Bible Catholic Church Catholic Faith Daily Gospel on DCF

ANG MABUTING BALITA AT PAGNINILAY: “Pag-asa sa Diyos”

 

Ika-21 ng Disyembre
(Simbang Gabi)

21st of December (Aguinaldo Mass) (White)
UNANG PAGBASA
Awit 2, 8-14

Pagbasa mula sa aklat ng Awit ni Solomon
Ang tinig ng aking mahal ay akin nang naririnig,
mga gulod, tinatahak upang ako’y makaniig.
Itong aking mangingibig ay katulad niyong usa,
mabilis kung kumilos, ang katawan ay masigla.
Sa tabi ng aming pader, naroroon lagi siya,
sumisilip sa bintana para ako ay makita.
Ang mahal ko ay nangusap at ganito ang tinuran:
“Sa akin ay sumama ka, halika na, aking mahal.
Lumipas na ang taglamig sa buong lupain
at ang tag-ulan ay natapos na rin.

Bulaklak sa kaparangan tingna’t namumukadkad na,
ito na nga ang panahon upang tayo ay magsaya,
sa bukid, ang mga ibo’y humuhuni, kumakanta.
Yaong mga bungang igos ay hinog nang para-para,
at ang mga punong ubas, sa bulaklak ay hitik na.
Tayo na nga aking mahal, sa akin ay sumama ka.
Ika’y parang kalapati, nagkukubli sa batuhan,
halika at ang ganda mo ay nais kong mapagmasdan,
at nang aking ding marinig ang tinig mong ginintuan.
Ang Salita ng Diyos.

o kaya:

Sofonias 3, 14-18a
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Sofonias
Umawit ka nang malakas, Lungsod ng Sion;
sumigaw ka, Israel!
Magalak ka nang lubusan, Lungsod ng Jerusalem!
Ang mga nagpaparusa sa iyo ay inalis na ng Panginoon,
at itinapon niya ang inyong mga kaaway.
Nasa kalagitnaan mo ang Hari ng Israel, ang Panginoon;
wala nang kasawiang dapat pang katakutan.
Sa araw na yaon ay sasabihin sa Jerusalem:
“Huwag kang matakot, Sion;
huwag manghina ang iyong loob.
Nasa piling mo ang Panginoong iyong Diyos,
parang bayaning nagtagumpay;
makikigalak siya sa iyong katuwaan,
babaguhin ka ng kanyang pag-ibig;
at siya’y masayang aawit sa laki ng kagalakan,
gaya ng nagdiriwang sa pista.”
Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 32, 2-3. 11-12. 20-21
Panginoo’y papurihan
ng tapat n’yang sambayanan.

MABUTING BALITA
Lucas 1, 39-45
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas

Si Maria’y nagmamadaling pumunta sa isang bayan sa kaburulan ng Judea. Pagdating sa bahay ni Zacarias, binati niya si Elisabet. Nang marinig ni Elisabet ang bati ni Maria, naggagalaw ang sanggol sa kanyang tiyan. Napuspos ng Espiritu Santo si Elisabet, at buong galak niyang sinabi, “Bukod kang pinagpala sa babaing lahat at pinagpala naman ang iyong dinadalang anak! Sino ako upang dalawin ng ina ng aking Panginoon? Sapagkat pagkarinig ko ng iyong bati ay naggagalaw sa tuwa ang sanggol sa aking tiyan. Mapalad ka sapagkat nanalig kang matutupad ang ipinasabi sa iyo ng Panginoon!”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Pagninilay:

Isang mapagpalang Martes po sa lahat! Dalawang araw na lang at matatapos na ang ating Simbang Gabi. Darating din ang araw na pinakahihintay natin. Ano ang iyong ipinagdarasal sa Diyos? Ano ang mga bagay na binabanggit mo sa Kanya sa panahong ito? Kaya ka humihiling sa Diyos ay dahil naniniwala ka na matatanggap mo ito. Kung wala kang pananampalataya, kahit maliit lang, bakit ka pa hihiling? Umaasa tayo sa kabutihan ng Diyos kaya naman tayo ay nagdarasal at humihiling sa Kanya ng anumang bagay na ating kailangan o ninanais. Ang tanging inasahan at ninais ng ating Inang si Maria ay ang maglingkod sa Diyos at ibigay ang sarili sa Diyos. Nang maglaon, ipinahayag sa kanya ng Diyos kung ano talaga ang kanyang bokasyon, at nangyari ito sa pagpapahayag ng Panginoon kay Maria sa Nazareth. Sinabi ng Anghel na si Gabriel sa kanya ang plano ng Diyos para sa kanya na siya ay magiging ina ng Mesiyas at siya naman ay sumunod.

Naniwala si Maria sa pangako ng Diyos, natanggap niya ito at pinagpala siya hanggang ngayon. Tayo rin ay pagpapalain ng Diyos kung maniniwala rin tayo sa Kanya, sa Kanyang pangako, at sa Kanyang mga plano para sa atin. Tatanggapin natin ang anumang ito kung ito ay naaayon sa Kanyang mabuting kalooban. Hindi tayo bibigyan ng Diyos ng isang bagay na makakasama sa atin. Kahit na dumarating ang mga pasakit, pagdurusa, o paghihirap, makakagawa pa rin ng Diyos ng mabuti mula sa mga masasamang bagay na iyon. Dapat lamang nating panghawakan ang ating pananampalataya at maniwala kahit tayo ay nasa panahon ng kadiliman.

Katulad ng mga burol na tinawid ni Maria para makarating sa kanyang destinasyon, hindi ito madali, ngunit nagtiyaga siya hanggang sa huli. Gayundin, ang ating panalangin ay nangangailangan ng pagtitiyaga, lakas ng loob, at pagkamasigasig. Maging ang lahat ng ito ay nagmumula sa Diyos. Aalagaan Niya tayo. Hilingin natin sa Kanya ang mga grasyang ito dahil ninanais Niya ang lahat ng kabutihan para sa atin. Kung naniniwala lamang tayo sa Kanyang kabutihan na higit pa sa nakikita natin sa mundo, lagi tayong magkakaroon ng pag-asa sa Kanya na nagpapala sa atin. Kahit na tayo ay makasalanan, ang Kanyang pagmamahal at kagandahang loob sa atin ay hindi matatawaran. Amen. +

Pagnilayan natin ito. Amen. +
Pagpalain po tayong lahat ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos, at ipagsanggalang nawa Niya tayo laban sa tukso at masasama ngayon at magpakailanman. Amen. +

Pagninilay ni: F.M.M.J.
Pagsasalin ni: C.J.T.
Pinagmulan ng Pagbasa: Tagalog Mass Readings © Awit at Papuri Communications http://www.awitatpapuri.com

Defend The Catholic Faith

About Author

Safeguards have been created to ensure the orthodoxy of the contents of our website. If, despite strictly adhering to the dogmas and magisterial authority of the Church, errors have been pointed out and proven, I will humbly submit to the authority of the Church.

You may also like

Bible Catholic Church Catholic Faith News

WHY THE DEVIL HATES THE BLESSED VIRGIN SO MUCH (AND WHY YOU SHOULD LOVE HER)

  Satan hates the Blessed Virgin Mary. In fact, he has been doing everything in his power to discourage devotion to
Apologetics / Reflections Catholic Church The Sacraments

BINYAG, KASAL, KUMPIL AT IBA PA. BAKIT DAW MAY BAYAD? BY: ADMIN COCO

Sabi ng mga sektang kutya ng kutya sa katoliko sabi nila bakit ang kasal niyo my bayad? binyag my bayad?