Nobyembre 2, 2018. Ika-30 Linggo ng Karaniwang Panahon.
Salmo 103: Ang ating mahabaging D’yos ay nagmamagandang loob.
Unang Pagbasa: 2 Macabeo 12:43-46
Nagpalikom siya ng mga kaloob na umabot sa halagang apat na librang pilak at ipinadala ito sa Jerusalem upang ihandog na pantubos sa kasalanan. Ginawa ito ni Judas sapagkat naniniwala siya sa muling pagkabuhay ng mga patay.
Kung hindi siya umaasa na ang mga patay ay muling mabubuhay, magiging kahangalan lamang ang ipanalangin pa ang mga namatay na.
Dahil buo ang kanyang paniniwala na ang lahat ng namamatay na nanatiling maka-Diyos ay tatanggap ng dakilang gantimpala, ginawa niya ang paghahandog na iyon upang ang pagkakasala ng mga namatay na ito ay patawarin.
Ikalawang Pagbasa: Roma 8:31-35, 37-39
Ano pa ang masasabi natin tungkol dito? Kung ang Diyos ay panig sa atin, sino ang makakalaban sa atin? Kung ang sarili niyang Anak ay hindi niya ipinagkait, sa halip ay ibinigay para sa ating lahat, hindi kaya niya ibibigay sa atin ang lahat ng bagay?
Sino ang makakapagharap ng paratang laban sa mga hinirang ng Diyos, gayong ang Diyos ang nagpapawalang-sala sa kanila? Sino ang hahatol na sila’y parusahan? Si Cristo Jesus na pinatay, ngunit higit sa lahat ay muling binuhay, ngayon ay nasa kanan ng Diyos upang mamagitan para sa atin.
Sino ang makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ni Cristo?
Ang kaguluhan kaya, ang kapighatian, pag-uusig, pagkagutom, kahirapan, panganib, o kamatayan?
Hindi! Sa lahat ng mga ito, tayo’y siguradong magtatagumpay sa pamamagitan niya na nagmamahal sa atin.
Sapagkat natitiyak kong walang makapaghihiwalay sa atin sa kanyang pag-ibig. Kahit ang kamatayan, ang buhay, ang mga anghel, ang mga pamunuan o ang mga kapangyarihan, ang kasalukuyan o ang hinaharap, ang kataasan, ang kalaliman, o alinmang nilalang ay hindi makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos na ipinagkaloob sa atin sa pamamagitan ni Cristo Jesus na ating Panginoon.
Ebanghelyo: Juan 14:1-6
“Huwag na kayong mabalisa; sumampalataya kayo sa Diyos, sumampalataya din kayo sa akin.
Sa bahay ng aking Ama ay maraming silid. Kung hindi ito totoo, sasabihin ko ba sa inyong pupunta ako roon upang ipaghanda ko kayo ng inyong matitirhan?
At kapag naipaghanda ko na kayo ng matitirhan, ako’y babalik at isasama ko kayo upang kayo’y makapiling ko kung saan ako naroroon. At alam na ninyo ang daan papunta sa pupuntahan ko.”
Sinabi sa kanya ni Tomas, “Panginoon, hindi po namin alam kung saan kayo pupunta, paano naming malalaman ang daan?”
Sumagot si Jesus, “Ako ang daan, ang katotohanan, at ang buhay. Walang makakapunta sa Ama kundi sa pamamagitan ko.
Pagninilay:
Tampok sa ating Ebanghelyo ngayong araw ang huling hapunan ni Jesus at ng kanyang mga alagad. Binibilinan ni Jesus ang kanyang mga alagad dahil kailangan nila ito – ang lakas at sapat na tatag ng loob upang malagpasan ang darating na pagpapakasakit ni Jesus sa krus.
Bago pa man ang tagpong ito ay nabanggit na ni Jesus ang darating na kamatayan niya. Ngunit sinasabi rin niya paulit-ulit sa kanyang mga alagad na hindi sa kamatayan natatapos lahat. Darating ang tatlong araw at mabubuhay siya muli. Kagaya din ng mga alagad, tayo din ay binibilinan ni Jesus.
Bilang mga Kristiyano ay naniniwala tayo na mayroon pang susunod na buhay. Hindi lang ang mundo na ito. Ang paniniwalang ito ang makakapagpalaya sa atin sa mga sakit, inggit at mga delubyo dito sa mundong ito.
Huwag tayong mabalisa sa ating buhay. Huwag tayong mag-aalala. Ilang beses na ba tayong tila nalulunod sa mga alalahanin ng mundong ito? Hindi ba’t kasama natin ang Diyos sa lahat ng bagay? At sinabi nga ni Apostol San Pablo na walang kahit anong makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos sa atin.
Kahit ang mga hindi kanais-nais na bagay – sakit, sakuna, sunog, lindol, bagyo at ano pa, ay makapagpapatibay lang ng ating pananampalataya kung tayo’y kakapit sa Diyos.
Gayunding hindi dapat katakutan ang kamatayan. Hindi rin dapat maging kampanteng tayo’y karapat-dapat na sa Kaharian ng Diyos nang hindi sinusuri ang sarili at nagsisisi. Kung hindi tayo nagbabago at gumagawa ng mabuti. Kung hindi na tayo nananatili sa simbahan, baka ito’y tawag na sa atin ng Diyos upang makabalik sa kanya habang may oras pa. Habang may hininga pa at hindi pa malamig na bangkay na hindi na makapagsisisi pa kung hindi aasa na lang sa panalangin ng iba. Habang tayo’y mayroon pang kakayanan dito gumawa ng mabuti at magsisi gawin natin.
Nang pagtapos ng ating buhay, haharap tayo sa Diyos nang handa. Handa dahil tanggap natin ang kaiksian ng ating buhay kaya hindi na tayo nag-aksaya ng oras sa walang katuturang bagay. Kung hindi sa higit na mas mahalaga lalo sa espiritwal nating pangangailangan Nagsisisi sa mga kasalanan, patuloy na panunuri ng sarili at araw-araw ay maari tayong magsimulang muli at gawing bago ang lahat ng bagay.
Desisyon natin ito kung papayag tayong alipinin ng buhay o hawakan natin ang buhay natin na malaya tayo dahil alam nating may susunod pang buhay. Sa gayon, ang ating mga puso ay hindi na tumututok sa mga lilipas kung hindi sa mas permanenteng bagay sa itaas.
Hindi dito nagtatapos ang lahat.
Isang kahangalang isiping sigurado tayong lahat na mayroon tayong sapat na panahon. Bago pa man natin mamalayan baka tapos na ang ating buhay. Tingnan natin ngayong panahon ng Undas, ang mga yumao na sa sementeryo. Lahat ba ng mga ito ay sumakabilang buhay nang sila’y matanda na? Masaya ba? At walang pagsisisi sa buhay?
Ang iba dito ay mga bata pa, o mga teenager. May mga iba ding mga dalaga, binata at mayroon pa ngang mga sanggol na hindi pa nasisilayan ng araw ay binawian na agad ng buhay.
Sa kabila ng lahat, ang ating pag-asa ang dapat manatili sa ating mga puso habang nananalangin para sa mga kaluluwang ito lalo na ng ating mga minamahal. Ipagdasal natin sila tulad ng ginagawa ng inang simbahan at tayo naman ay ipinagdarasal din nila.
Tulad sa unang pagbasa, dapat pag-alayan natin sila ng dasal, hindi lamang bulaklak at kandila. Kailangan na kailangan natin ng pusong nanghihingi ng tawad sa Diyos para sa sarili at sa ating kapwa.
Lalo sa panahong ngayong talamak ang kasalanan at halos hindi na alam ng mga tao kung ano ang tama o mali dahil may kanya-kanya nang opinyon sa mga bagay. Ngunit ang mga sugat na ito ng ating sosyedad, komunidad at pamilya ay masosolusyonan sa pamamagitan ng panalangin, pagkukumpisal, pagsisimba at kaakibat ng mga ito ang tunay na pagsisisi.
Isang paalala sa atin na maiksi lamang ang buhay at hindi natin alam kung hanggang kailan tayo dito.
Kaya naman habang may oras pa, sana ay igugol natin sa mabuti. Unang una sa Diyos, para sa kapwa at mula sa sarili nang tayo’y maging tunay na mayaman sa Diyos. Hindi man dito ngunit sa kabilang buhay. Amen. +
Panalangin: Panginoon, turuan mo kami ng iyong pag-ibig na banayad, nagliligtas at namumunga. Kami ay nananamapalataya sa iyo bagamat mahina, kami ay iyong kalugdan. Maria at Jose ipanalangin ninyo po kami kay Jesus. Amen. +
Ipanalangin din mo natin at pag-alayan ng misa ang ating mga yumaong mahal sa buhay. Kasama na rina ng mga kaluluwa sa purgatoryo.
Pagpalain nawa tayo ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos ngayon at magpakailanman. Amen +
Maraming Salamat sa Inyong Pagsubaybay!
Tulungan ninyo kaming ipamahagi ang Salita ng Diyos sa pamamagitan ng pag-CLICK at SHARE nito. I-TAG na rin ang inyong mga kaibigan sa post na ito!
Copyright Reflections Written By: Admin. FMM Francesca Maria Margarita