Oktubre 16, 2022. Ika-29 na Linggo sa Karaniwang Panahon.
(Ngayon po ay araw ng Linggo, magsimba po tayo. Basahin po natin ang pagninilay na nasa dulo ng post na ito.)
Subscribe to Awit at Papuri Communications Channel.
Twenty-ninth Sunday in Ordinary Time (Green)
Sunday for Cultures.
UNANG PAGBASA
Exodo 17, 8-13
Pagbasa mula sa aklat ng Exodo
Noong mga araw na iyon, ang mga Israelita’y nasa Refidim at sinalakay sila ng mga Amalecita. Sinabi ni Moises kay Josue, “Pumili ka ng ilang tauhan natin at pangunahan mo sa pakikipaglaban sa mga Amalecita. Tatangnan ko naman ang tungkod na ibinigay sa akin ng Diyos at ako’y tatayo sa ibabaw ng burol.” Sinunod ni Josue ang utos ni Moises at hinarap niya ang mga Amalecita. Si Moises naman, kasama sina Aaron at Hur ay nagpunta sa burol.
Kapag nakataas ang mga kamay ni Moises, nananalo ang mga Israelita; kapag nakababa, nananalo naman ang mga Amalecita. Nangawit na si Moises kaya sina Aaron at Hur ay kumuha ng isang bato at pinaupo roon si Moises habang hawak nilang pataas ang mga kamay nito hanggang sa lumubog ang araw. Dahil doo’y nalupig ni Josue ang mga Amalecita.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 120, 1-2. 3-4. 5-6. 7-8
Sa pangalan ng Maykapal
tayo ay tinutulungan.
IKALAWANG PAGBASA
2 Timoteo 3, 14 – 4, 2
Pagbasa mula sa ikalawang sulat ni Apostol San Pablo kay Timoteo
Pinakamamahal ko, huwag mong tatalikdan ang mga aral na natutuhan mo at matibay na pinananaligan, yamang kilala mo ang nagturo nito sa iyo. Mula pa sa pagkabata, alam mo nang ang Banal na Kasulatan ay nagtuturo ng daan ng kaligtasan sa pamamagitan ng pananalig kay Kristo Hesus. Lahat ng kasulata’y kinasihan ng Diyos at magagamit sa pagtuturo ng katotohanan, sa pagpapabulaan sa maling aral, sa pagtutuwid sa likong gawain, at sa pag-akay sa matuwid na pamumuhay.
Sa gayon, ang lingkod ng Diyos ay magiging handa sa lahat ng mabubuting gawain.
Inuutusan kita sa ngalan ng Diyos at ni Kristo Hesus na hahatol sa mga buhay at mga patay: alang-alang sa kanyang pagparito at paghahari, ipangaral mo ang Salita ng Diyos, napapanahon man o hindi; hikayatin mo, pagsabihan, at patatagin ang loob ng mga tao sa pamamagitan ng matiyagang pagtuturo.
Ang Salita ng Diyos.
MABUTING BALITA
Lucas 18, 1-8
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, isinaysay ni Hesus ang isang talinghaga upang ituro sa mga alagad na dapat silang manalanging lagi at huwag manghinawa. “Sa isang lungsod,” wika niya, “may isang hukom na hindi natatakot sa Diyos sa Diyos at walang taong iginagalang. Sa lungsod ding iyon ay may isang babaing balo na punta nang punta sa hukom at humihingi ng katarungan.
Tinanggihan siya ng hukom sa loob ng ilang panahon. Ngunit nang malaunan ay nasabi nito sa sarili: “Bagamat hindi ako natatakot sa Diyos ni gumagalang kaninuman, igagawad ko na ang katarungang hinihingi ng babaing ito sapagkat lagi niya akong ginagambala – baka pa ako mainis sa kapaparito niya.” At sinabi ng Panginoon, “Narinig ninyo ang sinabi ng masamang hukom. Hindi ipagkakait ng Diyos ang katarungan sa kanyang mga hinirang na dumaraing sa kanya araw-gabi, bagamat tila nagtatagal iyon.
Sinasabi ko sa inyo, agad niyang igagawad sa kanila ang katarungan. Ngunit pagdating ng Anak ng Tao sa daigdig na ito, may makikita kaya siyang mga taong nananalig sa kanya?”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pagninilay:
Isang mapagpalang Linggo po sa ating lahat! Ang pananalangin natin ay kailangang may kasamang pagpupursigi. Kailangan nating patuloy na kumatok sa puso ng Panginoon. Hindi dahil hindi Niya tayo pinakikinggan. Subalit, dahil gusto Niyang mas mapatibay ang ating paniniwala sa Kanya. Magiging matibay tayo sa ating pananalig sa ating paghihintay.
Ang balo sa ating istorya ay walang kapangyarihan. Nasa hukom lahat ang desisyon. Ganoon din tayo sa mundo na ito. Ang totoo’y nasa kamay ng ating Diyos ang lahat ng ating inaalala. Walang bagay na hindi makukuha sa pananalangin kung tayo’y magtitiyaga at maghihintay sa Diyos. Ang problema kasi ay mabilis tayong mainip, tayo na ang gumagawa ng sariling paraan nang hindi sumasangguni sa Diyos. Dito tayo napapahamak at dito rin nagsisimula ang mga problema.
Hanggang sa makuha natin ang ating hinihiling sa Diyos o hanggang sa marinig natin ang sagot mula sa Kanya, hindi dapat tayo tumigil sa pananalangin. Magtiwala lamang tayo na makukuha natin ang sagot mula sa Diyos. Hilingin nating pagtibayin Niya ang ating puso sa ating paghihintay. Amen. +
Pagnilayan natin ito. Amen. +
Pagpalain po tayong lahat ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos, at ipagsanggalang nawa Niya tayo laban sa tukso at masasama ngayon at magpakailanman. Amen. +
Pagninilay ni: F.M.M.J.
Pinagmulan ng Pagbasa: Tagalog Mass Readings © Awit at Papuri Communications