Bible Catholic Church Christian Daily Gospel on DCF

SPECIAL GOSPEL REFLECTIONS on DCF: “Ang Ating Kamatayan at Muling Pagkabuhay”

Photo Credit: foter.com

 

Nobyembre 1, 2018. Huwebes. Ika-30 Linggo ng Karaniwang Panahon.

Dakilang Kapistahan ng Lahat ng mga Banal.

Salmo 24: Panginoon, ang bayan mo ay dumudulog sa iyo.

Unang Pagbasa: Pagbubunayag 7:2-4, 9-14

At nakita kong umaakyat sa gawing silangan ang isa pang anghel, taglay ang pantatak ng Diyos na buháy. Sumigaw siya sa apat na anghel na binigyan ng Diyos ng kapangyarihang maminsala sa lupa at sa dagat, “Huwag muna ninyong pinsalain ang lupa, ang dagat o ang mga punongkahoy hangga’t hindi pa natin nalalagyan ng tatak sa noo ang mga lingkod ng ating Diyos.”

At sinabi sa akin ang bilang ng mga tinatakan, 144,000 buhat sa labindalawang lipi ng Israel. Pagkatapos nito’y nakita ko ang napakaraming tao na di kayang bilangin ninuman! Sila’y mula sa bawat bansa, lahi, bayan, at wika.

Nakatayo sila sa harap ng trono at ng Kordero, nakadamit ng puti at may hawak na mga palaspas. Sinasabi nila nang malakas, “Ang kaligtasan ay nagmumula sa Kordero, at sa ating Diyos na nakaluklok sa trono!”

Tumayo ang lahat ng anghel sa palibot ng trono, gayundin ang mga pinuno, at ang apat na nilalang na buháy. Sila’y nagpatirapa sa harap ng trono at sumamba sa Diyos.

Sinasabi nila, “Amen! Sa ating Diyos ang papuri, kaluwalhatian, karunungan, pasasalamat, karangalan, kapangyarihan, at lakas magpakailanman! Amen.”
Tinanong ako ng isa sa mga pinuno, “Sino ang mga taong nakadamit ng puti, at saan sila nanggaling?”

“Ginoo, kayo po ang nakakaalam,” ang sagot ko. At sinabi niya sa akin, “Sila ang mga nagtagumpay sa gitna ng matinding kapighatian. Nilinis nila at pinaputi sa dugo ng Kordero ang kanilang damit.

Ikalawang Pagbasa: 1 Juan 3:1-3

Tingnan ninyo kung gaano kalaki ang pag-ibig sa atin ng Ama! Tinatawag niya tayong mga anak ng Diyos, at iyan nga ang totoo. Ito ang dahilan kung bakit hindi tayo nakikilala ng mga makasanlibutan: hindi nila kinikilala ang Diyos.

Mga minamahal, anak na tayo ng Diyos ngayon, ngunit hindi pa nahahayag ang magiging kalagayan natin. Ngunit alam nating sa pagparitong muli ni Cristo, tayo’y matutulad sa kanya, sapagkat makikita natin kung sino talaga siya.
Kaya’t ang sinumang may ganitong pag-asa ay nagsisikap na maging malinis ang pamumuhay tulad ni Cristo.

Ebanghelyo: Mateo 5:1-12

Nang makita ni Jesus ang napakaraming tao, umakyat siya sa bundok. Pagkaupo niya lumapit ang kanyang mga alagad at sila’y tinuruan niya.

“Mapalad ang mga taong walang inaasahan kundi ang Diyos,
sapagkat mapapabilang sila sa kaharian ng langit.
“Mapalad ang mga nagdadalamhati,
sapagkat aaliwin sila ng Diyos.
“Mapalad ang mga mapagpakumbabá,
sapagkat mamanahin nila ang daigdig.
“Mapalad ang mga nagugutom at nauuhaw sa katuwiran,
sapagkat sila’y bubusugin.
“Mapalad ang mga mahabagin,
sapagkat kahahabagan sila ng Diyos.
“Mapalad ang mga may malinis na puso,
sapagkat makikita nila ang Diyos.
“Mapalad ang mga gumagawa ng paraan para sa kapayapaan,
sapagkat sila’y ituturing na mga anak ng Diyos.
“Mapalad ang mga inuusig nang dahil sa kanilang pagsunod sa kalooban ng Diyos,
sapagkat mapapabilang sila sa kaharian ng langit.
“Mapalad ang mga nilalait at inuusig ng mga tao, at pinaparatangan ng lahat ng uri ng kasamaan na pawang kasinungalingan nang dahil sa akin. Magsaya kayo at magalak sapagkat malaki ang inyong gantimpala sa langit. Gayundin ang ginawa ng mga tao sa mga propetang nauna sa inyo.”

Pagninilay:

Para saan ang iyong buhay? Ano ang minimithi ng iyong puso sa buhay na kaloob sa iyo ng Diyos?

Magandang pagnilayan, mga kapatid ngayong araw na ito ang katotohanan ng kamatayan. Ito ay realidad ng buhay. Walang sinuman ang makakatakas dito. Isa itong bagay na pagdaraanan nating lahat maging sinuman sa mundo. Mayaman man o mahirap. May kapangyarihan man o ordinaryong mamayan.

Lahat tayo ay mayroong hangganan.
Sa iisang lupa lamang tayo babalik dahil dito rin tayo nanggaling sa alikabok. Kapag tayo’y namatay, mananatili ang ating katawan sa lupa ngunit bilang mga Katoliko, tayo’y naniniwala na mayroon pang buhay na walang hanggan. Mayroong langit, purgatory at impiyerno.

Naniniwala tayo sa buhay na walang hanggan na itinuro ni Cristo at ng simbahan. Hindi dito nagtatapos ang buhay sa mundo dahil ang ating tunay na tahanan ay ang kalangitan. Kaya naman kung tayo’y naniniwala dito hindi pala tayo magtatagal sa lupa, hindi ba’t nararapat lamang na mas pagbigyan natin ng pansin ang mga bagay ukol sa susunod na buhay hindi sa mga bagay na lumilipas lamang dito sa mundo?

Ilan ba sa atin ang balisa at aligaga sa mga trabaho, pagkakakitaan, pera, karangalan atbp. At hindi nabibigyan ng pansin ang ating sariling tungkulin bilang mga Anak ng Diyos para sa ating kaligtasan?

May biro pa ngang kumakalat sa ating sirkulasyon na ang iba raw mga Katoliko matapos binyagan at sa huli na lang ulit babalik at papasok ng simbahan kapag yumao na. Hihintayin ba nating huli na ang lahat? O tayo ay tatangis sa Panginoon at gagawin ang kanyang kalooban habang maaga pa?

Kaya naman ang kaligtasan ay ating makakamtan kung paano tayo sumusunod sa Salita ng Diyos. Isa sa mga kasinungalingang kumakalat ngayon ay ang isiping lahat tayo, basta “mabait” kung ituring ng iba, ay mapupunta na sa Kaharian ng Diyos. Hindi po ganito. Mayroon din mga ibang nagsasabing basta mahaba manalangin at laging nasa simbahan ay akala nila ligtas na sila. Alalahanin nating pagdating ng araw, tayo ay huhusgahan base sa gawa, at sa pag-ibig na kalakip ng mga gawa nating ito. Tulad ng mga santo na hindi namuhay para sa sarili kung hindi para sa kapwa na siyang utos ng Diyos.

Ngayon ang tanong ay paano nga ba masusukat ang isang pagiging santo?

Ngayon ay ipinagdiriwang natin ang Dakilang Kapistahan ng mga Banal sa Langit o “All Saint’s Day”. Sino nga ba ang matuturing na santo? Kilala man ng simbahan o hindi. Ang mga santo ay ang mga taong mga banal, na inamin ang kanilang kahinaan at pagkamakasalanan. Sila ay mga mabababa ang loob na inamin kung gaano natin kakailangan ng Diyos. Dahil dito, sila ay nadama ng awa ng Diyos at tinulungan sila sa lahat ng bagay. Naging mga epektibong mata, kamay at paa sila ng Diyos dahil nagpaalipin sila hindi sa sariling interes kung hindi sa mga bagay ukol sa buhay na darating pa.

Hindi sila mga anghel na ipinanganak na walang bahid o purong espiritu lamang. Sila ay mga tao din gaya natin na mayroong kahinaan. Nakakaramdam din ng pagod, uhaw at gutom. Ngunit dahil sa kanilang paniniwala kay Cristo, lahat ito’y napagtagumpayan. Nagamit ang mga kahinaang ito upang magkaroon ng habag sa kapwa dahil nasa isip nila lagi na kung sila nga nahihirapan at nagugutom, paano pa kaya ang ibang kapus-palad?

Sila ang dahil sa pakikinig ng Salita ng Diyos, namunga ng masagana sa kanilang puso at nagkaroon ng bunga ng mabubuting gawa. Walang takot nagsilbi sa Panginoon. Walang pasubaling nagmahal ng kapwa at naglingkod sa kapwa sa Ngalan ng Diyos. Tayo kaya sa ating buhay, sino ang ating pinaglilingkuran? Kanino nakasentro ang ating buhay? Naglilingkod ba tayo ng malinis na puso o panay ang ating reklamo sa buhay?

Tandaan natin na ang pagiging banal ay hindi lamang para sa mga iilan kung hindi para sa lahat. Walang antas ng edukasyon ang kailangan upang makamit ito, o yaman. Kung hindi isang pusong tunay na nagmamahal at nakikinig sa Diyos. Hindi natin kailangan gumagawa ng magarbong gawain kung hindi magsisimula tayo sa ating mga kanya-kanyang gagampanang tungkulin sa buhay. Isang pagiging matapat na ama, ina, kapatid, at anak ay malaking bagay na sa mundong naging makasarili at puro indibidwal na interes ang inaatupag.

May mga ibang takot mamatay dahil hindi pa handa. Hindi makapagpatawad. Hindi maiwan ang pusong nakabigkis, hindi sa darating na buhay na walang katapusan kapiling ng Diyos, ngunit sa makamundong bagay. Wala po tayong madadalang kahit ano sa kamatayan kung hindi ang pusong sana’y naging malinis dulot ng ating paghingi ng tawad at sakripisyo para sa Diyos at kapwa.

Sa ating mga puso nawa patuloy na itago ang mga kayamanan natin nang tayo’y tawaging “mapalad” ng Panginoon. Ito ang dapat nating pagsikapan at pag-alayan ng panahon. Pagnilayan natin ito.

Panalangin: Ipanalangin natin para sa araw na ito at sa buong buwan ng Nobyembre ang mga yumao nating mahal sa buhay at ang mga kaluluwa sa purgatoryo lalo na ang mga walang nakaalala. Pag-alayan sila ng misa hangga’t maari.

Pagpalain nawa tayo ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos ngayon at magpakailanman. Amen +

Maraming Salamat sa Inyong Pagsubaybay!

Tulungan ninyo kaming ipamahagi ang Salita ng Diyos sa pamamagitan ng pag-CLICK at SHARE nito. I-TAG na rin ang inyong mga kaibigan sa post na ito!

Copyright Reflections Written By: Admin. FMM Francesca Maria Margarita

Defend The Catholic Faith

About Author

Safeguards have been created to ensure the orthodoxy of the contents of our website. If, despite strictly adhering to the dogmas and magisterial authority of the Church, errors have been pointed out and proven, I will humbly submit to the authority of the Church.

You may also like

Bible Catholic Church Catholic Faith News

WHY THE DEVIL HATES THE BLESSED VIRGIN SO MUCH (AND WHY YOU SHOULD LOVE HER)

  Satan hates the Blessed Virgin Mary. In fact, he has been doing everything in his power to discourage devotion to
Apologetics / Reflections Catholic Church The Sacraments

BINYAG, KASAL, KUMPIL AT IBA PA. BAKIT DAW MAY BAYAD? BY: ADMIN COCO

Sabi ng mga sektang kutya ng kutya sa katoliko sabi nila bakit ang kasal niyo my bayad? binyag my bayad?