Abril 26, 2024. Biyernes sa Ika-4 na Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay.
MABUTING BALITA
Juan 14, 1-6
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, “Huwag kayong mabalisa; manalig kayo sa Diyos at manalig din kayo sa akin. Sa bahay ng aking Ama ay maraming silid; kung hindi gayun, sinabi ko na sana sa inyo. At paroroon ako upang ipaghanda ko kayo ng matitirhan. Kapag naroroon na ako at naipaghanda na kayo ng matitirhan, babalik ako at isasama kayo sa kinaroroonan ko. At alam na ninyo ang daan patungo sa pupuntahan ko.” Sinabi sa kanya ni Tomas, “Panginoon, hindi po namin alam kung saan kayo pupunta, paano naming malalaman ang daan?” Sumagot si Hesus, “Ako ang daan, ang katotohanan, at ang buhay. Walang makapupunta sa Ama kundi sa pamamagitan ko.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pagninilay:
Isang mapagpalang Biyernes po sa ating lahat! Ang Panginoong Hesus ang Daan, Katotohanan at Buhay. Malamang ay narinig na po natin ito ng mga ilang beses subalit lagi pa rin itong magandang pagnilayan ngayon dahil may bagong mensahe ang Diyos kada pagninilay. Marami ang mga nagsilabasang sila raw ang propeta at mga sinugo ng Diyos ngunit kung ang tinuturo at iniaangat nila ay ang kanilang sarili hindi ang Diyos, ito’y walang kabuluhan. Ibig sabihin, hindi totoo ang sinasabi nila. Sa lahat ng tao, walang sinuman ang maaring magsabi na siya ang daan, katotohanan at buhay. Diyos lang ang maaring makapagsabi nito.
Si Hesus ay ang ating Daan dahil Siya ang tagapamagitan natin sa Ama. Siya ang ating “Kuya” o nakatatandang kapatid, ang bagong Adan na perpekto na nagbabalik sa ating mga nawawala sa Ama. Ang mga santo at ang mga banal ay dumaan din sa Kanya kaya nakapunta sa Ama at nakarating sa Langit. Tayo rin ay magiging banal sa pamamagitan lamang ng pakikinig ng Kanyang salita at pagsasabuhay nito. Kung ano ang sinabi ni Hesus sa Bibliya at tinuturo ng Simbahang Kanyang itinatag, iyon ang kailangan nating gawin upang makabalik sa Ama.
Kung marami na tayong iba’t ibang kaalaman sa mundo, bakit hindi natin sikaping aralin ang mga utos ng Diyos nang makamit natin ang buhay na walang hanggan?
Si Hesus ang Katotohanan. Iisa lamang ito. Ang Kanyang Simbahang itinatag, ang Simbahang Katolika, ang nag-iingat ng yaman na ito. Siya ang bumuo ng Bibliya bago ito kunin, bawasan at gamitin ng iba. Kumpara sa mga sektang gumagamit nito, ang Simbahang Katoliko ang may hawak ng buong katotohanan. Siya ang tunay na may awtoridad upang ituro kung ano ang tunay na ibig sabihin ng mga sinasabi sa Banal na Kasulatan dahil sa Kanya ito nagmula. Walang nasusulat sa mismong Bibliya na naparito si Hesus para sumulat ng Bibliya.
Nakalagay doon kung paano Niya sinimulan ang Simbahan ayon sa mga testigo na pawang mga Katoliko. Ang mga ibang relihiyong hindi Katoliko na nagsasabing sila raw ay Kristiyano ay may iba’t ibang tagapagtatag, bunga ng paghihimagsik at pag-alis sa simbahan gamit ang sariling katuruan, hindi ng Diyos. Ang mga apostol ay pawang mga obispo. Si San Pedro ang unang santo papa na sinundan mapagsahanggang ngayon ni Papa Francisco, mula pa noong una.
Si Hesus ang Buhay. Sa Kanya galing ang lahat ng ating buhay. Ang Ama ay lumikha sa pamamagitan ni Hesus na Kanyang Salita. Siya rin ang ating buhay na walang hanggan. Sa Kanya rin natin matatagpuan ang ganap at masaganang buhay dito sa lupa. Tungkulin nating idiskubre ang plano ng Diyos sa buhay natin at magawa ito. Kaya maraming mga taong nalulungkot ay dahil hindi nila alam ang plano ng Diyos sa kanilang buhay at tuluyang napapariwara ng landas.
Kung isa tayo sa mga taong nakasusunod sa Diyos, at may relasyon sa Kanya, tungkulin nating akayin ang mga taong ito pabalik kay Hesus. Kung isa naman tayo sa mga taong nalilito, subukan nating manalangin nang manalangin at lumapit sa Diyos nang taos-puso. Tiyak, hindi Niya tayo tatanggihan. Pakakalmahin Niya ang ating balisang puso at higit sa lahat, ipapakilala Niya ang Kanyang sarili sa atin. Nawa’y maging handa rin tayong makilala Siya sa pamamagitan din ng Kanyang grasya. Amen.
Nawa’y paniwalaan at patuloy nating pagnilayan natin ito. Amen. +
Pagpalain po tayong lahat ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos, at ipagsanggalang nawa Niya tayo laban sa tukso at masasama ngayon at magpakailanman. Amen. +
Pagninilay ni: F.M.M.J.
Pinagmulan ng Pagbasa: Tagalog Mass Readings © Awit at Papuri Communications