Oktubre 16, 2024. Miyerkules ng Ika-28 Linggo sa Karaniwang Panahon (II)
o kaya Paggunita kay Santa Eduvigis (Heidi), namanata sa Diyos
o kaya Paggunita kay Santa Margarita Maria Alacoque, dalaga
MABUTING BALITA
Lucas 11, 42-46
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus, “Kawawa kayo, mga Pariseo! Ibinibigay niyo ang ikapu ng yerbabuena, ng ruda, at ng iba pang gulayin, ngunit kinaliligtaan ninyo ang katarungan at ang pag-ibig sa Diyos. Tamang gawin ninyo ito ngunit huwag naman ninyo kaliligtaang gawin ang mga iba.
“Kawawa kayo, mga Pariseo! Sapagkat ang ibig ninyo’y ang mga tanging luklukan sa mga sinagoga, at ang pagpugayan kayo sa mga liwasang bayan. Sa aba ninyo! Sapagkat para kayong mga libingang walang tanda, at nalalakaran ng mga tao nang hindi nila nalalaman.”
Sinabi sa kanya ng isa sa mga dalubhasa sa Kautusan, “Guro, sa sinabi mong iyan pati kami’y kinukutya mo.” At sinagot siya ni Hesus, “Kawawa rin kayo mga dalubhasa sa Kautusan! Sapagkat ipinapapasan ninyo sa mga tao ang mabibigat na dalahin, ngunit ni daliri’y ayaw ninyong igalaw sa pagdadala ng mga iyon.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pagninilay:
Kung tayo’y gagawa ng mabuti, hindi dapat sa kung anong dahilan tulad ng gusto nating mapalakpakan o mapasalamatan. Hindi rin para sa takot o sa gantimpala. Gagawin natin ito dahil minamahal natin ang Diyos at dahil din minahal muna Niya tayo. Nakatanggap na tayo kaya dapat lang na tayo ay maging mabuti nang walang hinihinging kapalit. Ang mga Pariseo at mga relihiyoso noong panahon ni Hesus ay magaling sa pagsunod sa batas. Dahil dito, mataas ang tingin ng mga tao sa kanila. Subalit sa kanilang kalooban na Diyos lamang ang nakakakita, hindi sila karapatdapat. Hindi sila mabuti dahil ang kalooban ang tinitingnan ng Diyos taliwas sa taong sapat na sa nakikita sa labas.
Subalit kahit maging maganda ang ating panlabas na anyo, hindi ito ang makapagdadala sa atin sa buhay na walang hanggan. Maaring maging masaya tayo sumandali ngunit lilipas nga agad ang tuwang ito dahil hindi ito ang punto ng buhay. Ang sinumang sikaping maging malinis ang kanyang kalooban ay ang taong magiging tunay na masaya, payapa at kontento sa buhay. Ginawa ang ating puso upang maging tulad ng sa Kamahal-mahalang Puso ni Hesus. Hindi upang maging makamundo at mapagkunwari. Amen. +
Pagpalain po tayong lahat ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos, at ipagsanggalang nawa Niya tayo laban sa tukso at masasama at magpakailanman. Amen. +
Pagninilay ni: FMMJ
Pinagmulan ng Pagbasa: Tagalog Mass Readings © Awit at Papuri Communications