Isang milyong pisong ang inisyal na tulong na inihahahanda ng Caritas Manila, ang Social Arm ng Archdiocese of Manila para sa mga diyosesis na masasalanta ng bagyong Ompong.
Sa panayam ng Veritas Pilipinas, sinabi ni Father Anton CT Pascual, Executive Director ng Caritas Manila at Pangulo ng Radio Veritas na magpapadala na ang Caritas Manila ng tig-200 libong piso sa mga lugar na inaasahang labis na maapektuhan ng bagyo.
“Cash ang ibibigay natin, nagpre-position ng mga at least P200 thousand na minimum ibigay natin sa mga diyosesis dito sa Batanes, Tuguegarao, Ilagan, Laoag, Tabuk, na tatamaan ng pagdaan ng bagyo. Para makahanda na sila ng relief operation, medicine, food para mabilis ang pagtugon ng simbahan,” pahayag ni Fr. Pascual sa panayam ng Veritas Pilipinas.
Hangad ng simbahan na makapaghatid ng tulong sa loob ng 24 hanggang 48 oras sa mga apektadong lugar.
Kabilang sa mga padadalhan ng tulong ng Caritas Manila ang Prelature of Batanes; Arkidiyosesis ng Tuguegarao, maging sa diyosesis ng Laoag, Tabuk at Ilagan upang kagya’t na makapaghatid ng tulong sa mga residente dahil sa bagyong Ompong.
Kaugnay nito, nagpaabot na rin ng panalangin si Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle para sa kaligtasan ng buong bansa sa banta ng hagupit ng bagyong Ompong.
Read full article here: www.veritas846.ph