Agosto 7, 2021. Sabado ng Ika-18 Linggo sa Karaniwang Panahon.
o Paggunita kay Papa San Sixto II,
at mga Kasama, mga martir
o Paggunita kay San Cayetano, pari
o Paggunita sa Mahal na Birheng Maria tuwing Sabado
UNANG PAGBASA
Deuteronomio 6, 4-13
Pagbasa mula sa aklat ng Deuteronomio
Sinabi ni Moises sa mga tao, “Dinggin ninyo mga Israelita: Ang Panginoon lamang ang Diyos. Ibigin ninyo siya nang buong puso, kaluluwa at lakas. Ang mga utos niya’y itanim ninyo sa inyong isip. Ituro ninyo ito sa inyong mga anak; sa loob at labas ng inyong tahanan, sa oras ng paggawa at pamamahinga, sa lahat ng lugar at sa lahat ng panahon. Ipulupot ninyo ito sa inyong mga kamay bilang tanda, itali sa inyong noo, isulat sa mga hamba ng inyong pinto at mga tarangkahan.
“Kayo’y malapit nang dalhin ng Panginoon sa lupaing ipinangako niya sa inyong mga ninunong sina Abraham, Isaac at Jacob. Maninirahan kayo sa malalaki at magagandang lungsod na hindi ninyo itinayo. Titira kayo sa mga tahanang husto sa lahat ng bagay ngunit hindi ninyo pinaghirapan. Iinom kayo ng tubig na galing sa mga balong hindi ninyo hinukay. Mamimitas kayo sa mga ubasan at sa mga olibong hindi ninyo itinanim. Kung kayo’y naroon na at nananagana sa lahat ng bagay, huwag ninyong kalimutan ang Panginoon na nag-alis sa inyo sa bansang Egipto. Magkaroon kayo ng takot sa kanya, paglingkuran ninyo siya at mamuhay kayo nang tapat.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 17, 2-3a. 3bk-4. 47 at 51ab
Poong aking kalakasan,
iniibig kitang tunay.
MABUTING BALITA
Mateo 17, 14-20
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, lumapit ang isang lalaki, lumuhod sa harapan ni Hesus at ang sabi, “Ginoo, mahabag po kayo sa anak kong lalaki! Siya po’y himatayin at lubhang nahihirapan kung sinusumpong, sapagkat madalas siyang mabuwal sa apoy o kaya’y mahulog sa tubig. Dinala ko na siya sa inyong mga alagad, ngunit hindi nila mapagaling.” Sumagot si Hesus, “Lahing walang pananampalataya at matigas ang ulo! Hanggang kailan dapat akong manatiling kasama ninyo? Hanggang kailan ko kayo pagtitiisan? Dalhin ninyo rito ang bata!” Pinagwikaan ni Hesus ang demonyo at lumabas ito, at ang bata’y gumaling agad.
Pagkatapos ay lumapit ang mga alagad kay Hesus at nagtanong nang walang ibang nakaririnig, “Bakit hindi po namin mapalayas ang demonyo?” Sumagot siya, “Dahil sa kaliitan ng inyong pananalig. Sinasabi ko sa inyo: kung maging sinlaki man lamang ng butil ng mustasa ang inyong pananalig sa Diyos, masasabi ninyo sa bundok na ito, ‘Lumipat ka roon!’ at lilipat ito. Walang bagay na hindi ninyo mapangyayari.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pagninilay:
Isang mapagpalang Sabado po sa ating lahat! Ang Panginoon ay nagpalayas ng masamang demonyo. Subalit dahil naisugo na Niya ang mga alagad, ibig sabihin nabigyan na rin sila ng kapangyarihan na gawin ito. Ngunit anong nangyari? Wala silang pananampalataya. Sapagkat sinabi ni Jesus kahit katiting man lamang, basta naniniwala tayo sa Diyos at umaasa tayo sa Kanya na ito’y mangyayari, mangyayari ito. Walang imposible sa Diyos. Wala sa Kanya ang problema kung hindi nasa ating mga taong walang pananalig sa Kanya. Hindi na natin alam ang ibang tagpo sa Ebanghelyo at wala na ring paliwanag. Subalit marahil ay mas natakot ang mga alagad sa nangyayari sa batang lalaki na ito. Mas naituon nila ang sarili sa problema na nasa kanilang harapan, kaysa sa kapangyarihan ng Diyos na sumasakanila na. Dahil ‘di nila nakita ito, hindi nila napalayas ang demonyo.
Gaya ni Pedro sa mga Ebanghelyo noong nakaraan, baka mas “nalunod” ang kanilang puso at isipan sa problema sa kanilang harapan kaya’t nakalimutan nila ang kayang gawin ng Diyos. Hindi ba’t ganito rin tayo? Minsan kaya nating maniwala. Subalit minsan sa umpisa lang. Kapag sinubok na, saan na napunta ang paniniwala natin sa Diyos? Subalit ang totoong pananalig sa Kanya, ay sinusubok ng pagkakataon at nalalagpasan ito ng mas may matibay pang paniniwala sa Kanya. Kapag ang ating pananampalataya sa Diyos ay nanatili sa gitna ng hirap, dito masasabing tunay nga tayong naniniwala sa Panginoon na May Likha ng lahat.
Kaya naman mga kapatid, kahit ano man ang sitwasyon natin sa buhay, huwag tayo padadaig sa ating sariling isipan at sa pananakot ng mga delubyo sa mundo.
Sa mga ganitong pagkakataon, mas tatagan pa natin ang pinaniniwalaan nating kabutihan ng Diyos. Paniwalaan natin at panghawakan ang awa na iniaalay Niya sa atin. Hindi ito mauubos, o mapipigtal. Kahit pa tayo ay bumitaw, hindi Niya tayo bibitawan. Subalit bakit pa tayo bibitaw? Kung alam na natin at naniniwala na tayong Siya ang Panginoong Diyos na May Gawa ng langit at lupa? Wala Siyang hindi kayang gawin, lalo kung para sa ating lubos Niyang minamahal hanggang kamatayan pa nga sa Krus. Ang balakid ay ang kawalan natin ng pananampalataya. Kaya hilingin natin ito sa Kanya – na bigyan tayo ng pananampalatayang totoo kahit pa singliit ito ng mustasa. Upang sa gayon, ito rin ay lumago at yumabong ng kabutihan at grasya sa atin at para na rin sa mga tao sa paligid natin. Amen. +
Pagnilayan natin ito. Amen. +
Pagpalain po tayong lahat ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos, at ipagsanggalang nawa Niya tayo laban sa tukso at masasama ngayon at magpakailanman. Amen. +
Pagninilay ni: Margarita de Jesus
Pinagmulan ng Pagbasa: Tagalog Mass Readings © Awit at Papuri Communications www.awitatpapuri.com