Hulyo 27, 2023. Huwebes ng Ika-16 na Linggo sa Karaniwang Panahon.
MABUTING BALITA
Mateo 13, 10-17
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, lumapit ang mga alagad at tinanong si Hesus: “Bakit po ninyo dinadaan sa talinghaga ang inyong pagsasalita sa kanila?” Sumagot siya, “Ipinagkaloob sa inyo na malaman ang mga lihim tungkol sa paghahari ng Diyos, ngunit hindi ito ipinagkaloob sa kanila. Sapagkat ang mayroon ay bibigyan pa, at mananagana; ngunit ang wala, kahit ang kakaunting nasa kanya ay kukunin pa. Nagsasalita ako sa kanila sa pamamagitan ng talinghaga, sapagkat tumitingin sila ngunit hindi nakakikita, at nakikinig ngunit hindi nakaririnig ni nakauunawa.
Natutupad nga sa kanila ang hula ni Isaias na nagsasabi:
‘Makinig man kayo nang makinig, hindi kayo makauunawa,
at tumingin man kayo nang tumingin, hindi kayo makakikita.
Sapagkat naging mapurol ang isip ng mga ito;
mahirap makarinig ang kanilang mga tainga,
at ipinikit nila ang kanilang mga mata.
Kung di gayun, disin sana’y nakakita ang kanilang mga mata,
nakarinig ang kanilang mga tainga,
nakaunawa ang kanilang mga isip,
at nagbalik-loob sa akin,
at pinagaling ko sila, sabi ng Panginoon.’ Mapalad kayo, sapagkat nakakikita ang inyong mga mata at nakaririnig ang inyong mga tainga! Sinasabi ko sa inyo: maraming propeta at matutuwid na tao ang nagnasang makakita sa inyong nakikita, ngunit hindi ito nakita at makarinig sa inyong naririnig, ngunit hindi ito napakinggan.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pagninilay:
Isang mapagpalang Huwebes po sa ating lahat! Paano nga ba makakakita ang ating espirituwal na mata? Ito’y sa pamamagitan ng pananalig sa Diyos – pananalig hindi lamang tuwing madali kung hindi lalo na’t kung mahirap. Mahirap sundin ang utos ng Diyos na nakasaad sa Bibliya at turo ng Simbahan. Maraming hirap at sakripisyo ang kakailanganin. Madali bang magbigay sa kapwa lalo kung hindi ka pasasalamatan at papurihan? Madali bang mag-isip ng kapwa gayong natural sa taong mag-isip ukol sa kanyang sarili? Hindi madali ang mga bagay na ito sa umpisa subalit ito’y magagawa sa pamamagitan ng grasya ng Diyos ng isang taong gustong sumunod sa kalooban ng Diyos.
Tandaan na ang gantimpala ng pakikinig sa Diyos ay sa walang hanggan sa Langit kapiling Niya. Marahil kung sasabihin ng isang mayamang negosyante na dahil sa pagtatrabaho natin ng mabuti sa kumpanya ay napili tayong magmana ng negosyong iyon kasama lahat ng malalaking lupa, gusali at kapangyarihan, ibibigay natin ang lahat para sa trabahong iyon sapagkat napili na tayo. Ang iniaalok at pinangangako ng Diyos para sa atin ay higit pa sa lahat ng posisyon, kayamanan at karangalan sa mundong ito. Bakit hindi natin dapat ibigay ang lahat ng kaya natin para sa kayamanan, at karangalang hindi nabubulok? Ito nga ang dapat nating pagbuhusan ng lakas at pag-alayan ng buhay hindi man ito makita ng mundo. Ang mahalaga’y ang makasama natin ang Diyos panghabang buhay sa Langit na hindi isang ilusyon o kathang isip. Doon tayo pinakaliligaya at mapupuno sa piling Niya.
Nawa’y patuloy nating pagnilayan natin ito. Amen. +
Pagpalain po tayong lahat ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos, at ipagsanggalang nawa Niya tayo laban sa tukso at masasama ngayon at magpakailanman. Amen. +
Pagninilay ni: F.M.M.J.
Pinagmulan ng Pagbasa: Tagalog Mass Readings © Awit at Papuri Communications