Agosto 27, 2024. Paggunita kay Santa Monica
MABUTING BALITA
Mateo 23, 23-26
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus, “Sa aba ninyo, mga eskriba at mga Pariseo! Mga mapagpaimbabaw! Ibinibigay ninyo ang ikapu ng gulaying walang halaga ngunit kinaliligtaan ninyong isagawa ang lalong mahahalagang aral sa Kautusan: ang katarungan, ang pagkahabag, at ang katapatan. Tamang gawin ninyo ang mga ito, ngunit huwag naman ninyo kaliligtaang gawin ang iba. Mga bulag na taga-akay! Sinasala ninyo ang niknik sa inyong inumin, ngunit nilulunok ninyo ang kamelyo!
“Sa aba ninyo, mga eskriba at mga Pariseo! Mga mapagpaimbabaw! Nililinis ninyo ang labas ng tasa at ng pinggan ngunit ang loob nito’y puno ng mga nahuthot ninyo dahil sa kasakiman at pagsasamantala. Bulag na Pariseo! Linisin mo muna ang mga nasa loob ng tasa at ng pinggan, at magiging malinis din ang labas nito!”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pagninilay:
Kung tayo’y tunay na mabuti mula sa loob, ito’y kusang lilitaw at lalabas kahit hindi natin naisin. Kapag tunay ding maganda ang ating kalooban, mawawala na sa ating hinagap na ipangalandakan pa ito sa iba. Sapagkat ang puno, dulo at sentro na ng ating pagkatao ay ang Diyos. Wala na tayong hahanaping hindi kailangan kung hinahayaan nating Diyos ang magpuno sa atin. Hindi na mahalaga kahit maging sikat tayo o maganda sa mata ng iba dahil nakita mo na ang tunay na hinahanap ng iyong puso – ang Diyos. Kung ang ating puso ay tila nauuhaw pa sa ibang bagay, partikular na ang pagtatangi ng iba, tingnan natin ang ating sarili kung saan tayo may sugat upang hilumin ito ng Diyos. Maaari nating ialay ang mga mithiing ito sa Diyos para Siya ang tutugon. Ito’y nang sa gayon, wala na tayong hahanapin pa. Buong buo nating maibibigay ang sarili natin sa Diyos sa pagsisilbi sa Kanya at doon tayo pinakamagiging masaya.
Si Santa Monica ay ang ina ni San Agustin, isa sa mga ama ng Simbahan dahil sa katuruan nito na humubog sa ating pananampalataya. Sa kabila nito, nagsimula si San Agustin bilang isang malubhang makasalanang kung anu-ano ang pinaniwalaan liban sa pananampalatayang Katoliko. Subalit hindi sumuko si Santa Monica sa pag-aaalay ng panalangin sa Diyos araw at gabi. Ito lang sa kanya ay sapat na at nakuha niya ang kanyang hinihiling kinalaunan at higit pa. Kung tayo’y nasa Diyos, magsakripisyo man tayo ay hindi tayo mawawalan. Doon pa tayo mas magkakaroon.
Nawa’y paniwalaan at patuloy nating pagnilayan natin ito. Amen. +
Pagpalain po tayong lahat ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos, at ipagsanggalang nawa Niya tayo laban sa tukso at masasama
at magpakailanman. Amen. +
Pagninilay ni: F.M.M.J
Pinagmulan ng Pagbasa: Tagalog Mass Readings © Awit at Papuri Communications