling namin itong lahat sa iyong Matamis na Ngalan sa tulong ng panalangin ni Maria, Aming Ina.
Amen. +
Isang mapagpalang Biyernes sa ating lahat!
Maraming Salamat sa Inyong Pagsubaybay!
Tulungan ninyo kaming ipamahagi ang Salita ng Diyos sa pamamagitan ng pag-CLICK at SHARE nito. I-TAG na rin ang inyong mga kaibigan sa post na ito!
Copyright Reflections Written By:
Admin. Francesca Maria Margarita