Oktubre 17, 2022. Paggunita kay San Ignacio ng Antioquia, obispo at martir.
Subscribe to Awit at Papuri Communications Channel.
Memorial of St. Ignatius of Antioch, Bishop and Martyr (Red).
Mga Pagbasa mula sa
Lunes ng Ika-29 na Linggo sa Karaniwang Panahon.
UNANG PAGBASA
Efeso 2, 1-10
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Efeso
Mga kapatid, noong una’y mga patay kayo dahil sa inyong pagsuway at mga kasalanan. Sinunod ninyo noon ang masamang takbo ng sanlibutang ito at napailalim kayo sa prinsipe ng kasamaan, ang espiritung naghahari sa mga taong suwail. Dati, tayo’y kabilang sa mga ito, namuhay ayon sa pita ng laman at sinunod ang masamang hilig ng katawan at pag-iisip. Kaya’t sa ating likas na kalagayan, kabilang tayo sa mga taong kinapopootan ng Diyos.
Subalit napakasagana ang habag ng Diyos at napakadakila ang pag-ibig na iniukol niya sa atin. Tayo’y binuhay niya kay Kristo kahit noong tayo’y mga patay pa dahil sa ating pagsuway. Naligtas nga kayo dahil sa kanyang kagandahang-loob. Dahil sa ating pakikipag-isa kay Kristo Hesus, tayo’y muling binuhay na kasama niya at pinaupong kasama niya sa kalangitan. Ginawa niya ito upang sa darating na mga panahon ay maipakita niya ang di-masukat na kasaganaan ng kanyang kagandahang-loob sa atin sa pamamagitan ni Kristo Hesus. Dahil sa kagandahang-loob ng Diyos ay naligtas kayo sa pamamagitan ng inyong pananalig kay Kristo.
At ang kaligtasang ito’y kaloob ng Diyos, hindi mula sa inyo. Hindi ito dahil sa inyong mga gawa kaya’t walang dapat ipagmalaki ang sinuman. Tayo’y kanyang nilalang, nilikha sa pamamagitan ni Kristo Hesus upang iukol natin ang ating buhay sa paggawa ng mabuti, na itinalaga na ng Diyos para sa atin noon pa mang una.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 99, 2. 3. 4. 5
Tayo’y sa D’yos, sa D’yos lamang,
tayong lahat na nilalang.
MABUTING BALITA
Lucas 12, 13-21
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, sinabi kay Hesus ng isa sa mga tao, “Guro, iutos nga po ninyo sa kapatid ko na ibigay sa akin ang bahagi ko sa aming mana.” Sumagot siya “Ginoo, sino ang naglagay sa akin bilang hukom o tagapaghati ng mana ninyo?” At sinabi niya sa kanilang lahat: “Mag-ingat kayo sa lahat ng uri ng kasakiman; sapagkat ang buhay ng tao ay wala sa laki ng kayamanan.” At pagkatapos ay isinaysay ni Hesus ang talinhagang ito: “Ang bukirin ng isang mayaman ay umani nang sagana. Kaya’t nasabi niya sa sarili, ‘Ano ang gagawin ko?
Wala na akong paglagyan ng aking ani! A, gigibain ko ang aking mga kamalig, at magtatayo ako ng lalong mas malalaki. Doon ko ilalagay ang aking ani at ari-arian. At sasabihin ko sa aking sarili, Ayan, marami na akong ari-arian! Hindi na ako kukulangin habambuhay! Kaya’t mamamahinga na lang ako, kakain, iinom, at magsasaya!’ Ngunit sinabi sa kanya ng Diyos, ‘Hangal! Sa gabing ito’y babawian ka ng buhay. Kanino mapupunta ang mga bagay na inihanda mo?’ Ganyan ang sasapitin ng nagtitipon ng kayamanan para sa sarili, ngunit dukha naman sa paningin ng Diyos.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pagninilay:
Maligayang paggunita po kay San Ignacio ng Antioquia! Saan o kanino natin ginugugol ang mga oras ng ating buhay? Ang bawat minuto ng ating buhay ay talaga namang mahalaga sapagkat hindi natin alam kung hanggang kailan tayo rito sa mundo. Ang isang taong nag-iisip na nasa mga kamay niya ang oras dito sa mundo ay tiyak lalong mawawalan nito. Ganito nga ang nangyari sa mayamang hangal na nasa Ebanghelyo natin ngayon. Inakala niyang dito na siya sa mundo maninirahan magpasawalang hanggan. Kaya naman naging abala siyang mag-ipon ng yaman sa mundo. Iyon pala’y bukas ay mamamatay na siya.
Kung ganito ang ating pag-iisip, tayo ay nagiging kagaya rin niya. Sa pagiging kagaya ng mayamang hangal ay lumalayo tayo sa ating pagkakakilanlan bilang mga anak ng Diyos. Sapagkat ang pagiging anak ng Diyos ay ang pagiging abala sa mga bagay na para sa kapwa. Ang mga bagay na ating ginagawa para sa kapwa dulot ng pag-ibig sa kanila ay ang magdadala sa atin sa buhay na walang hanggan.
Paano natin masasabing mabuti ang isang tao? Dahil lang ba sa siya’y tahimik at palangiti? Tunay na mabuti ang isang tao kung siya’y hindi makasarili at iginugugol ang buhay sa pagtulong sa iba. Ganito ang pagiging mabuti sa mata ng Diyos, hindi lamang ng tao. Kasama rito ang pagkakawanggawa at ano pa mang mabubuting gawain para sa kapwa gaano man ito kaliit gaya ng pagbibigay ng kaunting limos o simpleng tinapay sa iba.
Habang tayo’y nawawalan ng oras para sa sarili para ibigay sa Diyos at para sa kapwa, magkakaroon tayo ng buhay sa langit. Habang nagiging makasarili tayo at nag-iisip para sa sarili, lalo tayong mawawalan at ang pagiging masaya natin ay napaikli at hanggang dito lamang sa lupa. Ano kaya ang gusto natin? Ano kaya ang dapat nating piliin? Piliin nawa natin ang totoong mabuti sa mata ng Diyos. Amen. +
Pagnilayan natin ito. Amen. +
Buhay ni San Ignacio ng Antioquia: https://tl.religiousopinions.com/biography-ignatius-antioch
Pagpalain po tayong lahat ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos, at ipagsanggalang nawa Niya tayo laban sa tukso at masasama ngayon at magpakailanman. Amen. +
Pagninilay ni: F.M.M.J.
Pinagmulan ng Pagbasa: Tagalog Mass Readings © Awit at Papuri Communications