Ika-22 ng Disyembre
(Simbang Gabi)
22rd of December (Aguinaldo Mass) (White)
UNANG PAGBASA
Malakias 3, 1-4. 23-24
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Malakias
Narito ang pahayag ng Makapangyarihang Panginoon, “Ipadadala ko ang aking sugo upang ihanda ang daraanan ko. At ang Panginoon na inyong hinahanap ay biglang darating sa kanyang templo. Darating ang pinakahihintay ninyong sugo at ipahahayag ang aking tipan.”
Ngunit sino ang makatatagal pagdating ng araw na iyon? Sino ang makahaharap pag siya’y napakita na? Siya’y parang apoy na nagpapadalisay sa bakal at parang matapang na sabon. Darating siya para humatol at dadalisayin niya ang mga saserdote, tulad ng pagdalisay sa pilak at ginto. Sa gayon, magiging karapat-dapat silang maghandog sa Panginoon, at ang mga handog na dadalhin ng mga taga-Juda at Jerusalem ay magiging kalugud-lugod sa kanya, tulad ng dati. Ngunit bago dumating ang nakahihindik na araw ng Panginoon, isusugo ko sa inyo si Propeta Elias. Muling magkakalapit ang loob ng mga ama’t mga anak. Kung hindi’y mapipilitan akong pumariyan at wasakin ang inyong bayan.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 24, 4bk-5ab. 8-9. 10 at 14
Itaas n’yo ang paningin,
kaligtasa’y dumarating.
MABUTING BALITA
Lucas 1, 57-66
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Dumating ang oras ng panganganak ni Elisabet, at nagluwal siya ng isang sanggol na lalaki. Nabalitaan ng kanyang mga kapitbahay at mga kamag-anak na siya’y pinagpala ng Panginoon, at nakigalak sila sa kanya.
Nang ikawalong araw, dumalo sila sa pagtutuli ng sanggol. Zacarias sana ang ipangangalan sa kanya – gaya ng kanyang ama – ngunit sinabi ng kanyang ina, “Hindi! Juan ang ipangangalan sa kanya.” “Subalit wala isa man sa iyong mga kamag-anak ang may ganyang pangalan,” wika nila. Kaya’t hinudyatan nila ang kanyang ama at itinanong kung ano ang ibig niyang itawag sa sanggol. Humingi siya ng masusulatan at sumulat ng ganito: “Juan ang kanyang pangalan.” At namangha silang lahat. Pagdaka’y nakapagsalita siya at nagpuri sa Diyos. Natakot ang lahat ng kanilang kapit-bahay, anupat naging usap-usapan sa buong kaburulan ng Judea ang mga bagay na ito. Pinakaisip-isip ito ng lahat ng nakaalam at ang kanilang tanong: “Magiging ano nga kaya ang batang ito?” Sapagkat maliwanag na sumasakanya ang Panginoon.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pagninilay:
Isang mapagpalang Miyerkules po sa ating lahat! Ngayon, sa ikapitong araw ng ating Simbang Gabi, narinig o nabasa natin ang “Magnificat” o ang awit ni Maria. Ang kanyang puso ay nagagalak sa Diyos. Ang pusong puno ng Diyos ay puno ng kagalakan. Hindi ito mabibili ng kahit ano sa mundo. Kumusta ang paghahanda natin para sa Pasko sa ngayon? Ang espirituwal na paghahanda ang pinakamahalaga sa lahat upang tayo ay maging katulad ni Maria. Inihain ni Maria ang sarili sa Diyos upang matanggap niya ang Anak ng Diyos sa kanyang sinapupunan. Ibinigay niya ang lahat sa Diyos. Ibinigay niya sa Kanya ang kanyang “oo”, ang kanyang kaluluwa, puso, katawan, isip, at espiritu. Lahat ng kanya ay pag-aari ng Diyos. Hindi ba dapat ganoon din ang gawin at ialay natin? Ito ay sapagkat tayo ay tunay na pag-aari ng Diyos. Tayo ay Kanyang mga anak at mga tagapagmana ng Kanyang Kaharian. Gayunpaman, dapat tayong maging bukas na tanggapin ang napakalaking regalong ito. Gagawin natin ang kailangan para matanggap si Kristo nang buo at ang kaligtasang iniaalok Niya sa atin. Ang dapat nating ibigay ay ang pusong puno ng pag-ibig, at hindi kalahati, sa Diyos. Ito ang ninanais ng Diyos sa atin – isang pusong lubos na nagmamahal sa Kanya tulad ng ating Inang si Maria. Ito ay hindi isang puso na nahahati sa pagitan ng pag-ibig sa Diyos at pag-ibig sa mundo sapagkat kung mahal natin ang mundo, hindi natin masasabing mahal natin ang Diyos nang buo.
Ang pagmamahal sa Diyos ay nagangahulugan ng pagtakwil sa mundo at ang lahat ng pamamaraan nito, ang mga nauuso, at panandaliang kasiyahan mula rito. Sa katulad na paraan, ang pagmamahal sa mundo ay nangangahulugan na hindi natin kayang ibigay ang ating sarili nang buo sa Diyos dahil ang mensahe ng mundo ay para lamang sa ating sarili at makamundong katuwaan. Kung hindi tayo magdadasal at hindi mag-iingat, napakadali tayong sumang-ayon sa mundo na laging nagsasabing, “Karapat dapat ako”. Ang sabi ng mundo ay ikaw ang “boss” sapagkat ang espiritu ng mundo ay nagsasaad na ikaw ang namamahala sa iyong mundo, at upang maging masaya, dapat kang sumunod sa mga uso. Ngunit ang lahat ng ito ay malayo sa katotohanan dahil maaari lamang tayong maging tunay na masaya kung tayo ay magpapakumbaba tulad ni Maria na walang iba sa kanyang buhay kundi si Kristo. Ang ating Panginoon ay higit pa sa sapat. Si Kristo ang tanging tunay na pinagmumulan ng ating pagpapala, kasiyahan, kagalakan, kapayapaan, at kalooban na hindi maibibigay ng mundo.
Ang nakatagong kayamanan na ito ay nakalaan para sa mga taong nagugutom, mahirap, may kakulangan at umaasa lamang sa Diyos. Ang Diyos ay ang kanilang natatanging kayamanan. Tinitingnan din sila ng Diyos bilang Kanyang mahalagang pag-aari dahil pinahahalagahan Niya lalo ang mga mahihina, iniwan at ang mga nasa kahirapan. Nawa’y mahalin natin ang Diyos nang buong puso, nang buong pagkatao natin at lahat ng mayroon tayo. Ipagdasal natin na bigyan tayo ng Diyos ng biyaya na maging matapang sa ating pakikipaglaban sa mundo o sa ating mga kahinaan. Itataas tayo ng Diyos mula sa ating mga pagdurusa sa tamang panahon ayon sa Kanyang kalooban kung tayo ay magtitiwala sa Kanya nang lubusan hanggang sa wakas. Amen. +
Pagnilayan natin ito. Amen. +
Pagpalain po tayong lahat ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos, at ipagsanggalang nawa Niya tayo laban sa tukso at masasama ngayon at magpakailanman. Amen. +
Pagninilay ni: F.M.M.J.
Pagsasalin ni: C.J.T.
Pinagmulan ng Pagbasa: Tagalog Mass Readings © Awit at Papuri Communications http://www.awitatpapuri.com