November 02, 2024. Paggunita sa Lahat ng mga Pumanaw na Kristiyano
MABUTING BALITA
Juan 6, 37-40
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa mga tao, “Lalapit sa akin ang lahat ng ibinibigay sa akin ng Ama. At hindi ko itataboy ang sinumang lumapit sa akin. Sapagkat ako’y bumaba mula sa langit, hindi upang gawin ang kalooban ko, kundi ang kalooban ng nagsugo sa akin. At ito ang kanyang kalooban: huwag kong pabayaang mawala kahit isa sa mga ibinibigay niya sa akin, kundi muling buhayin sila sa huling araw. Sapagkat ito ang kalooban ng aking Ama: ang lahat ng makakita at manalig sa Anak ay magkaroon ng buhay na walang hanggan. At sila’y muli kong bubuhayin sa huling araw.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pagninilay:
Ngayon po ay ang araw ng paggunita sa lahat ng mga pumanaw na Kristiyano. Naniniwala po tayo na bagaman at ang kaligtasan ay para sa lahat at binuksan ng Diyos ang pintuan ng Langit para sa lahat, depende pa rin ito sa pagtanggap at pagsisikap ng tao na makapasok sa pintuan ng Langit. Nasa desisyon ng tao kung saan niya gustong magpunta. Ang makakapasok sa Langit ay pinakamalinis, walang bahid ng dumi at kasalanan. Dahil hindi lahat ay namamatay ng wala nang kasalanan at ng buong buong banal na pamumuhay gaya ng mga santo, mayroong purgatoryo para ihanda sila at maging karapatdapat sa Langit. Sa ganitong dahilan, tayong lahat ay inaatasan na manalangin para sa lahat ng mga kaluluwa sa purgatoryo, hindi lang para sa ating kamag-anak ngunit para rin sa lahat. Alalahanin natin ngayong araw na tayo rin ay magiging kasama nila. May wakas din ang ating buhay. Kaya nga maganda ring alalahanin ang buhay natin ngayon. Ito ba ang buhay na talagang niloob ng Diyos para sa akin? Ano kaya ang aking misyon sa buhay? Alalahanin natin na ginawa tayo hindi lang para sa sarili kundi para sa ibang tao. Ang pinakamabuluhang buhay ay iyong buhay na ibinigay at inialay sa Diyos at sa iba nang may pagmamahal. Nawa, simula ngayon ay isipin natin paano natin magagawa o masusunod ang Salita ng Diyos sa ating buhay. Humingi tayo ng gabay ng Espiritu Santo paano tayo mas makakatulong at makakapagsilbi sa iba ng may pag-ibig. Ito ang magiging basehan para tayo ay makapasok sa Langit, hindi ang panlabas na anyo, ang maraming medalya o taas ng antas ng edukasyon o ari-arian, kundi pag-ibig at paggawa ng mabuti lalo ang pagbibigay sa mahihirap sa ating sariling paraan. Amen. +
Pagninilay ni: F.M.M.J.
Pinagmulan ng Pagbasa: Tagalog Mass Readings © Awit at Papuri Communications
Paggunita as Lahat ng mga Pumanaw na Kristiyano:
https://www.ourparishpriest.com/2023/10/lahat-ng-mga-pumanaw-na-kristiyano/