Oktubre 30, 2023. Lunes ng Ika-30 Linggo sa Karaniwang Panahon.
MABUTING BALITA
Lucas 13, 10-17
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, si Hesus ay nagtuturo sa isang sinagoga sa Araw ng Pamamahinga. May isang babae roon na labingwalong taon nang may karamdaman, gawa ng masamang espiritung nasa kanya. Siya’y hukot na hukot at hindi na makaunat. Nang makita ni Hesus ang babae, tinawag niya ito at sinabi, “Magaling ka na sa iyong karamdaman!” At ipinatong ni Hesus and kanyang mga kamay sa babae; noon di’y nakaunat ito at nagpuri sa Diyos. Ngunit nagalit ang tagapamahala ng sinagoga sapagkat nagpagaling si Hesus sa Araw ng Pamamahinga. Kaya’t sinabi niya sa mga tao, “May anim na araw na inilaan upang ipagtrabaho. Pumarito kayo sa mga araw na iyan upang magpagaling, at huwag sa Araw ng Pamamahinga.”
Sinagot siya ng Panginoon, “Mga mapagpaimbabaw! Hindi ba’t kinakalag ninyo sa sabsaban ang inyong baka o asno at dinadala sa painuman kahit Araw ng Pamamahinga? Ang babaing ito na mula sa lipi ni Abraham ay ginapos ni Satanas sa loob ng labingwalong taon. Hindi ba dapat na siya’y kalagan kahit na Araw ng Pamamahinga?” Napahiya ang lahat ng kalaban ni Hesus sa sagot niyang ito; at nagalak naman ang madla sa mga kahanga-hangang bagay na ginawa niya.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pagninilay:
Isang mapagpalang Lunes po sa ating lahat! Maraming tumutuligsa kay Hesus dahil hindi sila naniniwala sa Kanya. Hanggang ngayon, marami pa rin ang hindi naniniwala sa Diyos at sa Simbahang Kanyang itinatag. Kaya kahit anong gawin ng Simbahang Katolika sa mata ng ilan ay mali. Kung walang nagpopost ng tungkol sa gawaing magaganda ng Simbahan, sasabihing wala raw tayong ginagawa para tumulong. Kapag nagpost naman, sasabihing gusto nating magmalaki. Subalit si Hesus ay nagpapatuloy sa Kanyang mabubuting gawain sa pamamagitan ng Simbahan hanggang ngayon. Patuloy na tumutulong sa mga mahihirap, umaalalay sa mga maysakit, nagdarasal para sa mundo at marami pang iba ang Simbahan sa Ngalan ng Diyos. Ito ang kalooban Niya mula noon hangggan ngayon. Nais Niyang magtulungan tayo bilang pag-iibigan ng isa’t isa.
Manalangin tayo upang makapaglingkod sa Panginoon. Humanap tayo ng grupo sa Simbahan na maaring salihan upang tayo’y makapagsilbi sa Kanya. Madaling maghusga kapag tayo’y nasa labas at hindi nararanasan ang mga gawain sa loob ng Simbahan. Subukan nating maging aktibo at kumilos. Makikita natin kung paano gumalaw si Hesus sa pagtulong at pagpapagaling hindi lamang ng mga pisikal ngunit ng mga espirituwal na karamdaman. Makikita at mararanasan natin ito sa Simbahan.
Nawa’y paniwalaan at patuloy nating pagnilayan natin ito. Amen. +
Pagpalain po tayong lahat ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos, at ipagsanggalang nawa Niya tayo laban sa tukso at masasama ngayon at magpakailanman. Amen. +
Pagninilay ni: F.M.M.J.
Pinagmulan ng Pagbasa: Tagalog Mass Readings © Awit at Papuri Communications