Bible Catholic Church Catholic Faith Daily Gospel on DCF

ANO NGA BA ANG KAHULUGAN NG PANGALAN NI HESUS?



Hunyo 9, 2022. Kapistahan ng Panginoong Hesukristo, Walang Hanggang at Dakilang Pari.

Subscribe to Awit at Papuri Communications Channel

Feast of Our Lord Jesus Christ, The Eternal High Priest (White).

UNANG PAGBASA
1 Hari 18, 41-46
Pagbasa mula sa unang aklat ng mga Hari

Noong araw na iyon, sinabi ni Elias kay Acab: “Lumakad ka na. Maaari ka nang kumain at uminom. Naririnig ko na ang lagunos ng ulan.” Samantalang si Acab ay kumakain at umiinom, umakyat si Elias sa tuluktok ng Carmelo, sumubsob sa lupa. Sinabi niya sa kanyang utusan: “Tumaas ka pa ng kaunti at tumanaw ka sa dagat.”
Umakyat nga ang utusan at tumanaw sa dagat. “Wala po akong makitang anuman,” wika ng utusan.

“Ulitin mo makapito,” utos ni Elias. Sa ikapitong pagtanaw, napasigaw ang utusan: “May nakikita po akong gapalad na ulap na pumapailanglang mula sa dagat.”

“Madali ka!” sabi ni Elias. “Sabihin mo kay Acab na singkawan ang karwahe at lumusong kaagad. Baka siya’y hindi makaalis dahil sa ulan.”

Kapagdaka’y nagdilim ang langit sa kapal ng ulap at biglang bumuhos ang malakas na ulan. Sumakay si Acab sa karwahe at nagmamadaling nagtungo sa Jezreel. Kinasihan si Elias ng kapangyarihan ng Panginoon. Inililis niya ang damit at tumakbo sa unahan ng karwahe ng hari hanggang sa pagpasok sa Jezreel.
Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 64, 10abkd. 10e-11. 12-13
O D’yos, dapat kang awitan,
sa Sion ay papurihan.

MABUTING BALITA
Mateo 5, 20-26
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, “Sinasabi ko sa inyo: kung ang pagsunod ninyo sa kalooban ng Diyos ay tulad lamang ng pagsunod ng mga eskriba at mga Pariseo, hindi kayo makapapasok sa kaharian ng Diyos.”

“Narinig ninyo na noong una’y iniutos sa mga tao, ‘Huwag kang papatay; ang sinumang makamatay ay mananagot sa hukuman.’ Ngunit ngayo’y sinasabi ko sa inyo: ang mapoot sa kanyang kapatid ay mananagot sa hukuman; ang humamak sa kanyang kapatid ay mananagot sa Sanedrin, at sinumang magsabi sa kanyang kapatid ‘Ulol ka!’ ay mapapasaapoy ng impiyerno.

Kaya’t kung naghahandog ka sa Diyos, at maalaala mo na may sama ng loob sa iyo ang kapatid mo, iwan mo muna ang iyong handog sa harap ng dambana at makipagkasundo ka sa kanya. Saka ka magbalik at maghandog sa Diyos.
“Kung may magsakdal laban sa iyo sa hukuman, makipag-ayos ka sa kanya habang may panahon, bago ka niya iharap sa hukom. At kung hindi’y ibibigay ka niya sa hukom, na magbibigay naman sa iyo ng tanod, at ikaw ay mabibilanggo. Sinasabi ko sa iyo: hindi ka makalalabas doon hangga’t hindi mo nababayaran ang kahuli-hulihang kusing.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Pagninilay:

Maligayang Kapistahan po ng ating Panginoong Hesukristo, ang
Walang Hanggang at Dakilang Pari! Ang ating Ebanghelyo po ngayong araw na ito ay ukol sa kabanalan subalit ano nga ba ito? Marami sa atin ang nag-iisip na para lamang ito sa “piling” tao. Sabi ng iba, para lamang ito sa mga santo na. Totoo nga ba ito? Wala na ba talaga tayong pag-asang maging banal o talagang masyado na lamang nakapako ang ating pagtingin sa mundo kaya nawawalan na tayo ng pag-asa o kahit paniniwala man lamang na posible ito?

Ang sinumang tao na sa mundo nakatingin ay malilimitahan lamang ang kanyang pananaw sa mundo rin na kanyang nakikita. Sapagkat napakarami pa nating madidiskubre at matututunan kung tayo ay sa Diyos nakatingin. Saan ito? Sa mga altar, doon sa ating mga Banal na Tabernakulo kung saan si Hesus mismo ay nakalagak. Si Hesus ang alay, Siya ang Kordero ng Diyos, Siya ang Tinay ng Buhay na ating kinakain sa Banal na Komunyon. Siya rin ang Pari. Siya ang Pinakamataas na Pari at ang lahat ng kaparian ay nakikibahagi sa pagkapari na ito ni Hesus.

Kung sa tingin natin ay hindi tayo bahagi nito, napakalaking pagkakamali nito sapagkat bilang Simbahan, tayo ang bumubuo sa katawan ni Kristo. Siya naman ang ating Ulo. Tayo ay nakikibahagi rin sa pagkapari na ito ng ating Panginoong Hesus. Kaya tayo rin ay banal at tinatawag na maging mga banal. Ang pagiging banal ay para sa lahat – anumang bokasyon at estado mayroon tayo. Sapagkat ibig sabihin lamang nito ay ang pakikinig sa Diyos at ang pagsunod sa Kanya. Hindi Niya hinihiling na gawin ang imposible subalit binigyan Niya tayo ng kanya-kanyang talento, abilidad at kakayanan upang mapagsilbihan Siya at para matupad ang Kanyang kalooban.

Bilang mga bahagi ng Katawan ni Kristo, ang Simbahan, ang ibig sabihin ng ating pakikibahagi sa Kanyang pagkapari ay mayroon tayong mahalagang obligasyon at papel na gagampanan. Ito ay ang pananalangin hindi lamang para sa ating sarili kung hindi sa buong mundo. Sa tuwing tayo’y nagsisimba, alalahanin natin na ito ang pinakamataas na porma ng pananalangin sapagkat iyon ay ang sakripisyo ni Hesus. Ginugunita at inaalala natin ang Kanyang pagpapakasakit, pagkamatay at muling pagkabuhay – ang mga misteryo kung saan tayo naligtas.

Hindi tayo basta mga nanonood lamang dahil kasabay nito ay ang pag-aalay din ng ating buong sarili kay Hesus upang sa ating pagtanggap ng Banal na Komunyon, tayo ay nagiging bahagi ng katawan ni Hesus. Hindi ito gaya ng ordinaryong pagkain na nagiging bahagi ng katawan. Tayo naman sa Banal na Misa ay lalo pang nagiging bahagi ng katawan ni Hesus sa pagkain natin sa Kanyang Banal na Dugo at Laman sa Banal na Komunyon.

Para mangyari ito ay kailangan din nating ialay ang ating mga sarili sa Kanya. Kung tayo’y naghuhulog ng pera sa tuwing “offertory”, alalahanin natin na mayroon pang higit na mas gusto ang Diyos na ating ihulog sa Kanya – ang ating buhay at puso. Ito ang mahirap gawin. Subalit ito’y matagal nang ginawa ni Hesus para sa atin. Hindi nga lamang kumpleto ang pagmamahalan kung wala tayong tugon sa Kanya at kung hindi rin natin Siya mamahalin. Hindi man natin mapantayan ang Kanyang pag-ibig, kung ano ang ating kaya, iyon ay sapat na sa Diyos.

Kaya naman, tanungin natin ang ating mga sarili. Paano natin pinagpapahalagahan ang Banal na Misa at ang alay ni Hesus na buhay para sa atin? Nakikita ba natin ang kahalagahan ng pag-aalay ng buo ni Hesus para sa ating lahat? O baka naman masyado na tayong nasanay sa nangyayari at nabulag na tayo ng tila ba magaganda at makikinang na bagay sa mundo na pawang lumilipas din? Hindi natin maihihiwalay ang Eukaristiya sa pagkapari sapagkat kung wala ang isa ay wala rin ang isa. Ipanalangin natin ang lahat ng mga kaparian ngayong araw nang sa gayon ay sila rin, maging tunay na kaisa ni Hesus at masunurin sa Kanyang simpleng pamumuhay na nakasentro sa Mabuting Balita.

Magpasalamat tayo ngayong araw na ito sapagkat mayroon tayong Pinakamataas at Walang Hanggang Pari na si Hesus na ating Panginoon at Diyos. Dahil sa Kanya, tayo ay makakatuloy sa Langit kung gugustuhin natin at gagawin din natin ang lahat upang makuha at matanggap ang pangako Niyang ito. Hindi bilang isang manonood lamang ngunit bilang isang aktibong Kristiyanong naglilingkod, nagdadasal, nagmamahal at nagtatanggol ng pananampalataya. Amen. +

Pagnilayan natin ito. Amen. +
Pagpalain po tayong lahat ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos, at ipagsanggalang nawa Niya tayo laban sa tukso at masasama ngayon at magpakailanman. Amen. +

Pagninilay ni: F.M.M.J.
Pinagmulan ng Pagbasa: Tagalog Mass Readings © Awit at Papuri Communications http://www.awitatpapuri.com

Defend The Catholic Faith

About Author

Safeguards have been created to ensure the orthodoxy of the contents of our website. If, despite strictly adhering to the dogmas and magisterial authority of the Church, errors have been pointed out and proven, I will humbly submit to the authority of the Church.

You may also like

Bible Catholic Church Catholic Faith News

WHY THE DEVIL HATES THE BLESSED VIRGIN SO MUCH (AND WHY YOU SHOULD LOVE HER)

  Satan hates the Blessed Virgin Mary. In fact, he has been doing everything in his power to discourage devotion to
Apologetics / Reflections Catholic Church The Sacraments

BINYAG, KASAL, KUMPIL AT IBA PA. BAKIT DAW MAY BAYAD? BY: ADMIN COCO

Sabi ng mga sektang kutya ng kutya sa katoliko sabi nila bakit ang kasal niyo my bayad? binyag my bayad?