Agosto 26, 2024. Lunes ng Ika-21 Linggo sa Karaniwang Panahon (II)
MABUTING BALITA
Mateo 23, 13-22
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus, “Sa aba ninyo, mga eskriba at mga Pariseo! Mga mapagpaimbabaw! Hinahadlangan ninyo ang mga tao upang hindi sila mapagharian ng Diyos. Ayaw na ninyong pasakop sa paghahari ng Diyos, hinahadlangan pa ninyo ang ibig pasakop!
“Sa aba ninyo, mga eskriba at mga Pariseo! Mga mapagpaimbabaw! Inuubos ninyo ang kabuhayan ng mga babaing balo, at ang sinasangkalan ninyo’y ang pagdarasal nang mahaba! Dahil dito’y lalo pang bibigat ang parusa sa inyo!
“Sa aba ninyo, mga eskriba at mga Pariseo! Mga mapagpaimbabaw! Nilalakbay ninyo ang karagatan at ginagalugad ang buong daigdig, makahikayat lamang kayo ng kahit isang Hentil sa pananampalatayang Judio. At kung mahikayat na’y ginagawa ninyong masahol pa kaysa inyo, kaya’t nagiging ibayo ang dahilan para siya’y parusahan sa impiyerno.
“Sa aba ninyo, mga bulag na taga-akay! Itinuturo ninyo na kung ipanumpa ninuman ang templo, walang anuman ito, ngunit kung ang ipanumpa ay ang ginto ng templo, dapat niyang tuparin ang kanyang sumpa. Mga bulag! Mga hangal! Alin ang mas mahalaga, ang ginto o ang templong nagpapabanal sa ginto?
Sinasabi rin ninyo na kung ipanumpa ninuman ang dambana, walang anuman ito, ngunit kung ang ipanumpa ay ang handog na nasa dambana, dapat niyang tupdin ang kanyang sumpa. Mga bulag! Alin ba ang mas mahalaga, ang handog o ang dambanang nagpapabanal sa handog? Kaya nga, kapag ipinanumpa ninuman ang dambana, ipinanunumpa niya iyon at ang lahat ng handog na naroon. Kapag ipinanumpa ninuman ang templo, ipinanunumpa niya iyon at ang tumatahan doon. At kapag ipinanumpa ninuman ang langit, ipinanunumpa niya ang trono ng Diyos at ang nakaluklok doon.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pagninilay:
Pinipili ng Panginoong Hesukristo ang mga salitang sinasabi Niya. Gumamit Siya ng mga salitang “sakim, makasarili, at mapagpaimbabaw” sa mga eskriba at Pariseo. Sa lahat ng salita ni Hesus, nakita ng mga eskriba at Pariseo ang kanilang mga sarili na malayo sa ganoong pag-uugali. Ang tingin nila sa kanilang mga sarili ay walang kinalaman sa mga sinasabi ni Hesus. Itinuturing nila ang kanilang mga sarili na mabubuti at inosente. Ngunit sinabi sa kanila ni Hesus kung sino sila at ano sila.
Ang mga eskriba at Pariseo ay higit na walang kamalayan sa kanilang sariling kasalanan. Nawalan sila ng pakirandan sa kasalanan. Isa itong panganib sa ating buhay Kristiyano. Ang hindi natin makita ang ating sarili na mali base sa kung ano ang sinasabi ng iba. Isa itong pagkukunwari at pagmamataas sa Diyos.
Tinatanggi natin si Hesus sa tuwing tinatanggihan natin ang ating sariling kasalanan at kamalian. Mahilig tayong magbigay-katwiran sa ating mga kasalanan. Ating binabalewala ang bigat nito at tinitingnan ito bilang maliit. Minsan, ito pa ay itinuturing nating tama. Karamihan sa atin ay magaling magkunwari at magpaimbabaw. Huwag nating balewalain ang Panginoon. Tayo’y magbago at huwag magpakitang-tao. Tanging ang Diyos lamang ang nakakikita ng ating ginagawa. Siya ang makapagsasabi kung sino at ano tayo. Kahit sabihin nating tama ang ating mga ginagawa kahit ito’y mali. Kaya huwag nating hayaang tayo’y maging tulad ng mga eskriba at Pariseo. Magkaroon tayo ng panahon upang usisain ang ating sariling puso at budhi.
Nawa’y paniwalaan at patuloy nating pagnilayan natin ito. Amen. +
Pagpalain po tayong lahat ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos, at ipagsanggalang nawa Niya tayo laban sa tukso at masasama
at magpakailanman. Amen. +
Pagninilay ni: J.P.R.
Pinagmulan ng Pagbasa: Tagalog Mass Readings © Awit at Papuri Communications