Disyembre 15, 2021. Miyerkules ng Ika-3 Linggo sa Panahon ng Pagdating ng Panginoon.
Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel.
Wednesday of the Third Week of Advent (Violet).
National Youth Day.
UNANG PAGBASA
Isaias 45, 6b-8. 18. 21b-25
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias
“Ako ang Panginoon,
Ako lamang ang Diyos at wala nang iba.
Ako ang lumikha ng dilim at liwanag,
Ako ang nagpapadala
ng kaginhawahan at kapahamakan.
Akong Panginoon ang gumagawa ng lahat ng ito.
Padadalhan kita ng sunud-sunod na tagumpay
parang masinsing patak ng ulan;
dahil dito maghahari sa daigdig
ang kalayaan at katarungan.
Akong Panginoon
ang magsasagawa nito.”
Ang Panginoon, ang Diyos, ang lumikha ng kalangitan,
Siya rin ang lumikha ng daigdig,
Ginawa niya itong matatag at ito’y mananatili,
ginawa niya itong isang mainam na tirahan.
Siya ang may sabing, “Akong Panginoon lamang
ang Diyos at wala nang iba pa.
Magsanggunian kayo.
Sino ang makahuhula ng mga bagay na magaganap?
Hindi ba akong Panginoon
ang Diyos na nagliligtas sa kanyang bayan?
Walang ibang Diyos maliban sa akin.
Lumapit kayo sa akin
at kayo ay maliligtas,
Kayong mga tao sa buong daigdig.
Walang ibang Diyos maliban sa akin.
Ako ay tapat sa aking pangako at di magbabago,
at tutuparin ko ang aking mga pangako:
‘Lahat ng tao ay luluhod sa aking harapan,
at mangangakong sila’y magtatapat sa akin!’
“Sasabihin nila,
tanging nasa Panginoon
ang kapangyarihan at pagtatagumpay,
at mapapahiya sinumang sa kanya’y lalaban.
Ngunit ang lahi
ng bansang Israel ay magtatagumpay,
matatamo nila ang kadakilaan.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 84, 9ab-10. 11-12. 13-14
Lupang tiga’y ‘yong diligin,
Poon, sa ‘yong pagdating.
MABUTING BALITA
Lucas 7, 19-23
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, tinawag ni Juan ang dalawa sa kanyang mga alagad at pinapunta sa Panginoon upang itanong, “Kayo po ba ang paririto, o maghihintay pa kami ng iba?” Pagdating nila kay Hesus ay kanilang sinabi, “Pinaparito po kami ni Juan Bautista at ipinatatanong kung kayo ang paririto o maghihintay pa kami ng iba.” Nang mga sandaling yaon ay maraming pinagaling si Hesus: mga pinahihirapan ng karamdaman, at mga inaalihan ng masasamang espiritu. Ipinagkaloob niyang makakita ang mga bulag. Sinabi niya sa kanila pagkatapos, “Bumalik kayo kay Juan at sabihin ang inyong nakita at narinig: nakakikita ang mga bulag, nakalalakad ang mga pilay, gumagaling ang mga ketongin, nakaririnig ang mga bingi, muling nabubuhay ang mga patay, at ipinangangaral sa mga dukha ang Mabuting Balita. Mapalad ang taong hindi nag-aalinlangan sa akin!”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pagninilay:
Isang mapagpalang Miyerkules po sa ating lahat! Mamaya ay simula na nga ng simbang gabi. Palapit na nang papalapit ang Pasko. Paano natin gustong ihanda ang ating puso para sa Panginoon? Hanggang ngayon, may pag-aalinlangan pa ba tayo sa Kanya? Saan at bakit? Napakaraming pangyayari sa ating buhay at matatangay tayo ng mga ito kung hindi natin mapagninilayan nang maigi. Kaya panahon na ito upang balikan ang mga tagpo sa ating buhay, lalo itong nakaraang taon. Nasaan ang Diyos sa aking buhay? Paano Siya kumikilos sa akin at sa buhay ko? Saan at anu-ano ang mga pagkukulang ko sa Kanya? Ano ang aking mga nagawa at hindi nagawa? Napakaraming tanong na dapat nating sagutin at ito ang simula ng karunungan kung ating sasagutin kasama ng Diyos.
Ang Diyos ay naririyan lamang. Hinihintay Niyang tayo ay maniwala sa Kanya at matutong maghintay, manalangin, humingi ng tulong bilang ating Ama. Ito ay nagsisimula sa pagkilala sa Diyos. Ang tamang pagkilala sa Kanya ang magdadala sa atin ng kapayapaan. Mula sa pagkakakilala na ito ay maisasaayos natin ang lahat sa ating buhay. Sino ba Siya para sa iyo? Alam mo ba at naniniwala ka bang kung ano ang mga ginawa Niyang himala noon ay kaya Niyang gawin hanggang ngayon? Hindi nagbabago ang Diyos. Tayo lamang ang nagbabago at hindi panatag ang isipan sa Kanya. Ngunit ang Diyos ay Diyos. Hindi Siya tao. Dapat lamang na ibigay ang ating tiwala sa Kanya nang buo at walang alinlangan. Sapagkat nasa ating buhay na ang tanda ng Kanyang kabutihan. Pagnilayan na lamang natin ito at balikan upang ating makita ang Kanyang pagpapala lagi sa atin kahit pa tayo ay mga makasalanan. Amen. +
Pagnilayan natin ito. Amen. +
Pagpalain po tayong lahat ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos, at ipagsanggalang nawa Niya tayo laban sa tukso at masasama ngayon at magpakailanman. Amen. +
Pagninilay ni: F.M.M.J.
Pinagmulan ng Pagbasa: Tagalog Mass Readings © Awit at Papuri Communications http://www.awitatpapuri.com