Nobyembre 18, 2021. Huwebes ng Ika-33 Linggo sa Karaniwang Panahon
o kaya Patatalaga sa mga Palasyong Simbahan nina Apostol San Pedro at San Pablo sa Roma.
Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel.
Thursday of the Thirty-third Week in Ordinary Time (Green)
or Optional Memorial of the Dedication of the Basilicas of Sts. Peter and Paul, Apostles (White).
UNANG PAGBASA
1 Macabeo 2, 15-29
Pagbasa mula sa unang aklat ng Macabeo
Noong mga araw na iyon, ang mga kanang kamay ng hari na inatasang pilitin ang mga taong sumamba sa mga diyus-diyusan at nagtungo sa lungsod ng Modin upang utusan ang mga tagaroon na maghandog sa mga dambanang pagano. Maraming Israelita ang lumapit at nagtipun-tipon sa paligid nila. Naroon din si Matatias at ang lima niyang anak. Nilapitan si Matatias ng mga kinatawan ng hari at sinabi, “Ikaw ay pinunong iginagalang dito at sinusunod ng iyong mga kaanak. Manguna ka sa pagtupad sa utos ng hari, gaya nang ginawa ng mga Hentil at ibang mga taga-Judea at Jerusalem. Gawin mo lamang ito ay tiyak na mapapamahal ka sa hari, pati ng iyong mga anak, at gagantimpalaan ka niya ng pilak, ginto at iba pang kaloob.”
Ngunit malakas na sumagot si Matatias, “Kahit lahat ng Hentil ay sumunod sa hari at dahil dito’y nilabag nila ang relihiyong ipinamana ng kanilang mga ninuno, kami ng aking sambahayan at mga kamag-anakan ay tutupad pa rin sa tipang ibinigay sa aming mga ninuno. Huwag namang ipahintulot ng Diyos na sumuway kami sa kanyang mga utos. Hindi kami susunod sa gayong ipinagagawa ng hari at lalo namang hindi kami magtataksil sa aming relihiyon kailanman!”
Katatapos pa lamang na magsalita si Matatias nang isang kapwa Judio ang kitang-kitang lumapit sa dambanang nasa Modin at naghandog, bilang pagsunod sa utos ng hari. Nang makita ito ni Matatias, nag-alab siya sa poot; nilapitan niya ito at pinatay sa harap ng dambana. Pinatay rin niya ang sugo ng haring pumipilit sa mga tao na maghandog sa dambanang pagano. Pagkatapos, sinira niya ang dambana. Sa ganitong paraan ipinakita niya ang kanyang pagmamalasakit sa Kautusan, gaya ng ginawa ni Finees nang patayin nito si Zimri na anak ni Salu.
Matapos gawin ito, nilibot ni Matatias ang buong lungsod na ganito ang isinisigaw, “Sinumang tapat sa tipan ng Diyos at tumutupad sa kanyang mga utos ay sumunod sa akin!” Pagkatapos nito, siya at ang kanyang mga anak ay namundok. Iniwanan nila ang lahat ng kanilang ari-arian sa lungsod.
Ang marami, na naniniwalang dapat sundin ang utos ng Diyos at mga tuntunin ng kanilang relihiyon, ay lumabas din at sa ilang na nanirahan.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 49. 1-2. 5-6. 14-15
Ang masunurin sa Diyos
ay sasagipin n’yang lubos.
MABUTING BALITA
Lucas 19, 41-44
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, nang malapit na si Hesus sa Jerusalem at matanaw niya ang lungsod, ito’y kanyang tinangisan. Sinabi niya, “Kung nalalaman mo lamang sa araw na ito kung ano ang makapagdudulot sa iyo ng kapayapaan! Ngunit lingid ito ngayon sa iyong paningin. Sapagkat darating ang mga araw na paliligiran ka ng kuta ng iyong mga kaaway, kukubkubin at gigipitin sa magkabi-kabila. Wawasakin ka nila, at lilipulin ang mga anak mo sa loob ng iyong muog. At ni isang bato’y wala silang iiwan sa ibabaw ng kapwa bato, sapagkat hindi mo pinansin ang pagdating ng Diyos upang iligtas ka.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pagninilay:
Maligayang Paggunita sa Pagtatalaga mga Palasyong Simbahan nina Apostol San Pedro at San Pablo sa Roma! Ito rin ay tinatawag na “Dedication of the Basilicas of Sts. Peter and Paul” sa wikang Ingles. Ngayon ay ipinagdiriwang ang dalawa sa apat na “major basilica” sa buong mundo at ang mga ito ay nasa Roma. Ang Simbahan ay hindi lamang isang gusali o isktruktura. Ito ay mga tao. Ito ay tayo na mga miyembro ng Simbahan ng Diyos. Ang Jerusalem ay sumisimbulo sa mga tao na pinili ng Diyos ngunit nakalimutan Siya. Tinalikuran Siya at pinili ang ibang mga bagay o tao sa mundo kaysa Kanya.
Hindi ba’t tayo ay “guilty” rin sa ganito?
Maging totoo tayo sa sarili at balikan natin ang mga panahon na pinipili natin ang ibang bagay kaysa sa Diyos o Kanyang kalooban. Tayo ay mga pinili ng Diyos. Simula nang tayo’y binyagan at naging Kanya, tayo’y mga naging Anak ng Diyos. Subalit pinipili ba natin ang makinig sa Salita Niya? O sa ating sarili lamang? Pinipili ba nating gawin ang kalooban ng Diyos o ang kalooban lamang natin? Napakalaking pagkakaiba ng dalawang ito. Sapagkat hindi laging tugma sa Diyos ang gusto natin. At madalas kapag hindi natin nalaman ang pagkakaiba ay doon tayo nagkakamali.
Nawa ay maging mapagmasid tayo at mapanuri sa ating mga sarili. Humiling tayo ng kababaang loob sa Diyos nang makita natin ang ating sarili sa buong katotohanan. Hindi lamang ang mga magaganda ngunit kahit ang hindi magaganda sa ating sarili – nawa’y makita natin ito parehas. Ito’y makakabuti sa atin para alam natin kung ano ang dapat na baguhin sa sarili sa tulong at grasya ng Diyos. Huwag na sana tayong maging Jerusalem na pinili subalit hindi makuha ang kaligtasang iniaalay ng Diyos dahil sa pagkabingi at pagkabulag nito sa Salita at kalooban ng Diyos. Manalangin tayo at panghawakan natin ang pagdarasal na ito hanggang dulo hanggang makarating tayo sa Kanya sa langit. Amen. +
Pagnilayan natin ito. Amen. +
Pagpalain po tayong lahat ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos, at ipagsanggalang nawa Niya tayo laban sa tukso at masasama ngayon at magpakailanman. Amen. +
Pagninilay ni: F.M.M.J.
Pinagmulan ng Pagbasa: Tagalog Mass Readings © Awit at Papuri Communications http://www.awitatpapuri.com