Bible Catholic Church Catholic Faith Daily Gospel on DCF

ANG MABUTING BALITA AT PAGNINILAY: “Paghiling sa Diyos”

 

Mayo 6, 2023. Sabado sa Ika-4 Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay

MABUTING BALITA
Juan 14, 7-14
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Kung ako’y kilala ninyo, kilala na rin ninyo ang aking Ama. Mula ngayon ay kilala na ninyo siya at inyong nakita.”
Sinabi sa kanya ni Felipe, “Panginoon, ipakita po ninyo sa amin ang Ama, at masisiyahan na kami.” Sumagot si Hesus, “Matagal na ninyo akong kasama, Felipe! Diyata’t hindi mo pa ako nakikilala? Ang nakakita sa akin ay nakakita na sa Ama. Bakit mo sinasabing: ‘Ipakita mo sa amin ang Ama’? Hindi ka ba naniniwalang ako’y sumasa-Ama at ang Ama’y sumasaakin? Ang mga salitang sinasabi ko ay hindi ko sinasabi sa ganang aking sarili. Ang Amang sumasaakin ang gumaganap ng kanyang mga gawain.

Maniwala kayo sa akin: ako’y sumasa-Ama at ang Ama’y sumasa-akin. Kung ayaw ninyong maniwala sa sinasabi ko, maniwala kayo dahil sa mga gawang ito. Sinasabi ko sa inyo: ang nananalig sa akin ay makagagawa ng mga ginagawa ko at higit pa rito, sapagkat pupunta na ako sa Ama. At anumang hilingin ninyo sa Ama sa aking pangalan ay gagawin ko, upang maparangalan ang Ama sa pamamagitan ng Anak. Gagawin ko ang anumang hihilingin ninyo sa pangalan ko.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Pagninilay:

Isang mapagpalang Unang Sabado po sa ating lahat! Gawin po natin ang first Saturday devotion para sa ating Mahal na Birheng Maria. Ang link po ay matatagpuan matapos ng pagninilay na ito. Gagawin ng Panginoon ang anumang hihilingin natin sa Kanyang pangalan. Hindi dahil tila Siya’y isang inuutusan. Kung hindi dahil alam Niyang sa pagsunod ng mga alagad sa Kanya, Siya at ang alagad ay nagiging isa. Kung gayon, ang mga hangarin ng alagad o mga sumusunod sa Kanya ay mas nagiging mabuti, dalisay at ukol sa Diyos. Kung hindi pa ganap ang ating pagsunod sa Diyos, marami pa tayong mga hangaring hindi natin nakikita na makamundo pala. Kaya, dapat bukas ang ating puso sa plano ng Diyos na laging makabubuti higit pa sa inaakala natin.

Higit sa lahat, sa lahat ng ating hinihiling sa Diyos, kailangang may puwang sa ating puso para sa anumang kagustuhan ng Diyos. Maniwala tayong Siya ang nakakaalam ng lahat ng mabuti para sa atin. Kapag tayo naman ay nagsisikap sa pananalig at tunay na minamahal ang Diyos at ang Kanyang Salita, hindi tayo mabibigo sa Diyos. Humiling tayo, basta ito’y para sa ikabubuti natin, tayo ay bibigyan. Maraming mga taong nagtatampo sa Diyos dahil hindi pinagbibigyan ang kanilang kahilingan, subalit kung tatanungin lamang nila ang Diyos kung ano ang Kanyang plano at bakit nangyari ang mga bagay na nangyari, tiyak sila ay maliliwanagan.

Mawawala ang mga pangamba at lungkot dahil sa mga nawala at papalitan ito ng tuwa at nag-uumapaw na grasyang higit pa sa mga nawala. Tunay nating ibigay sa Diyos ang lahat ng alalahanin. Makakasumpong tayo lagi mula sa Kanya ng kasagutan sa ating mga problema. Magtiwala muna tayo at tayo’y makakakita ng kaginhawaang minimithi mula sa Diyos dahil pinili nating magtiwala kahit hindi na maunawaan ang mga nangyayari sa ating buhay. Nawa’y patuloy nating pagnilayan ito. Amen. +

Paano Gawin ang First Five Saturday Devotion: https://marian.org/13th/five-first-saturdays-of-reparation

Tamang Pananamit sa Simbahan: https://bit.ly/3JNVrWM

Pagpalain po tayong lahat ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos, at ipagsanggalang nawa Niya tayo laban sa tukso at masasama ngayon at magpakailanman. Amen. +

Pagninilay ni: F.M.M.J.
Pinagmulan ng Pagbasa: Tagalog Mass Readings © Awit at Papuri Communications

Defend The Catholic Faith

About Author

Safeguards have been created to ensure the orthodoxy of the contents of our website. If, despite strictly adhering to the dogmas and magisterial authority of the Church, errors have been pointed out and proven, I will humbly submit to the authority of the Church.

You may also like

Bible Catholic Church Catholic Faith News

WHY THE DEVIL HATES THE BLESSED VIRGIN SO MUCH (AND WHY YOU SHOULD LOVE HER)

  Satan hates the Blessed Virgin Mary. In fact, he has been doing everything in his power to discourage devotion to
Apologetics / Reflections Catholic Church The Sacraments

BINYAG, KASAL, KUMPIL AT IBA PA. BAKIT DAW MAY BAYAD? BY: ADMIN COCO

Sabi ng mga sektang kutya ng kutya sa katoliko sabi nila bakit ang kasal niyo my bayad? binyag my bayad?