Hunyo 26, 2018. Martes. Ika-12 Linggo ng Karaniwang Panahon.
Salmo 48: Lungsod ng D’yos ay matatag dahil sa bigay nyang lakas.
Unang Pagbasa: 2 Mga Hari 19:9b-11, 14-21, 31-35a, 36
Dumating noon ang balita sa hari ng Asiria na sila’y lulusubin ni Haring Tirhaka ng Etiopia kaya nagsugo siya uli kay Ezequias at ipinasabi ang ganito: “Huwag mo nang dayain ang iyong sarili na sa pamamagitan ng pananalig mo sa iyong Diyos ay maliligtas ang Jerusalem sa kamay ng hari ng Asiria. Alam mo naman kung paano natalo ng mga naunang hari ng Asiria ang ibang lupain. Hindi ka rin makakaligtas sa akin.
Binasa ni Ezequias ang sulat na ibinigay sa kanya ng mga sugo ni Senaquerib. Pagkatapos, pumasok siya sa Templo at inilatag ang sulat sa harapan ni Yahweh. Nanalangin si Ezequias ng ganito: “Yahweh, Diyos ng Israel na nakaluklok sa trono sa ibabaw ng mga kerubin. Kayo lamang ang Diyos sa lahat ng kaharian sa ibabaw ng lupa. Kayo ang lumikha ng langit at lupa.
Pakinggan po ninyo ako, Yahweh. Narinig ninyo ang pag-alipusta ni Senaquerib sa inyo, Diyos na buháy. Alam po namin, Yahweh, na marami nang bansang winasak ang mga hari ng Asiria. Nagawa nilang sunugin ang mga diyos ng mga bansang iyon sapagkat hindi naman talagang Diyos ang mga iyon kundi mga kahoy at batong inanyuan ng mga tao. Kaya ngayon, Yahweh, iligtas po ninyo kami kay Senaquerib para malaman ng buong daigdig na kayo lamang ang kaisa-isang Diyos.”
Nagpadala ng sugo si Isaias kay Ezequias at ipinasabi ang ganito: “Ipinapasabi ni Yahweh, ang Diyos ng Israel, na narinig niya ang panalangin mo tungkol sa hari ng Asiria. Ito naman ang sinasabi ni Yahweh tungkol kay Senaquerib:
May makakaligtas sa Jerusalem, may matitirang buháy sa Zion. Sapagkat ito ang gustong mangyari ni Yahweh.”
Ito naman ang sinasabi ni Yahweh tungkol sa hari ng Asiria: “Hindi siya makakapasok sa lunsod na ito ni makakatudla kahit isang palaso. Hindi niya ito malulusob ni mapapaligiran. Kung paano siya dumating, ganoon din siya aalis. Hindi niya masasakop ang lunsod na ito. Ipagtatanggol ko at ililigtas ang lunsod na ito alang-alang sa aking karangalan at alang-alang sa aking pangako kay David na aking lingkod.”
Nang gabing iyon, pinasok ng anghel ni Yahweh ang kampo ng mga taga-Asiria at 185,000 kawal ang pinatay nito. Kinabukasan, nang bumangon ang mga hindi napatay, nakita nilang naghambalang ang mga bangkay.
Kaya nagmamadaling umuwi sa Nineve si Haring Senaquerib.
Ebanghelyo: Mateo 7:6, 12-14
“Huwag ninyong ibigay sa mga aso ang bagay na banal, baka pagkatapos ay kayo pa ang balingan at sakmalin nila. Huwag ninyong ihagis sa baboy ang inyong mga perlas sapagkat yuyurakan lamang nila ang mga iyon.”
“Gawin ninyo sa inyong kapwa ang nais ninyong gawin nila sa inyo. Ito ang buod ng Kautusan at ng mga isinulat ng mga propeta.”
“Pumasok kayo sa makipot na pintuan. Sapagkat maluwang ang pintuan at malapad ang daang papunta sa kapahamakan, at ito ang dinaraanan ng marami. Ngunit makipot ang pintuan at makitid ang daang papunta sa buhay, at kakaunti ang nagdaraan doon.”
Pagninilay:
Mula pa noon hanggang ngayon ay marami nang tumutuligsa sa Diyos at ating simbahan. Bagamat ang Diyos ay Makapangyarihan sa lahat, Siya rin ay mahabagin ngunit puno ng hustisya. Tiyak ay walang kahit isang panalangin na mula sa puso ang Kanyang pinapalagpas. Bawat isa sa ating panalangin ay mahalaga para sa Panginoon. Sa mga nangyayaring kaguluhan ngayon sa ating bansa at sa iba pang panig ng mundo, ito nawa ang ating panghawakan. Gaya ng ating nasaksihan sa unang pagbasa, ang mga pangyayari sa kasalukuyan kung saan tayo inaalipusta at ang ating simbahan ay inaatake ng karamihan. Ang Diyos ay binabastos na rin at nilalapastangan, pati na rin ang mga naninilbihang mga pari sa Panginoon na nagsisilbing Kanyang pastol para sa mga taong kanyang hinirang, ay ginugulo at pinipilit wasakin ng karamihan. Itatak natin sa ating puso at isentro natin ito sa kung sino ba ang Diyos sa ating buhay? Ngayong mga panahon na ito ay mayroon tayong desisyon na kailangang gawin kung makakapagpatibay ba ito ng ating pananampalataya, at pag-aalabin ang natutulog nating mga puso para maipagtanggol ang ating Diyos at simbahan. O kaya naman ay maniniwala tayo at magpapadala sa mga kalaban na nais lamang tayong wasakin?
Nawa sa ating mga buhay pananampalataya, ay makita at paniwalaan natin kung paanong sa mga ganitong kadiliman maipapakita ng Diyos ang Kanyang walang hanggang kapangyarihan. Kung kailan natin Siya pinakakailangan. Ito nawa ay magtulak sa atin upang mas dumulog pa sa ating Diyos at mas kumapit sa mga panalangin natin sa Kanya. Siya lamang ang tanging makapagliligtas sa atin at tiyak ay may plano ang Panginoon sa pagsasagot ng ating panalangin.
Sinabi nga ni Jesus sa ebanghelyo, kung paano dapat pahalagahan ang mga bagay sa ating buhay. Hindi basta basta ipinamimigay sa aso o kaya naman sa mga baboy, ngunit lalung lalo na pinag-iingatan pa. Ngayon, pa kaya na ating buhay pananampalataya sa Diyos ang siyang magbibigay sa atin ng buhay na walang hanggan?
Magkaisa tayo bilang magkakapatid at isang pamilyang Diyos. Madalas ang mas mabuti at tamang gawain ay ito ang mas mahirap gawin. Ngunit ito ang daan papuntang pangako ng Diyos na buhay na kaliwanagan at wala nang paghihirap pa. Ang pagiging tapat at matatag sa ating pinaniniwalaan hanggang huli.
Habang nandirito sa lupa, ay tinatawag tayo ng Panginoon na dalhin ang ating bawat pagsubok nang may buong pagtitiyaga at pagpapasensya. Higit sa lahat, dapat tayo ay may ganap na paniniwalang ang lahat ay matatapos din at magkakaroon pa rin ng isang magandang kahihitnanan. Ugaliin nating tumingin sa bawat mabuting bagay, sa ating buhay sa kabila ng ating hirap na dinaranas.
Magagawa natin ito habang inaalala sa ating mga puso na Diyos lamang ang nagtatagal sa lahat. Magbago man ang lahat at lumipas, ang Diyos ay hindi nagbabago kailanman.
Mananatili Siyang buhay, Makapangyarihan at puno ng luwalhati hanggang sa huli gaya noong Siya’y ipinako sa Krus, namatay at nabuhay muli na puno ng kaliwanagan at kaluwalhatian magpasawalang hanggan. Amen. +
Panalangin: Mag-alay ng isang Aba Ginoong Maria para sa kapakanan ng ating bansa at kapayapaan sa ating bayan, bawat pamayanan at ating mga pamilya. Amen. +
Pagpalain nawa tayo ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos ngayon at magpakailanman. Amen +
Maraming Salamat sa Inyong Pagsubaybay!
Tulungan ninyo kaming ipamahagi ang Salita ng Diyos sa pamamagitan ng pag-CLICK at SHARE nito. I-TAG na rin ang inyong mga kaibigan sa post na ito!
Copyright Reflections Written By: Admin. FMM Francesca Maria Margarita