Nobyembre 24, 2024. Dakilang Kapistahan ng Pagkahari ng Panginoong Hesukristo sa Sanlibutan (B)
MABUTING BALITA
Juan 18, 33b-37
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Noong panahong iyon, itinanong ni Pilato kay Hesus, “Ikaw ba ang Hari ng mga Judio?’ Sumagot si Hesus, “Iyan ba’y galing sa inyong sariling isipan, o may nagsabi sa inyo?” “Ako ba’y Judio?” tanong ni Pilato. “Ang mga kababayan mo at ang mga punong saserdote ang nagdala sa iyo rito. Ano ba ang ginawa mo?” Sumagot si Hesus, “Ang kaharian ko’y hindi sa sanlibutang ito. Kung sa sanlibutang ito ang aking kaharian, ipinakipaglaban sana ako ng aking mga tauhan at hindi naipagkanulo sa mga Judio. Ngunit hindi sa sanlibutang ito ang aking kaharian!” “Kung gayon, isa kang hari?” sabi ni Pilato. Sumagot si Hesus, “Kayo na ang nagsasabing ako’y hari. Ito ang dahilan kung bakit ako ipinanganak at naparito sa sanlibutan: upang magsalita tungkol sa katotohanan. Nakikinig sa aking tinig ang sinumang nasa katotohanan.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pagninilay:
“Ang kaharian ko’y hindi sa sanlibutang ito.” Ito ang isa sa mga katagang sinambit ni Hesus habang Siya’y tinatanong ni Pilato bago Siya mahatulan. Isa rin itong bagay na dapat nating tandaan. Una, ang Kaharian ng Diyos ay hindi isang pisikal na lugar dito sa lupa na matatagpuan sa isang perpektong siyudad o perpektong bansa dahil wala nito. Naroroon ang Kaharian ng Diyos kung saan naghahari ang Kanyang pag-ibig, hustisiya at kapayapaan. Ngunit narito ang ikalawa, ang katotohanan na maraming kahinaan at kasalanan ang tao kaya hindi laging sinusunod ang Diyos. Sa mga ganitong pagkakataon na ang masama ang tila nagwawagi, hindi doon magtatapos ang lahat sapagkat mayroong hustisya ang Diyos. Diyos pa rin ang magwawagi sa huli. Diyos ang Hari.
Mayroon pa tayong inaasahan sa susunod na buhay at hindi lamang dito sa mundo napapako ang ating buhay. Darating ang panahon ng paghuhusga na ang mga masasama ay hahatulan at ang mga mabubuti ay makakasama ng Diyos. Kailangan ng ating panalangin para ang mga tao ay magbago at kailangan din nating ihanda ang ating mga sarili sa darating na wakas ng ating buhay at sa pagtatapos ng mundo dahil mayroon tayong paghuhusgang daraanan. Suriin natin ang sarili. Ginawa kaya natin ang lahat ng ating makakaya upang ipalaganap ang paghahari ng Diyos? Ibig sabihin nito’y pagpapakain sa mga nagugutom, pagbibigay sa mga walang wala, pagtatanggol sa mga mahihina, pagmamahal sa kaaway at pagkikipagkasundo tuwing may pagkakabaha-bahagi? Bilang mga anak ng Diyos, ito’y ating responsibilidad na magagawa lamang natin sa tulong ng Diyos. Amen. +
Pagninilay ni: F.M.M.J.
Pinagmulan ng Pagbasa: Tagalog Mass Readings © Awit at Papuri Communications