ITINUTURO BA NG ROMA 16:25 NA NAKATAGO SA HIWAGA ANG MGA NAKASULAT SA BIBLIA?
TALATA:
“At ngayon, sa Diyos na may kapangyarihang magpatibay sa inyo ayon sa aking ebanghelyo at sa pangangaral ni Jesu-Cristo, ayon sa pahayag ng hiwaga na inilihim sa napakahabang panahon,” [Roma 16:25 Ang Biblia 2001 edisyon]
BUONG KATANUNGAN:
Nang nagbigay ako ng mga talata upang patunayan ang katotohanan ng Simbahang Katolika sa isang pinsan ko na kabilang sa Iglesia ni Cristo, sinabi niya sa akin na hindi ko raw maiintindihan ang nakasulat sa Biblia, at mga ministro lamang nila ang makakaintindi ng mga ito, ayon na rin sa nakasulat sa Roma 16:25. Ano po ang tugon natin dito?
SAGOT:
ANG BIBLIA, BAGAMA’T MAHIRAP ITONG INTINDIHIN, AY HINDI NAMAN NAKATAGO SA HIWAGA. BAGKUS, HINIHIKAYAT SA ATIN NA ARALIN ANG MGA BANAL NA KASULATAN
Ang isa sa mga pantapos ng argumento na ginagamit ng mga INC ay ang Roma 16:25, at sasabihin nila na hindi naman nila tuluyang maiintindihan ang mga nakasulat sa Biblia, at tanging ang mga isinugo (ministro) lamang ang nakakaintindi ng mga nakasulat dito. Ngunit kung papansining mabuti, sa mismong talata pa lamang ay mayroon nang problema: kung ipagpapatuloy lang natin ang basa ng talata, sa talatang 26, mababasa na “subalit nahayag na ngayon, at sa pamamagitan ng mga kasulatan ng mga propeta, ay ipinakilala sa lahat ng mga bansa tungo sa pagsunod sa pananampalataya, ayon sa utos ng Diyos na walang hanggan—“. Ano ang itinuturo ng nasabing mga talata? Sinasabi ni Apostol San Pablo na ang ebanghelyo ni Cristo, bagama’t nakatago sa hiwaga sa mahabang panahon, ito ay nahayag na ngayon sa lahat ng mga bansa. Ang hiwaga na sinasabi ni Pablo dito ay ang hiwaga tungkol sa pagdating at ang kabuuan ng pahayag na na kay Cristo Jesus—at hindi patungkol sa nakasulat sa Banal na Kasulatan.
Sa totoo nga, ang mga tao ay hinihikayat na alamin ang nakasulat sa Banal na Kasulatan. Halimbawa, sa Gawa 17:10-15, nakasaad na sa pagpapahayag ni Pablo tungkol kay Cristo sa isang sinagoga sa Berea, itinuring na mga “mararangal” ang mga taga-Berea sapagkat “tinanggap nila ang salita ng buong pananabik na sinisiyasat araw-araw ang mga kasulatan kung tunay nga ang mga bagay na ito” (Gawa 17:11). Ngunit totoo, hindi lang dapat magbatay sa ating sariling interpretasyon, dahil ito ay binababalaan din ng mga Apostol. Sinabi ni Pedro sa kaniyang ikalawang sulat na “na walang propesiya ng kasulatan na nagmula sa pansariling pagpapakahulugan” (II Pedro 1:20). Binabalaan din niya, tungkol sa mga sulat ni Apostol Pablo, na “Doon ay may mga bagay na mahirap unawain, na binabaluktot ng mga hindi nakakaalam at ng mga walang tiyaga, gaya rin naman ng kanilang ginagawa sa ibang mga kasulatan, sa ikapapahamak din nila” (II Pedro 3:16). Ayon sa talata, ikakapahamak ng isang tao ang pagbabaluktot sa mga nakasulat ng mga hindi nakakaalam. Hinihikayat ng Biblia na siyasatin natin ang mga Kasulatan, ngunit huwag bumatay sa sariling interpretasyon.
Kung gayon, sa paanong paraan natin dapat siyasatin ang mga Banal na Kasulatan? Dapat nating saligan ang mga Apostol, sapagkat sila ang pinangakuan ni Cristo na ituro ang lahat ng mga bagay (Mateo 28:20), at sila ang siyang pinangakuan niya ng Espiritu Santo na gagabay sa kanila sa buong katotohanan (Juan 16:13). At ang mga Apostol at ang kanilang mga tagapagmana ng tungkulin ang siyang nga nangunguna sa Iglesya o Simbahan (I Corinto 12:28), at ang nasabing Iglesya ang “ang haligi at suhay ng katotohanan” (I Timoteo 3:15). Sa ganitong paraan malalaman natin na ang gabay natin tungo sa pagbasa at pag-interpret ng Biblia ay ang Simbahan. Binigyan tayo ng Diyos ng pag-iisip, at sa gabay ng kaniyang Simbahan ay maaalam natin ang lahat ng mga iniwan niyang turo sa atin.
SOLUTA EST VERITAS!
PLEASE SHARE!
(Kung may Prooftext kayo na nais ninyong sagutin namin, i-comment lang dito sa post na ito ang request ninyo)