Bible Catholic Church Catholic Faith Daily Gospel on DCF

ANG MABUTING BALITA AT PAGNINILAY: “Pag-aalay sa Diyos”

Abril 12, 2024. Biyernes sa Ika-2 Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay.

MABUTING BALITA
Juan 6, 1-15

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan

Noong panahong iyon, tumawid si Hesus sa ibayo ng Lawa ng Galilea, na tinatawag ding Lawa ng Tiberias. Sinundan siya ng napakaraming tao sapagkat nakita nila ang mga kababalaghang ginawa niya sa pagpapagaling sa mga maysakit. Umahon si Hesus sa burol kasama ang kanyang mga alagad at naupo roon. Malapit na noon ang Pista ng Paskuwa ng mga Judio. Tumanaw si Hesus, at nakita niyang dumarating ang napakaraming tao. Tinanong siya ni Felipe, “Saan tayo bibili ng tinapay upang makakain ang mga taong ito?” Sinabi niya ito para subukin si Felipe, sapagkat alam ni Hesus ang kanyang gagawin. Sumagot si Felipe, “Kahit na po halagang dalawandaang denaryong tinapay ang bilhin ay di sasapat para makakain nang tigkakaunti ang mga tao.” Sinabi ng isa sa kanyang mga alagad, si Andres na kapatid ni Simon Pedro, “Mayroon po ritong isang batang lalaki na may dalang limang tinapay na sebada at dalawang isda. Ngunit gaano na ito sa ganyang karaming tao?” “Paupuin ninyo sila,” wika ni Hesus. Madamo sa lugar na yaon. Umupo ang lahat – humigit-kumulang sa limang libo ang mga lalaki. Kinuha ni Hesus ang tinapay at matapos magpasalamat sa Diyos ay ipinamahagi sa mga tao; gayun din ang ginawa niya sa isda. Binigyan ang lahat hangga’t sa gusto nila. At nang makakain na sila, sinabi niya sa mga alagad, “Tipunin ninyo ang lumabis para hindi masayang.” Gayun nga ang ginawa nila, at nakapuno sila ng labindalawang bakol.

Nang makita ng mga tao ang kababalaghang ginawa ni Hesus, sinabi nila, “Tunay na ito ang Propetang paririto sa sanlibutan!” Nahalata ni Hesus na lalapit ang mga tao at pilit siyang kukunin upang gawing hari, kaya muli siyang umalis na mag-isa patungo sa kaburulan.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Pagninilay:

Isang mapagpalang Biyernes po sa ating lahat! Ang pananalig ay kailangang matibay at wala dapat itong limitasyon. Minsan o madalas ang tao kapag nagdarasal ay nilalagay ang limitasyon ng tao sa Diyos. Nag-iisip siya ng paraan na sakop lang ng kanyang isipan na may hangganan. Sa pananalig, dapat kahit walang kasiguraduhan at hindi nakikita, patuloy pa rin tayong maniwala. Ganito na nga ang nangyari sa ating ebanghelyo ngayong araw. Walang makain ang mahigit na limang libong katao dahil sa kanilang pagsunod kay Hesus. Si San Felipe ay nabagabag dahil hindi niya alam kung saan sila kukuha ng pagkain dahil naisip niya, napakaraming pera ang kailangan para may maipambili ng kakasya sa kanilang lahat. Si San Andres naman ay nagdala ng batang lalaking may limang tinapay at dalawang isda. Ngunit sa dulo’y nagduda rin siya dahil hindi raw kakasya ang mga iyon para sa kanilang lahat.

Naging sapat ito at sobra pa. Ganito ang nangyayari sa bawat bagay na maiaalay natin sa Diyos gaano man ito kaliit sa ating paningin. Siya ang nagpapala ng mga tao at nagiging maganda at mabuti ang epekto sa marami kahit hindi man natin ito nakikita.

Kung paanong ang bawat bagay na masama ay nagkakaroon ng epektong masama sa marami, ganoon din ang paggawa ng mabuti at pag-aalay sa Diyos. Kahit kakaunting kabutihan ay malaki ang epekto sa iba. Nawa, maging inspirasyon ito para mas magbigay tayo sa Diyos dahil tiyak anumang ibigay natin sa Kanya ay hihigitan pa Niya ang balik dito man o sa kabilang buhay, sa walang hanggan.

Nawa’y paniwalaan at patuloy nating pagnilayan natin ito. Amen. +

Pagpalain po tayong lahat ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos, at ipagsanggalang nawa Niya tayo laban sa tukso at masasama ngayon at magpakailanman. Amen. +
Pagninilay ni: F.M.M.J.

Pinagmulan ng Pagbasa: Tagalog Mass Readings © Awit at Papuri Communication.

Defend The Catholic Faith

About Author

Safeguards have been created to ensure the orthodoxy of the contents of our website. If, despite strictly adhering to the dogmas and magisterial authority of the Church, errors have been pointed out and proven, I will humbly submit to the authority of the Church.

You may also like

Bible Catholic Church Catholic Faith News

WHY THE DEVIL HATES THE BLESSED VIRGIN SO MUCH (AND WHY YOU SHOULD LOVE HER)

  Satan hates the Blessed Virgin Mary. In fact, he has been doing everything in his power to discourage devotion to
Apologetics / Reflections Catholic Church The Sacraments

BINYAG, KASAL, KUMPIL AT IBA PA. BAKIT DAW MAY BAYAD? BY: ADMIN COCO

Sabi ng mga sektang kutya ng kutya sa katoliko sabi nila bakit ang kasal niyo my bayad? binyag my bayad?