Abril 13, 2024. Sabado sa Ika-2 Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay
o kaya Paggunita kay San Martin I, papa at martir.
MABUTING BALITA
Juan 6, 16-21
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Nang nagtatakipsilim na, ang mga alagad ay pumunta sa tabi ng lawa, sumakay sa bangka, patawid sa Capernaum. Madilim na’y wala pa si Hesus. Lumakas ang hangin at lumaki ang alon. Nang makagaod sila nang mga lima o anim na kilometro, nakita nila si Hesus na lumalakad sa ibabaw ng tubig, palapit sa bangka. At sila’y natakot. Ngunit sinabi niya sa kanila, “Huwag kayong matakot. Ako ito!” Tuwang-tuwa nilang pinasakay si Hesus sa bangka; at pagdaka’y sumadsad ang bangka sa kanilang patutunguhan.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pagninilay:
Isang mapagpalang Sabado po sa ating lahat! Madalas na hinahanap ng tao ang Diyos kapag siya’y mayroong pinagdaraanan. Madalas din, dahil sa laki ng suliranin, tila nahihirapan ang taong makita ang Diyos dahil doon na nakatuon ang kanyang pansin sa problema. Subalit ang Diyos ay laging naroroon.
Natunghayan natin ang Panginoon na lumalakad sa ibabaw ng tubig sa ating ebanghelyo. Natakot ang mga alagad dahil hindi nila ito naunawaan subalit pinapakita ng Diyos ang Kanyang kapangyarihan. Siya’y nasa ibabaw ng dagat ng ating problema at hinanakit sa buhay.
Hindi dapat tayo matakot kung naniniwala tayong kasama natin ang Diyos at Siya ang bahala sa atin. Malalabanan natin ang takot, duda at pangamba sa pamamagitan ng pananalangin. Sa ating palagiang pagsisimba, pananalangin at kumpisal, madali nating makikita ang Diyos dahil nililinis nito ang mata ng ating kaluluwa upang makita Siya.
Tulad ng ginawa ng mga alagad, anyayahan din natin si Hesus sa bangka ng ating buhay. Patuluyin natin Siya sa ating puso at mahalin nang lubos nang tayo’y makarating kung saan dapat tayo naroroon, sa plano ng Diyos para sa ating buhay. Iyon ang mabuti at pinakamainam para sa atin – ang madiskubre at maipangyari ito ang mahalaga.
Nawa’y paniwalaan at patuloy nating pagnilayan natin ito. Amen. +
Pagpalain po tayong lahat ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos, at ipagsanggalang nawa Niya tayo laban sa tukso at masasama ngayon at magpakailanman. Amen. +
Pagninilay ni: F.M.M.J.
Pinagmulan ng Pagbasa: Tagalog Mass Readings © Awit at Papuri Communications