Pebrero 25, 2022. Biyernes ng Ika-7 Linggo sa Karaniwang Panahon.
Subscribe to Awit at Papuri Communications Channel
Friday of the Seventh Week in Ordinary Time (Green).
UNANG PAGBASA
Santiago 5, 9-12
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol Santiago
Huwag kayong maghinanakitan, mga kapatid, upang hindi kayo hatulan ng Diyos, sapagkat malapit nang dumating ang Hukom. Mga kapatid, tularan ninyo ang mga propetang nagsalita sa ngalan ng Panginoon. Buong tiyaga silang nagtiis ng kahirapan. Sinasabi nating mapalad ang mga nagtitiyaga at nagtitiis. Narinig na ninyo ang tungkol sa pagtitiis ni Job, at ang ginawa sa kanya ng Panginoon sa bandang huli. Ito’y nagpapakilalang mabuti at mahabagin ang Panginoon.
Ngunit higit sa lahat, mga kapatid, huwag na kayong susumpa kung kayo’y nangangako. Huwag ninyong sabihing, “Saksi ko ang langit,” o “Saksi ko ang lupa,” o ano pa man. Sapat nang sabihin ninyo, “Oo” kung oo at “Hindi” kung hindi, upang hindi kayo hatulan ng Diyos.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 102, 1-2. 3-4. 8-9. 11-12
Ang ating mahabaging D’yos
ay nagmamagandang-loob.
MABUTING BALITA
Marcos 10, 1-12
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Noong panahong iyon, si Hesus ay nagtungo sa lupain ng Judea, at nagtuloy sa ibayo ng Ilog Jordan. Muli siyang pinagkalipumpunan ng mga tao, at tulad ng dati’y nagturo sa kanila.
May mga Pariseong lumapit kay Hesus. Ibig nilang masilo siya kaya’t kanilang tinanong, “Naaayon ba sa Kautusan na hiwalayan ng lalaki ang kanyang asawa?” Tugon niya, “Ano ang utos sa inyo ni Moises?” Sumagot naman sila, “Ipinahintulot ni Moises na hiwalayan ng lalaki ang kanyang asawa matapos bigyan ng kasulatan sa paghihiwalay.” Ngunit sinabi ni Hesus, “Dahil sa katigasan ng inyong ulo kaya niya inilagda ang utos na ito. Subalit sa pasimula pa, nang likhain ng Diyos ang sanlibutan: ‘Nilalang niya silang lalaki at babae. Dahil dito’y iiwan ng lalaki ang kanyang ama at ina, at magsasama sila ng kanyang asawa, at sila’y magiging isa.’ Kaya’t hindi na sila dalawa kundi isa. Ang pinagsama ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng tao.”
Pagdating sa bahay, ang mga alagad naman ang nagtanong kay Hesus tungkol sa bagay na ito. Sinabi niya sa kanila, “Ang sinumang lalaking humiwalay sa kanyang asawa at mag-asawa sa iba ay gumagawa ng masama sa kanyang asawa – siya’y nangangalunya. At ang babaing humiwalay sa kanyang asawa at mag-asawa sa iba ay nangangalunya rin.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pagninilay:
Isang mapagpalang Biyernes po sa ating lahat! Ang diborsyo ay isa sa mga pinakamainit na isyu ngayon sa Pilipinas. Sapagkat may mga nagsasabing dapat na raw itong ipatupad ngayon. Dapat nga ba? Para saan? Malinaw po na malinaw na tutol ang simbahan dito sapagkat ito’y mali. Ang diborsyo ay ibig sabihin daw pinapapawalang bisa ang kasal. Subalit ang kasal, kung ito’y balido ay kahit kailanman hindi maaring mapawalang bisa. Sinabi na ni Jesus na ating Panginoon: “At magsasama sila ng kanyang asawa, at sila’y magiging isa.’ Kaya’t hindi na sila dalawa kundi isa. Ang pinagsama ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng tao.”
Hindi na ba tayo natatakot sa mga Salita ng Diyos? Wala na ba itong halaga sa atin? Baka nakalimutan na mayroong kasalanan at maaring mawala ang buhay na walang hanggan sa atin kung unti-unti nating tatanggalin ang ating Diyos at ang Kanyang salita sa ating buhay. Kung ang isang bagay ay tinututulan ng simbahan, ibig sabihin dahil ito’y talagang makakasama sa atin. Ang simbahan ay ang ating ina, hindi niya sasabihin ang nakakasama sa atin. Ang “annulment” ay nariyan at ito ang aprubadong paraan ng simbahan upang maghiwalay ang ikinasal, ibig sabihin nito’y dahil ang kanilang kasal ay hindi balido simula umpisa. Ito’y dumadaan din sa isang proseso at sa simbahan maging sa batas ay mayroon nito.
Kailangan muna nating humingi ng tulong sa simbahan kung tayo’y nakararanas ng problema. Hindi basta basta ang mga ganitong usapan o desisyon, anuman ang ating maranasan, makakaasa tayo ng tulong mula sa Diyos. tayo lamang ang matigas ang ulo na dahil gusto natin ay gusto na nating gawin nang hindi nagdadasal o kumokonsulta sa Diyos. Nariyan ang Diyos kung gusto nating magpatulong sa Kanya at humingi ng gabay, ngunit kung ayaw natin, nasa atin nang kargado ang ating pagkakasala sapagkat naging matigas ang ating mga ulo at puso kaya’t tinanggihan natin ang tulong ng Diyos na para sa atin kung tayo’y hihingi nito sa Kanya. Amen. +
Pagnilayan natin ito. Amen. +
Pagpalain po tayong lahat ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos, at ipagsanggalang nawa Niya tayo laban sa tukso at masasama ngayon at magpakailanman. Amen. +
Pagninilay ni: F.M.M.J.
Pinagmulan ng Pagbasa: Tagalog Mass Readings © Awit at Papuri Communications http://www.awitatpapuri.com