Hunyo 15, 2024. Sabado ng Ika-10 Linggo sa Karaniwang Panahon
o kaya Paggunita sa Mahal na Birheng Maria tuwing Sabado
MABUTING BALITA
Mateo 5, 33-37
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, “Narinig pa ninyo na noong una’y iniutos sa mga tao, ‘Huwag kang sisira sa iyong pinanumpaang pangako bagkus ay tupdin mo ang iyong sinumpaan sa Panginoon.’ Ngunit ngayo’y sinasabi ko sa inyo: huwag na kayong sumumpa kung nangangako kayo. Huwag ninyong sabihing, ‘Saksi ko ang langit,’ sapagkat ito’y trono ng Diyos; o kaya’y ‘Saksi ko ang lupa,’ sapagkat ito’y tuntungan ng kanyang mga paa.
Huwag din ninyong sabihing, ‘Saksi ko ang Jerusalem,’ sapagkat ito’y lungsod ng dakilang Hari. Ni huwag mong sabihing, ‘Mamatay man ako,’ sapagkat ni isang buhok sa iyong ulo’y hindi mo mapapuputi o mapaiitim. Sabihin mo na lang na ‘Oo’ kung oo at ‘Hindi’ kung hindi; sapagkat buhat na sa Masama ang anumang sumpang idaragdag dito.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pagninilay:
Ang panunumpa sa harapan ng Panginoon ay sagrado. Ang Kanyang Ngalan ay sagrado kaya hindi natin ito dapat ginagamit sa mga pangungusap bilang pagpapahayag ng pagkabigla o pagkamangha. Ganoon din pagdating sa pangako natin sa Diyos. Hindi dapat tayo nagsasabi sa Kanya ng hindi natin natutupad. Kung ano man ang sabihin at isumpa natin sa Kanya ay dapat totoo. Ang alinmang hindi totoo sa atin sa mga pinangako natin ay mula sa demonyo.
Ang masama ang laging nanunukso sa atin na tayo ay lumayo sa Diyos. Siya ang nagsasabi sa atin lagi at nag-uudyok na piliin ng mga tao na huwag maging tapat at gawin ang madali kahit ito ay masama. Kagaya ng pagsasabi ng hindi maganda sa kapwa sa kanyang likuran dahil may tampo tayo. Ito ay sa halip na ipagdasal, sabihin ito ng harapan at mahinahon.
Noong unang panahon naman ito rin ang sakit ng Israel – ang makalimot sa Panginoon at sa kanilang tipan sa Diyos. Dahil dito, kailangan na magsikap tayo sa pananalangin. Ang Espiritu Santo ang magtuturo, gagabay at magpapalakas sa atin para sa ating tungkulin at anumang sinumpaan sa Diyos. Hindi tayo pinababayaan ng Panginoon. Lagi Siyang nakahandang tulungan tayo sa mga nagdarasal nang may paniniwala at sa mga gustong magpatulong sa Kanya.
Nawa’y paniwalaan at patuloy nating pagnilayan natin ito. Amen. +
Pagpalain po tayong lahat ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos, at ipagsanggalang nawa Niya tayo laban sa tukso at masasama ngayon at magpakailanman. Amen. +
Pagninilay ni: F.M.M.J.
Pinagmulan ng Pagbasa: Tagalog Mass Readings © Awit at Papuri Communications