Bible Catholic Church Catholic Faith Christian Daily Gospel on DCF

ANG MABUTING BALITA AT PAGNINILAY: “Propeta ng Diyos”

 

 

 

 

Hunyo 23, 2022. Dakilang Kapistahan ng Pagsilang ni San Juan Bautista.

Subscribe to Awit at Papuri Communications Channel

Solemnity of the Nativity of Saint John the Baptist (White).

UNANG PAGBASA
Isaias 49, 1-6
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias

Makinig kayo mga taong
naninirahan sa malalayong lugar.
Pinili na ako ng Panginoon bago pa isilang
at hinirang niya ako para siya’y paglingkuran.
Mga salita ko’y ginawa niyang
sintalas ng tabak,
Siya ang sa aki’y laging nag-iingat.
Ginawa niya akong parang matulis na palaso
na anumang oras ay handang itudla.

Sinabi niya sa akin,
“Israel, ikaw ay lingkod ko,
sa pamamagitan mo
ako’y dadakilain ng mga tao.”
Ngunit ang tugon ko,
“Ako ay nabigo sa aking pagsisikap, hindi nagtagumpay
gayong ibinuhos ko ang aking lakas.”

Gayunman’y itinitiwala ko sa Panginoon
ang aking kalagayan,
na ako’y gagantimpalaan sa aking nakayanan.
Bago pa ako ipanganak ay hinirang na ng Panginoon,
pinili niya ako para maging lingkod niya
upang tipunin ang nangalat na mga Israelita,
at sila’y ibalik sa bayang Israel.

Binigyan ako ng Panginoon ng karangalan,
sa kanya nagbubuhat
ang aking karangalan.
Sinabi ng Panginoon sa akin:
“Israel na aking lingkod,
May mas mahalaga pa akong ipagagawa sa iyo.
Bukod sa pagpapanumbalik
sa mga Israelitang nalabi
ay gagawin kitang tanglaw ng mga bansa
upang lahat sa daigdig ay maligtas.”
Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 138, 1-3. 13-14ab. 14k-15
Pinupuri kita, D’yos ko,
dahil ako’y nilikha mo.

IKALAWANG PAGBASA
Mga Gawa 13, 22-26
Pagbasa mula sa Mga Gawa ng Mga Apostol

Noong mga araw na iyon, sinabi ni Pablo, “Nang si Saulo’y alisin ng Diyos, inihalili si David upang maghari sa ating mga ninuno. At ganito ang patotoo ng Diyos tungkol sa kanya, ‘Natagpuan ko kay David na anak ni Jesse ang lalaking nakalulugod sa akin, isang lalaking handang tumupad sa lahat ng inuutos ko.’ Mula sa angkan ng lalaking ito ipinagkaloob sa Israel si Hesus, ang kanyang ipinangakong Tagapagligtas.

Bago siya dumating, ipinangaral ni Juan sa buong Israel na dapat nilang pagsisiha’t talikdan ang kanilang mga kasalanan, at pabinyag. Nang matapos na ni Juan ang kanyang gawain, sinabi niya sa mga tao, ‘Sino ba ako sa akala ninyo? Hindi ako ang Kristo. Ngunit siya’y darating na kasunod ko. At hindi ako karapat-dapat kahit tagaalis ng panyapak.”

“Mga kapatid kong mula sa lahi ni Abraham, at mga taong may takot sa Diyos: tayo ang pinadalhan ng balitang ito tungkol sa kaligtasan.”
Ang Salita ng Diyos.

MABUTING BALITA
Lucas 1, 57-66. 80
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas

Dumating ang oras ng panganganak ni Elisabet, at nagluwal siya ng isang sanggol na lalaki. Nabalitaan ng kanyang mga kapitbahay at mga kamag-anak na siya’y pinagpala ng Panginoon, at nakigalak sila sa kanya.
Nang ikawalong araw, dumalo sila sa pagtutuli ng sanggol. Zacarias sana ang ipangangalan sa kanya — gaya ng kanyang ama — ngunit sinabi ng kanyang ina, “Hindi! Juan ang ipapangalan sa kanya.” “Subalit wala isa man sa iyong mga kamag-anak ang may ganyang pangalan,” wika nila. Kaya’t hinudyatan nila ang kanyang ama at itinanong kung ano ang ibig niyang itawag sa sanggol.

Humingi siya ng masusulatan at sumulat ng ganito: “Juan ang kanyang pangalan.” At namangha silang lahat. Pagdaka’y nakapagsalita siya, at nagpuri sa Diyos. Natakot ang lahat ng kanilang kapitbahay, anupat naging usap-usapan sa buong kaburulan ng Judea ang mga bagay na ito. Pinakaisip-isip ito ng lahat ng nakaalam at ang kanilang tanong: “Magiging ano kaya ang batang ito?”

Sapagkat maliwanag na sumasakanya ang Panginoon.
Lumaki ang bata at naging malakas ang kanyang espiritu. Siya’y tumira sa ilang hanggang sa araw na magpakilala siya sa Israel.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Pagninilay:

Maligayang Dakilang Kapistahan po ng Pagsilang ni San Juan Bautista! Ang pagkapanganak ng sanggol na si Juan Bautista ay mahalaga sa Simbahan sapagkat siya ang tinatawag na tagapaghanda ng daraanan ng Panginoong Hesus. Siya ang pinakadakilang propeta sa lahat sapagkat siya ang huling propeta ng Lumang Tipan at unang propeta na nagbukas ng Bagong Tipan. Inihanda niya ang mga tao sa pamamagitan ng pagpapahayag ng pagsisisi sa kasalanan, bago pa dumating si Hesus at magpakita sa mga tao. Ito ang ating ginagawa tuwing Adbiyento o ang panahon bago ang kapaskuhan kung saan, si San Juan Bautista, ang kanyang buhay at ang kanyang mga sinabing naisulat ang ating pinagninilayan.

Napakadakila at napakataas ng posisyon ni San Juan Bautista sa kaharian ng Panginoon subalit kung gaano kataas ang kanyang parangal, ganito rin naman kababa ang kanyang loob. Para sa mga taong mayroong mahalagang misyon mula sa Diyos, mas kailangan ng kababaang loob upang hindi natin magamit ang pribilehiyo ng misyon para sa sarili. Marami ang sumisikat dahil sa pagpapahayag ng Mabuting Balita sa magandang paraan na nakatutulong sa marami.

Subalit kung ang isang taong nagpapahayag nito ay mapagmataas, maari siyang matukso mula sa loob na gamitin ang kasikatan at parangal na iyon para sa sarili. Dahil dito’y maaring mabahiran ang kanyang gawa ng para sa sarili at hindi para sa Panginoon. Anumang pagsisilbi natin na may bahid ng sariling ambisyon ay hindi makatutulong sa iba sa pinakamainam na paraan. Lagi itong may limitasyon sapagkat ang simula ay ang sarili subalit ang sinumang taong nagbibigay ng sarili at anumang kaya niya nang buo sa Diyos ay hindi nagkakaroon ng limitasyon. Lahat ay posible sa Diyos. Abot hanggang langit ang kanyang langit at kawanggawa, kaya ganito rin ang kanyang gantimpalang matatamo pagdating ng panahon. Ganito ang mga santo at ganito rin ang tawag sa atin.

Kaya mas magaganda at mas marami ang mga regalo, talento, abilidad at talino na bigay sa atin ng Diyos, mas kailangan nating magdasal at dumepende sa Kanya upang gawin ang puso natin na gaya ng sa isang bata. Iyong walang ibang hinahangad kung hindi ang sumunod at magmahal sa magulang. Alam niyang makakasumpong siya lagi ng kailangan niya mula sa magulang. Ang Magulang natin ay ang Diyos. Ito lamang ang mahalaga para maging banal – ang magmahal, at ang magsilbi dahil sa pagmamahal na ito sa Diyos at kapwa.

Ang pagsisilbi na ito ay hindi dapat mula sa sariling ambisyon o kasakiman kung hindi dahil nagmamahal tayo nang buo kahit wala tayong makukuha na para sa atin mula sa pagsisilbi na iyon. Ang inaabangan natin sa halip, ay ang walang kapantay at wala pang nakakaalam na gantimpala ng Diyos sa langit. Ito’y kahit pa maghintay tayo sa mundo at maghirap nang kaunti, balewala ito sa kayang ibigay ng Diyos sa atin sa walang hanggang buhay.

Walang ginawa si San Juan Bautista na para sa kanyang sarili. Buong buhay niya, simula sa kanyang pagkapanganak at kahit sa pag-anunsiyo pa lang ng kanyang kapanganakan ay nagtuturo lahat sa Diyos. Tayo kaya, kung ang mga tao ay nakakasalamuha tayo, naituturo ba natin sila sa Diyos? Nagiging mas mayaman ba ang kanilang pananalig, mas puno ng pag-asa at buhay o tila mas nababagabag sila at mas nalulungkot matapos? Ituro natin ang mga tao sa Diyos. Ibuhos natin sa Kanya ang ating buong buhay. Umasa si San Juan Bautista nang buong buo sa Diyos at hindi siya nabigo.

Ngayon ang kanyang luwalhati kasama ni Hesus ay walang hanggan. Natagpuan niya ang tunay na dangal at kayamanan sa langit at hindi ito matatapos o maagaw sa kanya. Kung tayo’y ganito sana ang gagawing pag-aalay ng sarili sa Diyos ay hindi tayo mawawalan sapagkat ang Diyos ay buong buo na mananahan sa ating pagkatao at buhay. Diyos lamang ay sapat na. Pinatunayan ito ni San Juan Bautista dahil sa Kanyang pag-takwil sa mundo at sa lahat ng mayroon nito. Hindi siya naghangad ng kahit ano, kahit pa nasa harap na niya ang posisyon, kapangyarihan at paghanga ng tao, lalo pa niya silang inihatid papunta sa Diyos. Amen. +

Pagnilayan natin ito. Amen. +
Pagpalain po tayong lahat ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos, at ipagsanggalang nawa Niya tayo laban sa tukso at masasama ngayon at magpakailanman. Amen. +

Pagninilay ni: F.M.M.J.
Pinagmulan ng Pagbasa: Tagalog Mass Readings © Awit at Papuri Communications www.awitatpapuri.com

Defend The Catholic Faith

About Author

Safeguards have been created to ensure the orthodoxy of the contents of our website. If, despite strictly adhering to the dogmas and magisterial authority of the Church, errors have been pointed out and proven, I will humbly submit to the authority of the Church.

You may also like

Bible Catholic Church Catholic Faith News

WHY THE DEVIL HATES THE BLESSED VIRGIN SO MUCH (AND WHY YOU SHOULD LOVE HER)

  Satan hates the Blessed Virgin Mary. In fact, he has been doing everything in his power to discourage devotion to
Apologetics / Reflections Catholic Church The Sacraments

BINYAG, KASAL, KUMPIL AT IBA PA. BAKIT DAW MAY BAYAD? BY: ADMIN COCO

Sabi ng mga sektang kutya ng kutya sa katoliko sabi nila bakit ang kasal niyo my bayad? binyag my bayad?