Agosto 12, 2024. Ika-19 Linggo sa Karaniwang Panahon.
MABUTING BALITA
Mateo 17, 22-27
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, nang nagkakatipon sa Galilea sina Hesus at ang mga alagad, sinabi niya sa kanila, “Ang Anak ng Tao ay ipagkakanulo at papatayin, ngunit muling mabubuhay sa ikatlong araw.” At sila’y lubhang nagdalamhati.
Pagdating nila sa Capernaum, lumapit kay Pedro ang mga maniningil ng buwis para sa templo. Tinanong siya, “Nagbabayad ba ng buwis para sa templo ang inyong Guro?” “Opo,” sagot ni Pedro. At nang dumating siya sa bahay, tinanong na siya agad ni Hesus, “Ano ba ang palagay mo, Simon? Kanino sumisingil ng bayad sa lisensya o buwis ang mga hari sa lupa? Sa mga mamamayan ba o sa mga dayuhan?” “Sa mga dayuhan po,” tugon niya. Sinabi ni Hesus, “Kung gayun, hindi pinapagbayad ang mga mamamayan. Gayunman, para wala silang masabi sa atin, pumaroon ka sa lawa at ihagis mo ang kawil.
Kunin mo ang unang isdang mahuhuli. Ibuka mo ang bibig nito at may makikita kang isang salaping pilak. Kunin mo ito at ibayad sa buwis nating dalawa.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pagninilay:
Si Hesus ang nagbayad ng ating mga kasalanan. Maaring naalala Niya ito nang Kanyang inilathala ang tungkol sa pagbabayad ng buwis. Tayo ang may utang dahil tayo ang nakagawa ng masama ngunit iba ang nagbayad. Ito’y dahil si Hesus ay Awa. Ang Diyos ay Pag-ibig at Awa at iyon din ang Kanyang ginagawa. Kaya naman, ganoon din sana tayo sa ating kapwa.
Nawa’y paniwalaan at patuloy nating pagnilayan natin ito. Amen. +
Pagpalain po tayong lahat ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos, at ipagsanggalang nawa Niya tayo laban sa tukso at masasama ngayon at magpakailanman. Amen. +
Pagninilay ni: F.M.M.J.
Pinagmulan ng Pagbasa: Tagalog Mass Readings © Awit at Papuri Communications