Mayo 12, 2024. Dakilang Kapistahan ng Pag-akyat.
MABUTING BALITA
Marcos 16, 15-20
Ang wakas ng Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Noong panahong iyon: Napakita si Hesus sa Labing-isang alagad at sinabi sa kanila, “Humayo kayo sa buong sanlibutan at ipangaral ninyo sa lahat ang Mabuting Balita. Ang sumampalataya at mabinyagan ay maliligtas, ngunit ang hindi sumampalataya ay parurusahan. Ang mga sumasampalataya ay magtataglay ng ganitong tanda ng kapangyarihan: sa pangalan ko’y magpapalayas sila ng mga demonyo at magsasalita ng ibang wika; sila’y hindi maaano dumampot man ng ahas o uminom ng lason; at gagaling ang mga maysakit na mapatungan ng kanilang kamay.”
Pagkatapos magsalita sa kanila, ang Panginoong Hesus ay iniakyat sa langit, at lumuklok sa kanan ng Diyos. Humayo nga ang mga alagad at nangaral sa lahat ng dako. Tinulungan sila ng Panginoon sa gawaing ito. Pinatotohanan niya ang Salitang kanilang ipinangangaral sa pamamagitan ng kapangyarihang gumawa ng himala, na ipinagkaloob niya sa kanila.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pagninilay:
Sa ating ebanghelyo ngayon, umakyat na sa Langit ang Panginoon. Hudyat na ito na paparating na ang Espiritu Santo, ang Patnubay. Ang pagbaba ng Espiritu ng Diyos ay tinatawag din na Pentekostes dahil 50 araw ito matapos ang Muling Pagkabuhay ng Panginoon. Ito rin ang kaarawan ng Simbahan na ipagdiriwang sa susunod na Linggo, sa ika-19 ng Mayo. Ngayon din ay tinaguriang World Communication’s Day. Ipanalangin po natin na ang bawat isang Kristiyano at ang lahat ng mga nagsisilbi lalo sa Simbahan ay maging instrumentong tapaghatid ng Mabuting Balita sa pamamagitan ng kanilang gawa at sariling buhay.
Ano ba ang kinalaman ng pag-akyat ni Hesus sa Langit sa ating buhay? Isa itong paalaala na sa Langit din ang ating huling destinasyon. Marami ang nagsasabi at mismong si Hesus din ay sinabi ito na nasusulat sa Bibliya, na lahat tayo ay may kanya-kanyang krus sa buhay. Dapat natin itong pasanin. Sa pagpasan natin ng mga suliranin sa buhay at sa pag-aalay ng mga ito sa Diyos, nakikiisa tayo sa Kanyang pagpapakasakit at pagkamatay sa Krus. Kapag napagdaanan natin ito, ito naman ay ang karanasan na maihahalintulad sa Muling Pagkabuhay.
Kapag tayo’y patuloy na nagdarasal at nagtitiwala sa Diyos, lumalabas tayo mula sa pagsubok nang mas may karunungan, mas matatag, mas mababa ang loob at mas maingat na huwag nang magkasala o magkamali pa sa hinaharap. Ang ating paghihirap ay maaring maging daan upang tayo’y maging banal at mas mapagmahal.
Sa huli, tulad ni Hesus, hindi man tayo literal na aakyat sa Langit gaya Niya o tulad ni Maria na iniakyat ng Diyos sa Langit dahil sa Kanyang pagkawalang sala, pupunta rin tayo doon.
Dahil ang huling destinasyon pala natin ay Langit, ang buhay naman natin dito sa mundo ay isang paghahanda lamang para doon. Ang paghahandang ito ay tulad din ng ginawa ni Hesus – ang tumulong sa kapwa, mangaral ng Mabuting Balita sa salita at sa gawa, magpatawad, at palaging magmahal. Kung naniniwala tayo at tatandaan natin na hindi dito ang ating permanenteng tahanan, tulad ni Hesus, mas magiging madali sa ating iwananan ang anumang nakakabalakid sa ating tunay na debosyon, pagsunod at pagtugon sa gusto ng Diyos na gawin natin sapagkat wala na tayong kinatatakutang maiwan.
Ang ating mga mata ay nakatuon sa pupuntahang Langit at kung ano ang ating kailangan upang makarating doon. Misyon nating maging tulad ni Hesus, maging mukha ni Hesus sa iba na nagmamahal, nagpapatawad at tumulong nang hindi nanghihingi ng kapalit. Ito ang pagiging tunay na anak ng Diyos na karapatdapat na makamana ng Kaharian ng Diyos sa Langit.
Nawa’y paniwalaan at patuloy nating pagnilayan natin ito. Amen. +
Pagpalain po tayong lahat ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos, at ipagsanggalang nawa Niya tayo laban sa tukso at masasama ngayon at magpakailanman. Amen. +
Pagninilay ni: F.M.M.J.
Pinagmulan ng Pagbasa: Tagalog Mass Readings © Awit at Papuri Communications