Nobyembre 03, 2024. Ika-31 Linggo sa Karaniwang Panahon (B)
MABUTING BALITA
Marcos 12, 28b-34
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Noong panahong iyon, lumapit ang isa sa mga eskriba kay Hesus at tinanong siya, “Alin pong utos ang pinakamahalaga?” Sumagot si Hesus, “Ito ang pinakamahalagang utos, ‘Pakinggan mo, Israel! Ang Panginoon na ating Diyos – siya lamang ang Panginoon. Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso, nang buong kaluluwa, nang buong pag-iisip, at nang buong lakas.’ Ito naman ang pangalawa, ‘Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili.’ Wala nang ibang utos na hihigit pa sa mga ito.” “Tama po, Guro!” wika ng eskriba. “Totoo ang sinabi ninyo. Iisa ang Diyos at wala nang iba liban sa kanya. At ang umibig sa kanya nang buong puso, buong pag-iisip, at buong lakas, at ang umibig sa kapwa gaya ng kanyang sarili ay higit na mahalaga kaysa magdala ng lahat ng handog na susunugin, at iba pang mga hain.” Nakita ni Hesus na matalino ang kanyang sagot, kaya’t sinabi niya, “Malapit ka nang mapabilang sa mga pinaghaharian ng Diyos.” At wala nang nangahas magtanong kay Hesus mula noon.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pagninilay:
“Ang Panginoon na ating Diyos – siya lamang ang Panginoon. Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso, nang buong kaluluwa, nang buong pag-iisip, at nang buong lakas.’ Ito naman ang pangalawa, ‘Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili.’” Ito ang tinatawag nating “The Greatest Commandment” na mula mismo sa banal na labi ni Hesus. Ngunit mas madaling sabihin ang salitang “pag-ibig” kaysa gawin ito. Marahil ang unang una nating dapat gawin ay ipagdasal sa Diyos na bigyan tayo ng dakilang pag-ibig, isang pag-ibig na mula sa Kanya. Ito’y hindi napapagod at hindi namimili, hindi tulad ng sa tao.
Kung mayroon tayong pag-ibig na mula sa Diyos, matututuhan nating mahalin ng tunay ang Diyos, kapwa at sarili. Ganyan dapat ang pagkakasunud-sunod subalit sa mundo ngayon, tila nabaliktad na. Nauuna ang labis labis na pagmamahal sa sarili, matapos ay kapwa at nakakalungkot na para sa iba, iyong may pakinabang at nakakatuwa lang. Tapos huli na ang Diyos kapag napagod na sa maraming bagay. Maiksi lang ang buhay sa mundo at hindi man natin makita ngunit dapat tayong bumalik sa Diyos nang natupad na ang misyon kung bakit tayo nilikha. Ang misyon na ito at ang buhay natin ay para sa iba, hindi para sa sarili. Masasabi nating nakapagmamahal tayo nang buo at tunay kung kahit walang kapalit at mahirapan ay nakakapagsilbi tayo sa kapwa. Kung kaya na nating mahalin ang kapwa kabilang ang pinakamahihirap, pinakamarurumi at pinakaapi sa paligid natin na minamahal din ni Hesus at naghihintay ng tulong mula sa Diyos na matatanggap lang nila kung kikilos tayo. Saka masasabi sa atin ni Hesus na tayo’y malapit nang mapabilang sa Kaharian ng Diyos.
Pagninilay ni: F.M.M.J.
Pinagmulan ng Pagbasa: Tagalog Mass Readings © Awit at Papuri Communications