Bible Catholic Church Catholic Faith Christian Daily Gospel on DCF

ANG MABUTING BALITA TUWING LINGGO: “Corpus Christi: Tunay na Katawan at Dugo ni Cristo”

Dakilang Kapistahan ng Kabanal-banalang Katawan at Dugo ng Panginoon.

Genesis 14, 18-20
Salmo 109, 1. 2. 3. 4
Ika’y paring walang hanggan katulad ni Melquisedec.
1 Corinto 11, 23-26
Lucas 9, 11b-17

UNANG PAGBASA
Genesis 14, 18-20

Pagbasa mula sa aklat ng Genesis

Noong mga araw na iyon, dinalhan ni Melquisedec, hari ng Salem at saserdote ng Kataas-taasang Diyos si Abram ng tinapay at alak, at pinagpala ng ganito:
“Pagpalain ka nawa, Abram,
Ng Diyos na Kataas-taasan
Na lumikha ng langit at lupa.

Purihin ang Kataas-taasang Diyos
Na nagbigay sa iyo ng tagumpay!”
At ibinigay ni Abram kay Melquisedec ang ikapu ng lahat ng kanyang nasamsam.

Ang Salita ng Diyos.
Salamat sa Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 109, 1. 2. 3. 4

Tugon: Ika’y paring walang hanggan katulad ni Melquisedec.

Sinabi ng Poon, sa Hari ko’t Panginoon,
“Maupo ka sa kanan ko,
hanggang ang kaaway mo
ay lubos na mapasuko,
pagkat iyong matatalo.”
Tugon: Ika’y paring walang hanggan katulad ni Melquisedec.

Magmula sa dakong Sion,
ay palalawakin niya ang lupaing iyong sakop;
“At lahat ng kaaway mo’y
sakupin at pagharian,” gayun ang kanyang utos.
Tugon: Ika’y paring walang hanggan katulad ni Melquisedec.

Sasamahan ka ng madla,
kung dumating ang panahong lusubin ka ng kaaway;
magmula sa mga bundok,
lalabas at sasamahan ka ng mga kabataan.
Tugon: Ika’y paring walang hanggan katulad ni Melquisedec.

Panginoo’y may pangako na ito’y tiyak mangyayari,
ganito ang kanyang saysay:
“Katulad ni Melquisedec,
gagawin kang saserdote, na hindi na wawakasan.”
Tugon: Ika’y paring walang hanggan katulad ni Melquisedec.

IKALAWANG PAGBASA
1 Corinto 11, 23-26

Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Corinto

Mga kapatid:
Ito ang aral na tinanggap ko sa Panginoon at ibinibigay ko naman sa inyo: ang Panginoong Hesus, noong gabing siya’y ipagkanulo ay dumampot ng tinapay, nagpasalamat, at pinaghati-hati ito, at sinabi, “Ito ang aking katawan na inihahandog para sa inyo. Gawin ninyo ito sa pag-aalala sa akin.” Gayon din naman, matapos maghapunan ay hinawakan niya ang kalis at sinabi, “Ang kalis na ito ang bagong tipan na pinagtitibay ng aking dugo.

Tuwing iinumin ninyo ito, gawin ninyo sa pag-alala sa akin.” Sapagkat tuwing kakain kayo ng tinapay na ito at iinom sa kalis na ito ay ipinahahayag ninyo ang kamatayan ng Panginoon, hanggang sa muling pagparito niya.

Ang Salita ng Diyos.
Salamat sa Diyos.

ALELUYA
Juan 6, 51
Aleluya! Aleluya!
Pagkaing dulot ay buhay
Si Hesus na Poong mahal,
Buhay natin s’ya kailanman.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Lucas 9, 11b-17

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Papuri sa iyo Panginoon.

Noong panahong iyon, nagsalita si Hesus sa mga tao tungkol sa paghahari ng Diyos; pinagaling niya ang mga may karamdaman.
Nang dumidilim na’y nilapitan siya ng Labindalawa at sinabi sa kanya, “Paalisin na po ninyo ang mga tao nang makaparoon sila sa mga nayon sa kabukiran sa paligid upang humanap ng makakain at matutuluyan. Nasa isang ilang na lugar po tayo.” Ngunit sinabi niya, “Kayo ang magbibigay sa kanila ng makakain.” Sumagot sila, “Wala po tayo kundi limang tinapay at dalawang isda, kaya kailangang bumili kami ng pagkain para sa mga taong ito. May limanlibong lalaki ang naroon. Ngunit sinabi niya sa kanyang mga alagad, “Paupuin ninyo sila nang pulu-pulutong na tiglilimampu.”

Gayun nga ang ginawa nila – pinaupo ang lahat. Kinuha ni Hesus ang limang tinapay at dalawang isda, tumingala sa langit, at nagpasalamat sa Diyos. Pinaghati-hati niya ang mga ito, at ibinigay sa kanyang mga alagad upang ipamahagi sa mga tao. Nakakain ang lahat at nabusog. Tinipon ng mga alagad ang lumabis; at nakapuno sila ng labindalawang bakol.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pinupuri ka namin Panginoong Jesu Cristo.

Pagninilay:

Ngayon po ay ang dakilang kapistahan ng Kabanal-banalang Katawan at Dugo ni Cristo o mas kilala sa tawag na “Corpus Christi”. Sa ating Ebanghelyo sa pagpapakain ni Jesus sa marami, hindi alam ng mga alagad kung saan kinuha ang mga tinapay na pinakain sa libu-libong tao. tayo ay pinakakain din ng tinapay at isda. Ang mga pagkain ay malinaw nagmumula sa langit. Isa itong himala. Gaya ng himala na nangyayari tuwing Banal na Misa kung saan habang tayo ay nakaluhod, nagiging tunay na katawan at dugo ni Cristo ang ordinaryong tinapay lamang.

Natatanggap natin ito sa Banal na Eukaristiya sa anyo ng puting ostiya. Matapos itong dasalan ng pari at lukluban ng kapangyarihan ng Espiritu, hindi lamang ito basta ordinaryong tinapay. Ito ay mismong katawan at dugo ni Cristo. Para ipakain sa atin ang kanyang Banal na Dugo at Katawan, kinailangan niyang magpakasakit, mamatay at muling mabuhay. Niloob ng Diyos na siya ay masugatan, mahati at mapira-piraso para lamang kainin nating lahat at tayo ay mabusog. Sa gayong paraan, tayo rin sa ating mga sugat at dinaranas ay maaring maging lakas at pagkain ng iba kung malalapagsan natin nang tayo’y mas matibay sa pananalig na sumasalamin sa muling pagkabuhay ni Cristo.

Nadarama ba natin ang wagas na pag-ibig ng Diyos sa Banal na Komunyon? O hanggang ngayon ay nagdududa pa rin tayo sa tunay na presensiya niya sa Eukaristiya? O baka naman punung puno ng ibang bagay ang ating puso at isip kaya hindi mapunuan ng wasto ni Cristo. Iba kasi ang nakalagay. Ang Diyos ay Dakila sa lahat. Bagamat siya’y napakalaki at napakalawak, ginusto niyang maging maliit at mahina gaya ng tao upang tayo ay kanyang lingapin sa kanyang pagkaDiyos. Ito ang misteryo ng kanyang pag-ibig sa atin.

Nasubukan mo na bang tumitig sa Krus nang hindi pinapansin ang oras? O sa Banal na Sakramento upang kausapin si Jesus? Pagnilayan natin ang kabayaran ng Diyos sa utang na hindi niya kasalanan, para lamang sa atin. Sana sa tuwing titingnan at pagmamasdan natin ang Krus at ang Banal na Ostiya, mapukaw pa ng init ng katotohanan ng pag-ibig ni Cristo ang mga nanlalamig nating puso. Lahat ito’y ginawa niya para sa bawat isa sa atin, noon sa Krus at magpahanggang ngayon sa Banal na Sakramento ng Eukaristiya.

Mula sa Krus na ito, tayo nagkaroon ng kakainin dahil ang inihain ni Jesus na pari magpakailanman para sa kapatawaran ng ating mga kasalanan ay ang sarili niyang dugo at laman.

Tayo kaya, ano ang ganti sa dakilang pag-ibig ng Diyos? Duda? Pangamba? Takot? O sakrispisyo?

Kailan ba natin ginustong ialay maging ang ating sariling buhay, lakas at mayroon tayo para sa Diyos tulad ng ginawa niya para sa atin?

Tuwing tatanggap tayo ng Banal na Komunyon, hindi si Cristo ang magiging bahagi ng ating katawan. Tayo ang nagiging bahagi ng kanyang katawan. Tayo ang tinatanggap ng Diyos. Malinis ba ang pusong iniaalay mo sa kanya? Habang may oras pa, sana magpunta tayo sa simbahan upang mangumpisal ng ating kasalanan. Upang maging kalugud-lugod ang ating pagtanggap ng kanyang Banal na Katawan at Dugo.

Maglinis at magbihis hindi lamang sa panloob kung hindi sa panglabas. Ialay natin ang buong sarili ng buo sa tuwing dadalo tayo sa Banal na Misa. Dito tayo magiging tunay na bahagi ng katawan ni Cristong makakapaghilom ng kanyang mga sugat dahil sa ating paghingi ng tawad at pagpapakumbaba sa kanya dahil nadama natin ang kanyang pag-ibig na walang kapantay sa atin.

Manalangin tayo. +

Panginoong Jesu Cristo, iniibig kita at sinasamba kita. Gawin mo akong alay kasama mo at sa iyo, sa Banal na Sakramento sa iyong altar. Linisin mo ako sa aking kasalanan upang kami ay iyong tanggapin sa buhay na walang hanggan. Amen. +

Pagpalain po kayo ng Mapagmahal at Maawaing Diyos ngayon at magpakailanman. Amen. +

?Admin. FMMargarita.?

Defend The Catholic Faith

About Author

Safeguards have been created to ensure the orthodoxy of the contents of our website. If, despite strictly adhering to the dogmas and magisterial authority of the Church, errors have been pointed out and proven, I will humbly submit to the authority of the Church.

You may also like

Bible Catholic Church Catholic Faith News

WHY THE DEVIL HATES THE BLESSED VIRGIN SO MUCH (AND WHY YOU SHOULD LOVE HER)

  Satan hates the Blessed Virgin Mary. In fact, he has been doing everything in his power to discourage devotion to
Apologetics / Reflections Catholic Church The Sacraments

BINYAG, KASAL, KUMPIL AT IBA PA. BAKIT DAW MAY BAYAD? BY: ADMIN COCO

Sabi ng mga sektang kutya ng kutya sa katoliko sabi nila bakit ang kasal niyo my bayad? binyag my bayad?