Mayo 13, 2024. Lunes sa Ika-7 Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay.
MABUTING BALITA
Juan 16, 29-33
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Noong panahong iyon, sinabi ng mga alagad kay Hesus, “Ngayon po’y tuwiran na ang inyong pangungusap sa amin at hindi na patalinghaga! Alam na naming batid ninyo ang lahat ng bagay, at hindi na kailangang tanungin ninuman. Dahil dito, naniniwala kaming kayo’y mula sa Diyos.” Sumagot si Hesus, “Naniniwala na ba kayo ngayon?” Darating ang oras – at ngayon na nga – na magkakawatak-watak kayo, magkakanya-kanyang lakad kayo, at iiwan ninyo ako. Gayunma’y hindi ako nag-iisa sapagkat kasama ko ang Ama.
Sinabi ko ito sa inyo upang kayo’y magkaroon ng kapayapaan sa pakikipag-isa sa akin. Mayroon kayong kapighatian dito sa sanlibutan; ngunit laksan ninyo ang inyong loob! Napagtagumpayan ko na ang sanlibutan!”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pagninilay:
Maligayang Paggunita po ng Mahal na Birhen ng Fatima! Napagtagumpayan na ni Hesus ang sanlibutan. Ngayon nga ay paggunita sa Mahal na Birhen ng Fatima. Alalahanin natin ang mensahe ng ating mahal na Ina. Sa gitna ng maraming kasalanan sa mundo, tayong mga Kristiyano ay tinatawag na humingi ng tawad sa Diyos para sa ating kasalanan at para sa kasalanan ng buong mundo. Ang pananalangin natin ay makakatulong upang matalo ang masasama at kasalanan sa mundo.
Hindi alam ng mga masasama na sila ay masasama at nasa bingit ng impiyerno ang kanilang mga kaluluwa. Tayo na mga naniniwala at nananalangin sa Diyos ang may obligasyong ilapit sila sa Diyos sa pamamagitan ng panalangin. Ang utos ng Birhen ng Fatima ay magdasal ng rosaryo at isa pang misteryo para sa intensyong ito. Isama rin natin ang pagdalo sa Banal na Misa at pagtanggap ng komunyon tuwing unang Sabado para sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan sa mga banal na puso ni Hesus at Maria.
Kahit hindi unang Sabado, maari nating gawin ito. Araw-araw para sa mga nagsisimba araw-araw o tuwing Linggo. Maari tayong maging tagapamagitan ng mga tao sa mundo dahil ang pananalangin ay sadyang makapangyarihan kung ito’y gagawin mula sa puso. Napagtagumpayan na ni Hesus ang lahat ng kasamaan at kasalanan. Kaya naman kung ilalapit natin ang mga taong hindi nananalig sa Kanya, mayroon at mayroon itong maibubungang maganda hindi man natin ito makita.
Nawa, ang pagdedebosyon natin sa Mahal na Ina ng Fatima ay maging daan upang tayo’y sumunod sa Kanya. Magkumpisal tayo tuwing kailangan at kaya natin, mga ilang araw bago at matapos ang unang Sabado. Ialay natin itong lahat sa Diyos at ang malinis nating puso dahil walang imposible sa Diyos. Magkakaroon ng makasaysayang pagbabago sa simbahan at komunidad pati sa ating buhay kung tayo’y makikinig sa sinasabi ng Diyos at susunod sa sinabi ng Mahal na Ina, ang Ina ng Diyos at Reyna ng Langit, ang Birhen ng Fatima.
Mahal na Birhen ng Fatima, ipanalangin mo kami. Amen. +
Nawa’y paniwalaan at patuloy nating pagnilayan natin ito. Amen. +
Pagpalain po tayong lahat ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos, at ipagsanggalang nawa Niya tayo laban sa tukso at masasama ngayon at magpakailanman. Amen. +
Pagninilay ni: F.M.M.J.
Pinagmulan ng Pagbasa: Tagalog Mass Readings © Awit at Papuri Communications