ANG MABUTING BALITA AT PAGNINILAY: “Pagtuon sa Sarili”
Setyembre 13, 2024. Paggunita kay San Juan Crisostomo, obispo at pantas ng Simbahan
MABUTING BALITA
Lucas 6, 39-42
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, tinanong ni Hesus ang kanyang mga alagad nang patalinghaga: “Maaari bang maging tagaakay ng bulag ang isa ring bulag? Kapwa sila mahuhulog sa hukay kapag ginawa ang gayun. Walang alagad na higit sa kanyang guro; ngunit kapag lubusang naturuan, siya’y magiging katulad ng kanyang guro.
“Ang tinitingnan mo’y ang puwing ng iyong kapatid, ngunit hindi mo pinapansin ang tahilan sa iyong mata. Paano mo masasabi sa iyong kapatid, ‘Kapatid, bayaan mong alisin ko ang iyong puwing,’ gayong hindi mo nakikita ang tahilang nasa iyong mata? Mapagpaimbabaw! Alisin mo muna ang tahilan sa iyong mata, at makakikita kang mabuti; sa gayo’y maaalis mo ang puwing ng iyong kapatid.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pagninilay:
Ngayon po ay paggunita kay San Juan Crisostomo. Mababasa po ang tungkol sa kanya matapos ang pagninilay na ito. Sadyang mas likas sa tao ang mapansin ang kapintasan ng iba ngunit siya naman ay hirap tumingin sa sarili. Subalit posible ito at kapag natutuhan natin itong gawin sa pamamagitan ng grasya ng Diyos, napakarami nating matututuhan at maraming maaring magbago sa sarili para sa ikabubuti. Samakatuwid, maganda kung ang palaging tuon ng ating pansin ay kung ano ang mga kahinaan natin at paano ito mababago. Hindi rin natin ito kayang gawin mag-isa at kailangan natin ng grasya at awa ng Diyos. Kung kabaliktaran naman at palagi tayong nakatuon sa pagkakamali ng iba, tila madalas kaysa hindi, nakakasama pa ito sa atin. Ang nagiging madalas na dulot nito ay pagkamuhi, pamimintas at pagmamaliit sa ibang tao. Kapag ganito ang reaksyon natin sa kapintasan ng iba, ibig sabihin, hindi rin natin tanggap ang sarili nating kahinaan at malamang ay gusto nating makita sa iba ang tagumpay na hindi natin nakita sa ating sarili ngunit mali ito.
Sa ebanghelyo, inaanyayahan tayo ni Hesus na matutong suriin ang sarili at hindi iba. Kung hindi natin kilala ang ating sarili at kung hindi natin kayang lumago sa mga pinagdaraanan natin sa buhay sa paraan ng Diyos, paano natin masasabing makakatulong tayo sa iba? Subalit ang simula ng pagtulong sa iba ay ang pagtulong muna sa sarili.
Dahil nagiging malinaw ang paningin natin sa sarili na mula sa grasya ng Diyos, magiging malinaw din ang pagtingin natin sa iba dahil tutulungan tayo ng Diyos. Magsisimula tayo sa pananalangin sa Diyos. Amen. +
Nawa’y paniwalaan at patuloy nating pagnilayan natin ito. Amen. +
Pagpalain po tayong lahat ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos, at ipagsanggalang nawa Niya tayo laban sa tukso at masasama at magpakailanman. Amen. +
Pagninilay ni: FMMJ
Pinagmulan ng Pagbasa: Tagalog Mass Readings © Awit at Papuri Communications
Buhay ni San Juan Crisostomo, obispo at pantas:
https://www.ourparishpriest.com/2023/09/saints-of-september-san-juan-crisostomo-obispo-at-pantas/