Mayo 16, 2024. Huwebes sa Ika-7 Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay.
MABUTING BALITA
Juan 17, 20-26
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Noong panahong iyon, tumingala si Hesus at nanalangin, “Amang banal, hindi lamang ang aking mga alagad ang idinadalangin ko, kundi pati ang mga mananalig sa akin dahil sa kanilang pahayag. Maging isa nawa silang lahat, Ama. Kung paanong ikaw ay nasa akin at ako’y nasa iyo, gayun din naman, maging isa sila sa atin upang maniwala ang sanlibutan na ikaw ang nagsugo sa akin.
Ang karangalang ibinigay mo sa akin ay ibinigay ko sa kanila upang sila’y ganap na maging isa, gaya nating iisa: ako’y nasa kanila at ikaw ay nasa akin, upang lubusan silang maging isa. At sa gayun, makikilala ng sanlibutan na sinugo mo ako, at sila’y iniibig mo katulad ng pag-ibig mo sa akin.”
“Ama, nais kong makasama sa aking kinaroroonan ang mga ibinigay mo sa akin, upang mamasdan nila ang karangalang bigay mo sa akin, sapagkat inibig mo na ako bago pa nilikha ang sanlibutan. Makatarungang Ama, hindi ka nakikilala ng sanlibutan, ngunit nakikilala kita; at nalalaman ng mga ibinigay mo sa akin na ikaw ang nagsugo sa akin. Ipinakilala kita sa kanila, at ipakikilala pa, upang ang pag-ibig mo sa akin ay sumapuso nila at ako nama’y sumakanila.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pagninilay:
Isang mapagpalang Huwebes po sa ating lahat! Ipinapanalangin tayong lahat ni Hesus sa ebanghelyo ngayong araw na ito. Ang panalangin ng pagkakaisa at pagiging isa Niya at sa pamamagitan Niya, tayong lahat sa Ama. Subalit habang nasa mundo, may pumipigil sa atin na maging isa. Anu-ano ang mga iyon?
Una, ang hidwaan dahil sa poot at inis sa isa’t isa. Ang realidad ng pagkamahina ng bawat isa ay nariyan. Bilang Kristiyano, ang dapat nating gawin ay magpasensiya at magpatawad sa isa’t isa. Kung hindi natin ito ibibigay sa mga nagkakasala sa atin, dito tayo nagkakaroon ng poot at hidwaan. Hindi natin nasusunod ang utos ng Diyos na magmahal at nagiging matigas ang ating puso. Mawawala ang grasyang dapat dumaloy dito mula sa puso ng Diyos.
Ikalawa, ang pagmamataas ang isa ring nagiging dahilan ng pagkakawatak-watak. Sa pagiging mapagmataas, inihihiwalay natin ang sarili sa iba at itinuturing na angat ang sarili subalit hindi ito totoo. Lahat tayo ay magkakapatid sa Diyos at dapat kung ang isa ay nasasadlak sa kahirapan o mahina, ang isa ay tumulong. Sa gayong paraan, tayo ay nagiging pantay-pantay din sa mata ng mundo.
Hindi tayo nagiging tunay na anak ng Diyos na kaisa Niya kung marami tayong hinanakit, poot, pagmamataas at pagkamakasarili. Ang ating dapat pagtuunan ng pansin ay kung paano magiging malinis ang sarili at malayo sa mga ito para tayo ay maging tuluyang kaisa ng Diyos. Amen. +
Nawa’y paniwalaan at patuloy nating pagnilayan natin ito. Amen. +
Pagpalain po tayong lahat ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos, at ipagsanggalang nawa Niya tayo laban sa tukso at masasama ngayon at magpakailanman. Amen. +
Pagninilay ni: F.M.M.J.
Pinagmulan ng Pagbasa: Tagalog Mass Readings © Awit at Papuri Communications