Bible Catholic Church Catholic Faith Christian Daily Gospel on DCF

ANG MABUTING BALITA TUWING LINGGO: “Mahalaga ang Oras sa Diyos”

Hulyo 21, 2019. Ika-16 na Linggo sa Karaniwang Panahon.

Salmo 14, 2-3ab. 3kd-4ab. 5
Sino ba ang tatanggapin sa templo ng Poon natin?

UNANG PAGBASA
Genesis 18, 1-10a
Pagbasa mula sa aklat ng Genesis

Noong mga araw na iyon, napakita ang Panginoon kay Abraham sa Mamre sa may sagradong mga punongkahoy. Noo’y kainitan ng araw at nakaupo siya sa pintuan ng kanyang tolda. Walang anu-ano’y may nakita siyang tatlong lalaking nakatayo. Patakbo siyang sumalubong, yumukod nang halos sayad sa lupa ang mukha, at sinabi: “Mga ginoo, kung inyong mamarapatin, magtuloy po kayo sa amin. Dito muna kayo sa lilim ng punong ito, at ikukuha ko kayo ng tubig na panghugas sa inyong mga paa.

Magpapahanda tuloy ako ng pagkain para manauli ang lakas ninyo bago kayo magpatuloy sa inyong paglalakbay. Ikinagagalak ko kayong paglingkuran habang naririto kayo sa amin.”
Sila’y tumugon, “Salamat, ikaw ang masusunod.” Si Abraham ay nagdudumaling pumasok sa tolda at sinabi kay Sara, “Madali ka, kumuha ka ng tatlumpung librang harina, at gumawa ka ng tinapay.” Pumili naman siya ng isang matabang guya sa kulungan, at ipinaluto sa isang alipin. Kumuha rin siya ng keso at sariwang gatas at inihain sa mga panauhin kasama ang nilutong karne. Hindi siya lumalayo sa tabi ng mga panauhin habang sila’y kumakain.

Samantalang sila’y kumakain, tinanong nila si Abraham: “Nasaan ang asawa mong si Sara?”
“Nandoon po sa tolda,” tugon naman nito.
Sinabi ng panauhin, “Babalik ako sa isang taon, sa ganito ring panahon, at pagbabalik ko’y may anak na siya.”

Ang Salita ng Diyos.
Salamat sa Diyos.

IKALAWANG PAGBASA
Colosas 1, 24-28
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Colosas

Mga kapatid, nagagalak ako sa aking pagbabata ngayon alang-alang sa inyo sapagkat sa pamamagitan nito’y naipagpapatuloy ko ang paghihirap na kailangan pang gawin ni Kristo para sa simbahan na kanyang katawan. Ako’y naging lingkod nito nang hirangin ako ng Diyos upang ipahayag sa inyo ang kanyang salita. Hinirang niya ako upang lubusang ihayag sa inyo ang hiwaga na mahabang panahong nalihim sa maraming sali’t saling lahi, ngunit ngayo’y inihayag sa kanyang mga anak. Inibig ng Diyos na ihayag sa kanyang mga anak.

Inibig ng Diyos na ihayag sa lahat ng tao ang dakila at kamangha-manghang hiwagang ito. Ito ang hiwaga: sumainyo si Kristo at dahil dito’y nagkaroon kayo ng pag-asang makapiling ng Diyos doon sa kaluwalhatian. Iyan ang dahilan kung bakit namin ipinangangaral si Kristo. Pinaaalalahanan namin ang lahat, at buong linaw na tinuturuan ayon sa aming makakaya upang maiharap namin sa Diyos ang bawat isa, sakdal at walang kapintasan dahil sa pakikipag-isa kay Kristo.

Ang Salita ng Diyos.
Salamat sa Diyos.

MABUTING BALITA
Lucas 10, 38-42
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas

Noong panahong iyon, pumasok si Hesus sa isang nayon. Malugod siyang tinanggap ng isang babaing nagngangalang Marta sa tahanan nito. Ang babaing ito’y may isang kapatid na Maria ang pangalan. Naupo ito sa paanan ng Panginoon at nakinig sa kanyang itinuturo. Alalang-alala si Marta sapagkat kulang ang kanyang katawan sa paghahanda, kaya’t lumapit siya kay Hesus at ang wika, “Panginoon, sabihin nga po ninyo sa kapatid kong tulungan naman ako.” Ngunit sinagot siya ng Panginoon, “Marta, Marta, naliligalig ka at abalang-abala sa maraming bagay, ngunit isa lamang ang talagang kailangan. Pinili ni Maria ang lalong mabuti, at ito’y hindi aalisin sa kanya.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pinupuri ka namin Panginoong Jesu Cristo.

Pagninilay:

Isang mapagpalang linggo po sa ating lahat!
Marami tayong inaalala sa mundo at lagi tayong maraming ginagawa. Minsan pa ay sabay-sabay ang mga inaasikaso natin na halos hindi magkasya ang oras sa ating paningin. Ito ang larawan ni Marta sa atin sa kasalukuyang panahon. Palaging maraming ginagawa at minsan nagiging balakid na ito upang magkaroon tayo ng oras na manalangin at manatili kay Jesus – itong huli naman ang pinili ni Maria. Pinuri ni Jesus si Maria dahil pinili niya ang mas magandang parte – ang makinig kay Jesus sa Kanyang Banal na Salita. Subalit ating tandaan na si Marta at Maria ay magkapatid. Hindi sila maaring maghiwalay gaya ng hindi sila maaring maghiwalay sa ating pamumuhay. Bawat isa sa atin ay mayroong Marta at Maria sa ating pag-uugali at pamumuhay.

Kailangan mayroon tayong gawa at mayroon din tayong panahon manalangin. At hindi kalaunan ay magiging dasal na rin ang bawat nating gawa. Ito ang panalangin na tinatawag na “contemplation” or “contemplative prayer”. Mamumuhay tayo sa walang hanggang presensiya ng Diyos. Sa loob ng simbahan at sa labas dahil tayo rin mismo ang Simbahan. Magagawa natin ito kung bawat gawa natin gaano man kaliit kahit pagwawalis at paghuhugas ng pinggan ay gagawin nating panalangin at iaalay sa Panginoon. Subalit kahit ganoon, hindi dahilan ang trabaho o anumang pinagkakaabalahan upang sabihing hindi tayo makapagsisimba o makakapagdasal dahil kung tayo ay tunay na nagmamahal, gagawa tayo ng paraan upang makasama ang ating minamahal. Puso sa puso, yung walang ibang kahati sa ating atensyon. Walang pinagkaiba sa kung mahal natin ang Panginoon, gagawa tayo ng oras para sa kanya upang mapanatiling malusog at masigla ang relasyon natin sa kanya.

Hinihintay tayo ng Panginoon at gusto niyang tayo ay makapiling sa bawat nating ginagawa, sa ating pananalangin, sa Banal na Misa at sa kahit saang bahagi ng ating buhay – maliit man o malaki. Ngayon at sa darating na linggo, magiging abala na naman tayo. Nawa ay baunin natin ang Salita ng Diyos ngayong araw na ito upang maging ating lakas sa mga pagsubok. Bigyan natin siya ng oras tanda ng ating pag-ibig sa Kanya. Isama natin siya sa lahat ng bagay na ating ginagawa. Amen. +

Pagnilayan natin ito.

Pagpalain kayo ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos ngayon at magpasawalanghanggan. Amen. +

? Admin. FMMargarita. ?

Defend The Catholic Faith

About Author

Safeguards have been created to ensure the orthodoxy of the contents of our website. If, despite strictly adhering to the dogmas and magisterial authority of the Church, errors have been pointed out and proven, I will humbly submit to the authority of the Church.

You may also like

Bible Catholic Church Catholic Faith News

WHY THE DEVIL HATES THE BLESSED VIRGIN SO MUCH (AND WHY YOU SHOULD LOVE HER)

  Satan hates the Blessed Virgin Mary. In fact, he has been doing everything in his power to discourage devotion to
Apologetics / Reflections Catholic Church The Sacraments

BINYAG, KASAL, KUMPIL AT IBA PA. BAKIT DAW MAY BAYAD? BY: ADMIN COCO

Sabi ng mga sektang kutya ng kutya sa katoliko sabi nila bakit ang kasal niyo my bayad? binyag my bayad?