Mayo 5, 2023. Biyernes sa Ika-4 na Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay.
MABUTING BALITA
Juan 14, 1-6
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, “Huwag kayong mabalisa; manalig kayo sa Diyos at manalig din kayo sa akin. Sa bahay ng aking Ama ay maraming silid; kung hindi gayon, sinabi ko na sana sa inyo. At paroroon ako upang ipaghanda ko kayo ng matitirhan. Kapag naroroon na ako at naipaghanda na kayo ng matitirhan, babalik ako at isasama kayo sa kinaroroonan ko. At alam na ninyo ang daan patungo sa pupuntahan ko.” Sinabi sa kanya ni Tomas, “Panginoon, hindi po namin alam kung saan kayo pupunta, paano naming malalaman ang daan?” Sumagot si Hesus, “Ako ang daan, ang katotohanan, at ang buhay. Walang makapupunta sa Ama kundi sa pamamagitan ko.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pagninilay:
Isang mapagpalang Unang Biyernes po sa lahat! Ang sabi ng Panginoong Hesus, “Huwag kayong mabalisa…manalig kayo sa Akin.”
Mas madali sa ating mag-alala kaysa manalig. Mas madaling magduda kaysa umasa. Masakit kapag tayo’y nabibigo kaya madalas mas gusto na natin yung “advanced” na yung sakit para hindi na masaktan pa kapag umasa ngunit mali ito. Ang sinumang umasa sa Diyos ay hindi kailanman mabibigo. Iba ang Diyos, iba ang tao. Ang tao ay maraming kahinaan at maraming pangyayaring maaring makahatak sa kanya para hindi magawa ang pangako.
Ang Diyos ay walang kahinaan. Nasa Kanya ang lahat ng kapangyarihan, subalit maraming beses na hinahayaan Niyang tayo’y masubok upang maging mas malinis ang ating puso at hangarin sa Kanya.
Para sa mga nagmamahal sa Diyos, ang pagsubok ay hindi para masira ang pagkatao at buhay subalit para mas tumibay pa ang kanyang pananalig. Ang sandata natin ay pananalangin at tiwala sa Diyos. Ang pananalangin ng walang tiwala ay parang hindi na rin panalangin ngunit panunubok sa Diyos. Huwag tayong maging ganito at kung maliit man ang ating pananalig, sa Diyos mismo tayo humingi upang dagdagan ito. Tandaan natin, si Hesus ang Daan, ang Katotohanan at ang Buhay. Tuwing tila walang pag-asa, sa Diyos lamang tayo makakahanap ng paraan.
Walang imposible sa Kanya. Tuwing nalilito, sa Diyos lamang tayo makakahingi ng sagot na tunay at totoo talaga, malinaw at klaro kahit pa hindi ito ang sinasabing katotohanan ng ibang tao. Nariyan ang Bibliya at mga katuruan ng Simbahan upang gabayan tayo, bukod pa sa ating sariling mga konsensiya. Siya ang ating Buhay. Hindi ang materyal na bagay o trabaho. Lahat ito’y ikalawa lang sa Kanya. Ang pagiging tunay na masaya at payapa sa buhay ay hindi maibibigay ng pera na panandalian lamang subalit ng tunay na presensiya ng Diyos sa ating buhay dahil sinusunod natin Siya at ang Kanyang mga utos.
Nawa’y patuloy nating pagnilayan ito. Amen. +
Tamang Pananamit sa Simbahan: https://bit.ly/3JNVrWM
Pagpalain po tayong lahat ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos, at ipagsanggalang nawa Niya tayo laban sa tukso at masasama ngayon at magpakailanman. Amen. +
Pagninilay ni: F.M.M.J.
Pinagmulan ng Pagbasa: Tagalog Mass Readings © Awit at Papuri Communications