Bible Catholic Church Catholic Faith Christian Daily Gospel on DCF

ANG MABUTING BALITA AT PAGNINILAY: “Luwalhati ng Diyos”

Agosto 6, 2021. Kapistahan ng Pagliliwanag sa Bagong Anyo ng Panginoon.

Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel.

Feast of the Transfiguration of the Lord (White).

UNANG PAGBASA
Daniel 7, 9-10. 13-14
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Daniel
Habang ako’y nakatingin, may naglagay ng mga trono. Naupo sa isa sa mga ito ang isang nabubuhay magpakailanman. Kumikinang sa kaputian ang kanyang kasuotan at parang lantay na lana ang kanyang buhok. Ang trono niya’y nagniningning. Ang mga gulong nito ay apoy na nagliliyab. Waring agos ng tubig ang apoy na bumubuga mula sa trono. Ang naglilingkod sa kanya’y isang milyon bukod pa sa milyon-milyong nakaantabay. Humanda na siya sa paggagawad ng hatol at binuksan ang mga aklat. Patuloy ang aking pangitain. Ang nakita ko naman ay isang tila taong nakasakay sa ulap. Bumaba ito at lumapit sa nabubuhay magpakailanman. Binigyan siya ng kapamahalaan, ng karangalan at ng kaharian. Siya ay paglilingkuran ng lahat ng tao, bansa at wika. Ang pamamahala niya ay di matatapos, at di babawiin, at hindi mawawasak ang kanyang kaharian.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 96, 1-2. 5-6. 9
Panginoo’y maghahari,
lakas n’ya’y mananatili.

IKALAWANG PAGBASA
2 Pedro 1, 16-19
Pagbasa mula sa ikalawang sulat ni Apostol San Pedro

Mga pinakamamahal, ang ipinahayag namin sa inyo tungkol sa muling pagparito ng ating Panginoong Hesukristo, na puspos ng kapangyarihan, ay hindi sa mga alamat na katha lamang ng tao. Nasaksihan namin ang kanyang kadakilaan nang ipagkaloob sa kanya ng Diyos Ama ang karangalan at kapurihan. Ito’y nangyari nang marinig ang tinig mula sa Dakilang Kaluwalhatian ng langit. “Ito ang pinakamamahal kong Anak; siya ang lubos kong kinalulugdan.” Narinig namin ito sapagkat kami’y kasama niya sa banal na bundok.
Kaya naman lalong tumibay ang aming paniniwala sa ipinahayag ng mga propeta. Makabubuting ito’y pag-ukulan ninyo ng pansin, sapagkat ang nakakatulad nito ay isang ilaw sa karimlan na tumatanglaw sa inyo hanggang sa mamanaag ang Araw ng Panginoon at ang sinag ng tala ng umaga’y maglagos sa inyong puso.
Ang Salita ng Diyos.

MABUTING BALITA
Marcos 9, 2-10
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos

Noong panahong iyon, umakyat si Hesus sa isang mataas na bundok. Wala siyang isinama kundi sina Pedro, Santiago at Juan. Samantalang sila’y naroon, nakita nilang nagbagong-anyo si Hesus, nagningning ang kanyang kasuotan na naging puting-puti, anupat walang sinumang makapagpapaputi nang gayun. At nakita ng tatlong alagad si Moises at si Elias, na nakikipag-usap kay Hesus. Sinabi ni Pedro kay Hesus, “Guro, mabuti pa’y dumito na tayo. Gagawa po kami ng tatlong kubol: isa sa inyo, isa kay Moises at isa kay Elias.” Hindi nalalaman ni Pedro ang kanyang sinasabi sapagkat masyado ang takot niya at ng kanyang mga kasama.

At nililiman sila ng isang alapaap at mula rito’y may tinig na nagsabi, “Ito ang minamahal kong Anak. Pakinggan ninyo siya!” Pagdaka, tumingin ang mga alagad sa paligid nila at nakitang wala na silang kasama roon kundi si Hesus.
Habang bumababa sila sa bundok ay mahigpit na itinagubilin sa kanila ni Hesus: “Huwag ninyong sasabihin kaninuman ang inyong nakita hangga’t hindi muling nabubuhay ang Anak ng Tao.” Sinunod nila ang tagubiling ito, ngunit sila-sila’y nagtanungan kung ano ang kahulugan ng sinabi niyang muling pagkabuhay.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Pagninilay:

Maligayang Kapistahan po ng Pagliliwanag sa Bagong Anyo ng Panginoon! Happy Feast of the Transfiguration of our Lord Jesus Christ! Bakit nga po ba ito niloob ng Diyos na mangyari? Sapagkat noong mga panahon na iyon ay malapit na ang pagpapakasakit at pagkamatay ni Jesus. Niloob Niya ito upang palakasin ang loob ng mga alagad at maniwala sila kapag dumating ang araw na yaon na susubukin na ang kanilang pananampalataya. Kaya nga nabanggit ni Jesus ang muling pagkabuhay ng “Anak ng Tao” na walang iba kung hindi ang ating Panginoong Jesu Cristo. Nagpakita ang Diyos ng Kanyang buong luwalhati subalit hindi pa iyon para makita ng pangmatagalan. Sapagkat naririto pa tayo sa lupa. Hindi dito ang permanenteng tirahan nating mga anak ng Diyos kung hindi sa langit. Kaya naman, gustuhin man ni Pedro na patagalin ang paglalagi roon maging ng mga dakilang propeta ng Diyos na sina Moses at Elijah, ay hindi sila magtatagal. Babalik at babalik si Jesus sa anyo na nakikita nila araw-araw at tago ang luwalhati.

Tayo rin mga kapatid, sa ating buhay, may mga pagkakataon ba na nakikita natin at nadarama ang Diyos sa isang pagkakataon? Iyong isang pangyayari sa ating buhay na tila ba isang himala? Iyong isang tao na nagbigay sa atin ng kayapaan o pag-asa na alam nating instrumento ng Diyos? Ito ang mga pagkakataon na tayo rin ay nakararanas ng parehong karanasan gaya nila Pedro, Juan at Santiago. Hindi man ganung-ganon ay nagpapakita rin ang Panginoon sa atin at ang Kanyang luwalhati sa mga ganitong pagkakataon at dito tayo ay nakararanas na masinagan ng Kanyang liwanag at ito ay totoo.
Subalit ang reyalidad din naman ay kinakailangan tayong magbuhat ng krus sa pang-araw araw.

Ang katotohanan ng buhay ay sakripisyo. Subalit ang sakripisyong ito kung kasama natin ang Diyos, at kung iniaalay natin sa Kanya ang anumang gawain maging pag-aaral, negosyo, pagtitinda, at mga trabaho sa bahay gaya ng pagluluto at paglalaba, ay magiging mabunga at masagana. Ito ay kalugud-lugod sa Panginoon. Samahan natin ng panalangin kahit simpleng gawain, anuman ito. Magiging payapa ang ating buhay anuman ang dumating sapagkat kasama natin ang Diyos lagi. Bawat paghihirap, bawat Krus na dinadala kasama ni Jesus ay makakapagdala sa atin at sa ibang tao sa buhay na walang hanggan. Kaya naman, tandaan natin mga kapatid na ang pakay ng “Transfiguration” o pagliliwanag sa bagong anyo ni Jesus ay upang mas magkaroon tayo ng lakas ng loob na buhatin ang ating Krus araw-araw.

Hindi laging ang panahon ay masasaya, madali at masagana. Gaya ngayon, may mga pagkakataong talagang susubukin tayo ng panahon. Subalit ang mahalaga ay aalahanin natin si Jesus na suminag ang liwanag sa bagong anyo, at si Jesus na muling nabuhay para sa atin. Pinapakita Niya ito maging sa atin hanggang ngayon upang lumakas ang ating loob sa gitna ng mga pagsubok sa buhay. Makinig tayo sa Kanya at kumapit lamang sa Kanya. Mula sa Kanya ang ating pag-asa at paniniwalang matibay at nagtatagal. Patatagin nawa tayo ng Diyos at humingi sa Kanya ng lakas. Maniwala nawa tayong tayo rin ay makakaalpas sa mga problema kasama Niya.

Ang mga problema ay dumaraan, lumilipas at natatapos. Subalit ang pag-ibig ng Diyos at ang Kanyang awa ay habambuhay at walang hanggan. Basta’t gustuhin natin, paniwalaan natin, at hingiin natin ang ating pangangailangan mula sa Kanya, ay makakasumpong tayo lagi ng tulong, biyaya at grasya na may kalakip na pagmamahal ng ating Panginoong Diyos. Ang Kanyang pag-ibig at awa para sa atin sa kabila ng ating naggawa sa Kanya ay hindi natatapos o nauubos. Amen. +

Pagnilayan natin ito. Amen. +
Pagpalain po tayong lahat ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos, at ipagsanggalang nawa Niya tayo laban sa tukso at masasama ngayon at magpakailanman. Amen. +

Pagninilay ni: Margarita de Jesus
Pinagmulan ng Pagbasa: Tagalog Mass Readings © Awit at Papuri Communications www.awitatpapuri.com

Defend The Catholic Faith

About Author

Safeguards have been created to ensure the orthodoxy of the contents of our website. If, despite strictly adhering to the dogmas and magisterial authority of the Church, errors have been pointed out and proven, I will humbly submit to the authority of the Church.

You may also like

Bible Catholic Church Catholic Faith News

WHY THE DEVIL HATES THE BLESSED VIRGIN SO MUCH (AND WHY YOU SHOULD LOVE HER)

  Satan hates the Blessed Virgin Mary. In fact, he has been doing everything in his power to discourage devotion to
Apologetics / Reflections Catholic Church The Sacraments

BINYAG, KASAL, KUMPIL AT IBA PA. BAKIT DAW MAY BAYAD? BY: ADMIN COCO

Sabi ng mga sektang kutya ng kutya sa katoliko sabi nila bakit ang kasal niyo my bayad? binyag my bayad?