Bible Catholic Church Catholic Faith Daily Gospel on DCF

ANG MABUTING BALITA AT PAGNINILAY: “Simula ng Pangako”


 

Setyembre 8, 2022. Kapistahan ng Pagsilang ng Mahal na Birheng Maria.

Subscribe to Awit at Papuri Communications Channel.

Feast of the Nativity of the Blessed Virgin Mary (White).

UNANG PAGBASA
Mikas 5, 1-4a
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Mikas

Ito ang sinasabi ng Panginoon:
Betlehem Efrata, bagamat pinakamaliit ka sa mga angkan ni Juda ay sa iyo magmumula ang isang maghahari sa Israel. Ang pinagmula’y buhat pa nang una, mula pa noong unang panahon. Kaya nga, ang bayan ng Panginoon ay ibibigay niya sa kamay ng mga kaaway hanggang sa isilang ng babae ang sanggol na maghahari. Pagkatapos, babalik sa Israel ang nalabi sa bansang ito. Pagdating ng haring yaon, pamamahalaan niya ang Israel sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Panginoon na kanyang Diyos. At ang Israel ay mamumuhay na ligtas, sapagkat ang haring yaon ay kikilalanin ng buong sanlibutan. Sa kanya magmumula ang kapayapaan natin.
Ang Salita ng Diyos.
o kaya:
Roma 8, 28-30

SALMONG TUGUNAN
Salmo 12, 6ab. 6kd
Ang lubos kong kasiyahan
ay magalak sa Maykapal.

MABUTING BALITA
Mateo 1, 1-16. 18-23
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Ito ang lahi ni Hesukristo na mula sa angkan ni David na mula naman sa lahi ni Abraham.

Si Abraham ang ama ni Isaac; si Isaac ang ama ni Jacob na ama ni Juda at ng kanyang mga kapatid. Naging anak naman ni Juda kay Tamar sina Fares at Zara. Si Fares ang ama ni Esrom at si Esrom ang ama ni Aram. Si Aram ang ama ni Aminadab; si Aminadab ang ama ni Naason na ama naman ni Salmon. Naging anak ni Salmon kay Rahab si Booz, at naging anak naman ni Booz kay Ruth si Obed. Si Obed ang ama ni Jesse na ama ni Haring David.

Naging anak ni David si Solomon sa dating asawa ni Urias. Si Solomon naman ang ama ni Roboam. Si Roboam ang ama ni Abias, at si Abias ang ama ni Asa. Si Asa ang ama ni Josafat, at si Josafat ang ama ni Joram na siya namang ama ni Ozias. Itong si Ozias ay ama ni Jotam na ama ni Acaz, at si Acaz ang ama ni Ezequias. Si Ezequias ang ama ni Manases, at si Manases ang ama ni Amos na ama naman ni Josias. Si Josias ang ama ni Jeconias at ng kanyang mga kapatid. Panahon noon ng pagkakatapon ng mga Israelita sa Babilonia.

Matapos ang pagkakatapon sa Babilonia, naging anak ni Jeconias si Salatiel na ama ni Zorobabel. Si Zorobabel ang ama ni Abiud na ama ni Eliaquim, at si Eliaquim ang ama ni Azor. Si Azor ang ama ni Sadoc na ama ni Aquim; itong si Aquim ang ama ni Eliud. Si Eluid ang ama ni Eleazar; si Eleazar ang ama ni Matan na ama ni Jacob. At si Jacob ang ama ni Jose na asawa ni Maria. Si Maria naman ang ina ni Hesus na tinatawag na Kristo.
Ganito ang pagkapanganak kay Hesukristo.

Si Maria na kanyang ina at si Jose ay nakatakda nang pakasal. Ngunit bago sila nakasal, si Maria’y natagpuang nagdadalang-tao. Ito’y sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Isang taong matuwid itong si Jose na kanyang magiging asawa, ngunit ayaw niyang mapahiya si Maria, kaya ipinasiya niyang hiwalayan ito nang lihim. Samantalang iniisip ni Jose ito, napakita sa kanya sa panaginip ang isang anghel ng Panginoon. Sabi nito sa kanya, “Jose, anak ni David, huwag kang matakot na tuluyang pakasalan si Maria, sapagkat siya’y naglihi sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Manganganak siya ng isang lalaki at ito’y pangangalanan mong Hesus, sapagkat siya ang magliligtas sa kanyang bayan sa kanilang mga kasalanan.”

Nangyari ang lahat ng ito upang matupad ang sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng propeta:
“Maglilihi ang isang dalaga’t manganganak ng isang lalaki. At tatawagin itong Emmanuel.” Ang kahuluga’y “Kasama natin ang Diyos.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Pagninilay:

Maligayang Kapistahan po ng Pagsilang ng Mahal na Birheng Maria! Bakit kaya kailangan nating balikan ang mahabang listahan ng mga ninuno ni Hesus? Ito ay isang paalala na ang pangako ng Diyos ay natupad na. Ang pangakong ito ay ang pangakong pagliligtas. Ito nga ay nagsimulang matupad sa pagsilang ng Birheng Maria. Ang mahal na ina ang sinasabing “bukang liwayway” na nagbabadya sa pagdating ng Araw na si Hesus. Hindi si Maria ang araw. Hindi sa kanya nanggagaling ang liwanag subalit siya’y punumpuno ng liwanag na walang iba kung hindi si Hesus.

Sa kanya kinuha ng Diyos ang mga dugo, laman at buto para mabuo ang katawan at pagkatao ng Mesiyas na si Hesus. Bagamat siya’y naglihi at naglalang sa pamamagitan ng Espiritu Santo, si Maria pa rin ang tunay na ina, 100% o isang daang porsiyento ng Mahal na Panginoong Hesus. Dahil diyan, kailangan niya ng ating lubos na paggalang. Walang kahit sinong tao ang matutuwa kung lapastanganin ang kanyang ina, lalung lalo pa ang ina ng ating Panginoong Diyos na si Maria. Siya’y pinili ng Diyos mula pa noong umpisa upang maging ina ng Kanyang Anak.

Nagsimula itong matupad dahil sa “Oo” ni Maria. Tayo kaya mga kapatid, paano natin pinahahalagahan ang kaligtasang mula kay Hesus? Naituturing ba rin nating ina si Maria na siyang ibinigay sa atin ni Hesus sa Krus? Kumusta ang ating pagtugon sa Diyos? Naririnig ba natin ang Kanyang tawag sa atin? Sumasagot ba tayo ng “Oo” nang may buong pagtitiwala sa Kanya, gaya ng Birheng Maria?

Hindi man lahat ay aayon sa ating kagustuhan, ang lahat naman ay magiging matagumpay at maayos. Ito’y kung susunod tayo sa Diyos kahit hindi natin alam ang mangyayari, kagaya ng ating inang si Maria. Walang imposible sa Diyos kung hindi natin lilimitahan ang ating paniniwala sa kaya Niyang gawin para sa atin. Amen. +

Maligayang Bati po sa iyong Pagsilang, Mama Mary! Ipanalangin mo po kami nang kami’y pagkalooban ng Diyos ng mas malalim pang debosyon sa iyong Anak na si Hesus, sa pamamagitan mo at ng pananalangin ng Banal na Santo Rosaryo. Amen. +

Pagnilayan natin ito. Amen. +
Pagpalain po tayong lahat ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos, at ipagsanggalang nawa Niya tayo laban sa tukso at masasama ngayon at magpakailanman. Amen. +

Pagninilay ni: F.M.M.J.
Pinagmulan ng Pagbasa: Tagalog Mass Readings © Awit at Papuri Communications

Defend The Catholic Faith

About Author

Safeguards have been created to ensure the orthodoxy of the contents of our website. If, despite strictly adhering to the dogmas and magisterial authority of the Church, errors have been pointed out and proven, I will humbly submit to the authority of the Church.

You may also like

Bible Catholic Church Catholic Faith News

WHY THE DEVIL HATES THE BLESSED VIRGIN SO MUCH (AND WHY YOU SHOULD LOVE HER)

  Satan hates the Blessed Virgin Mary. In fact, he has been doing everything in his power to discourage devotion to
Apologetics / Reflections Catholic Church The Sacraments

BINYAG, KASAL, KUMPIL AT IBA PA. BAKIT DAW MAY BAYAD? BY: ADMIN COCO

Sabi ng mga sektang kutya ng kutya sa katoliko sabi nila bakit ang kasal niyo my bayad? binyag my bayad?