Hunyo 14, 2024. Biyernes ng Ika-10 Linggo sa Karaniwang Panahon.
MABUTING BALITA
Mateo 5, 27-32
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, “Narinig ninyo na noong una’y iniutos sa mga tao, ‘Huwag kang makikiapid.’ Ngunit ngayo’y sinasabi ko sa inyo: ang sinumang tumingin nang may mahalay na pagnanasa sa isang babae, sa isip niya’y nakiapid na siya sa babaing iyon. Kung ang mata mo ang siyang nagiging sanhi ng iyong pagkakasala, dukutin mo at itapon! Sapagkat mabuti pang mawalan ka ng isang bahagi ng katawan kaysa buo ang iyong katawang itapon sa impiyerno.
Kung ang iyong kamay ang siyang nagiging sanhi ng iyong pagkakasala, putulin mo at itapon! Mabuti pang mawalan ka ng isang bahagi ng katawan kaysa buo ang iyong katawang itapon sa impiyerno.
“Sinabi rin naman, ‘Kapag pinahiwalay ng lalaki ang kanyang asawa, ito’y dapat niyang bigyan ng kasulatan ng paghihiwalay.’ Ngunit ngayo’y sinasabi ko sa inyo: kapag pinahiwalay ng isang lalaki ang kanyang asawa nang hindi naman ito nangangalunya, at ito’y nag-asawang muli, ang lalaking iyo’y nagkasala – itinulak niya ang kanyang asawa sa pangangalunya. At sinumang mag-asawa sa babaing hiniwalayan ay nangangalunya.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pagninilay:
Ang diborsiyo ay binabalewala ang kasal samantalang ang annulment ay sinasabing walang kasal na naganap. Kaya sa annulment, hindi nababalewala ang bisa ng kasal subalit maaring maghiwalay at makapag-asawa ng iba dahil inbalido naman ang unang ginanap na kasal. Kapag ginawa ang diborisyo, itutulak natin ang mga Katoliko na magkasala sapagkat hindi naman talaga nababalewala ang kasal. Ang sinumang magpawalang-bisa nito at mag-asawang muli ay tinutulak ang asawa na mangalunya at ganito rin ang ginagawa sa sarili niya.
Kaya nga, kailangang pagtibayin natin ang pagdinig sa ating konsensiya sa sinasabi ng Diyos sa atin ngayon sa pamamagitan ng tunay na katuruan ng Simbahan. Pangalawang pagkakataon na ito na pinaalalahanan tayo ng mga ebanghelyo tungkol sa diborisyo. Diyos na ang nagsasalita. Hindi pa ba tayo makikinig? Magdasal tayo at magnilay nang malaman natin ang tinig ng Diyos. Kung saan Siya at ang Simbahan, doon sana tayo kumampi.
Nawa’y paniwalaan at patuloy nating pagnilayan natin ito. Amen. +
Pagpalain po tayong lahat ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos, at ipagsanggalang nawa Niya tayo laban sa tukso at masasama ngayon at magpakailanman. Amen. +
Pagninilay ni: F.M.M.J.
Pinagmulan ng Pagbasa: Tagalog Mass Readings © Awit at Papuri Communications