Agosto 8, 2021. Ika-19 Linggo sa Karaniwang Panahon.
Nineteenth Sunday in Ordinary Time (Green).
UNANG PAGBASA
1 Hari 19, 4-8
Pagbasa mula sa aklat ng mga Hari
Noong mga araw na iyon, si Elias ay mag-isang pumunta sa ilang. Pagkatapos ng maghapong paglalakad ay naupo siya sa lilim ng isang puno ng retama at nanalangin nang ganito: “Panginoon, kunin na po ninyo ako. Ako po’y hirap na hirap na. Nais ko na pong mamatay.”
Pagkatapos, nahiga siya at nakatulog. Ngunit dumating ang isang anghel, kinalabit siya at ang sabi: “Gising na at kumain ka!” Nang siya’y lumingon, nakita niya sa may ulunan ang isang tinapay na niluto sa ibabaw ng mainit na bato, at tubig sa isang sisidlan. Kumain nga siya at uminom. Pagkatapos ay nahiga uli. Ngunit bumalik ang anghel ng Panginoon, kinalabit siya uli at sinabi: “Bumangon ka at kumain. Napakahaba pa ang lalakarin mo.” Kumain nga siya uli at uminom at siya’y lumakas. Sa tulong ng pagkaing iyon, naglakbay siyang apatnapung araw at apatnapung gabi, hanggang sa Horeb, ang Bundok ng Diyos.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 33, 2-3. 4-5. 6-7. 8. 9
Magsumikap tayong kamtin
ang Panginoong butihin.
IKALAWANG PAGBASA
Efeso 4, 30 – 5, 2
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Efeso
Mga kapatid, huwag ninyong dulutan ng pighati ang Espiritu Santo, sapagkat ito ang tatak ng Diyos sa inyo, ang katibayan ng inyong katubusan pagdating ng takdang araw. Alisin na ninyo ang lahat ng sama ng loob, galit at poot; huwag na kayong mambubulyaw, manlalait, at mananakit ng damdamin ng kapwa. Sa halip, maging mabait kayo at maawain sa isa’t isa, at magpatawaran, tulad ng pagpapatawad sa inyo ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo.
Yamang kayo’y mga anak na minamahal ng Diyos, tularan niyo siya. Mamuhay kayong puspos ng pag-ibig tulad ni Kristo; dahil sa pag-ibig sa atin, inihandog niya ang kanyang buhay bilang mahalimuyak na hain ng Diyos.
Ang Salita ng Diyos.
MABUTING BALITA
Juan 6, 44-51
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Noong mga panahong iyon, nagbulung-bulungan ang mga Judio dahil sa sinabi ni Hesus, “Ako ang pagkaing bumaba, mula sa langit.” Sinabi nila, “Hindi ba ito si Hesus na anak ni Jose? Kilala natin ang kanyang ama’t ina. Paano niya ngayong masasabi: ‘Bumaba ako mula sa langit’?” Kaya’t sinabi ni Hesus, “Huwag kayong magbulung-bulungan. Walang makalalapit sa akin malibang dalhin siya ng Amang nagsugo sa akin. At ang lalapit sa akin ay muli kong bubuhayin sa huling araw. Nasusulat sa aklat ng mga propeta, ‘At silang lahat ay tuturuan ng Diyos.’ Ang bawat nakikinig sa Ama at natututo ay lalapit sa akin. Hindi ito nangangahulugang may nakakita na sa Ama; yaong nagmula sa Diyos ang tanging nakakita sa Ama.
“Sinasabi ko sa inyo: ang nananalig sa akin ay may buhay na walang hanggan. Ako ang pagkaing nagbibigay-buhay. Kumain ng manna ang inyong mga ninuno nang sila’y nasa ilang, gayunman’y namatay sila. Ngunit ang sinumang kumain ng pagkaing bumaba mula sa langit ay hindi mamamatay. Ako ang pagkaing nagbibigay-buhay na bumaba mula sa langit. Mabubuhay magpakailanman ang sinumang kumain nito. At ang pagkaing ibibigay ko sa ikabubuhay ng sanlibutan ay ang aking laman.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pagninilay:
Isang mapagpalang Linggo po sa ating lahat! Si Elias ay binigyan ng pagkain ng Diyos sa gitna ng disyerto. Siya ay lumakas at nakapaglakbay ng mahaba sa disyerto – ito’y apatnapung araw at apatnapung gabi. Doon kung saan walang makain, at tila walang buhay. May sukdulang lamig at sukdulan ding init. Ito ay pagkain at inumin na galing sa langit. Tayo rin mga kapatid, sa tingin ba natin ay makakatagal tayo dito sa mundo na tila rin isang disyerto, kung wala ang Banal na Eukaristiya? Ang Banal na Katawan at Dugo ng ating Panginoong Jesus Cristo na nasa anyo ng puting tinapay ay ang Tinapay na mula sa langit. Hindi lang ang Propetang Elias ang pinakain ng Diyos noong unang panahon. Hindi lang ang mga Israelitang nagutom sa ilang ang pinakain ng Diyos noong panahon ni Moses, kung hindi maging tayo magpasahanggang ngayon. Araw-araw nasa Banal na Misa si Jesu Cristo, iniaalay Niya ang Kanyang sarili para kainin natin.
Ang sinumang mag-isip na magiging masaya siya at matagumpay sa buhay na ito nang walang Banal na Misa ay isang taong nalinlang ng diablo. Sapagkat si Jesus na mismo nagsabi “Ako ang pagkaing nagbibigay-buhay na bumaba mula sa langit. Mabubuhay magpakailanman ang sinumang kumain nito.” Ibig sabihin magkakaroon lamang tayo ng tunay at masaganang buhay kasama ni Jesus kung kinakain natin ang Kanyang Banal na Katawan at Dugo sa Banal na Misa. Matatapos ang lahat ng kasiyahan sa mundo. Magsara man ang mga establisyemento, at mawala man ang mga ari-arian, bahay, kotse, damit at palamuti sa katawan, bilang paalalang hindi ito ang tunay na makapagbibigay sa atin ng saya at buhay, subalit mabubuhay at mabubuhay pa rin tayo. Sapagkat ang buhay ay galing sa Diyos, Siya ang may alam ng ating pinakamisyon at pakay sa buhay. Sa Kanya tayo pinakamagiging masaya, kahit sa gitna ng hirap, dito sa mundo at magkakamit ng buhay na walang hanggan matapos.
Sapagkat kung paanong nagkasala ang ating mga unang magulang dahil sa pagkain ng ipinagbabawal, gayun din naman tayo ay maliligtas dahil sa pagkain ng Tinapay ng Buhay na si Jesus. Bibigyan Niya tayo ng espiritwal na lakas lalo ngayon na marami tayong pinagdaraanan. Bibigyan Niya tayo ng kapayapaan at pag-asang hindi mabibigay ng mundo. Iyong nagtatagal at hindi nauubos. Bibigyan tayo ni Jesus sa Banal na Eukaristiya ng pagpapala at paggaling sa mga sugat ng ating puso at kaluluwa. Pinapatawad Niya tayo sa ating mga kasalanang hindi malubha (venial sins) sa Banal na Misa, basta’t tayo ay nakakapagkumpisal kung kailan kailangan. Para na rin ito ihanda ang ating puso na maging isang malinis na tahanan ng Diyos.
Higit sa lahat, ang Banal na Eukaristiya ang ating pansanggalang laban sa masasama, sa tukso at sa kasalanan. Dahil mahina tayo at ang ating laman ay mabilis tayo madala ng negatibo, tukso, kasalanan at kasamaan. Kung kasama natin si Jesus na nasa loob natin at nagiging kaisa natin, malalagpasan nating itong lahat kasama Niya at sa pamamagitan Niya. Walang ibang daan tungo sa langit kung hindi Siya – ang pagkain nating bumababa mula sa langit. Kaya naman, tanungin natin ang sarili, paano natin pinahahalagahan ang Banal na Misa? Mahalaga ba sa atin ang Banal na Eukaristiya? Binibigyan galang ko ba si Jesus sa tabernakulo ng Simbahan sa pamamagitan ng pagluhod ko ng kanang tuhod?
Nagkukumpisal ba ako tuwing kailangan at dapat, lalo bago mag-komunyon upang ihanda ang sarili ko sa pagtanggap kay Jesus? Baka naman kaya hindi natin gaanong maramdaman si Jesus sa ating loob ay sapagkat punung puno na ito ng dumi. Hindi na nalilinis pa. Huwag tayong matakot at gawin natin ang dapat na may pagmamahal kay Jesus na ating Panginoon na Siyang ibinigay ang lahat sa atin. Maging sariling dugo at katawan ay hindi Niya ipinagkait sa atin at ibinabahagi pa sa ating lahat. Ito’y alang-alang sa pag-ibig para sa ating lahat kahit pa tayo ay lubhang mga makasalanan.
Kahit pa ngayon na ECQ na sa NCR o may mga restriksyon pa sa iba’t ibang lugar. Maari pa rin tayo makadalo ng Banal na Misa online. Habang umaasang makakasama natin ang Jesus mula sa Banal na Sakramento ng Eukaristiya at matatanggap Siya pagdating ng oras. Huwag nating hayaang basta na lamang mawala ang hangarin na ito. Hangarin nawa natin si Jesus ngayon gaya ng paghangad Niya sa atin na lubos-lubos, dulot ng Kanyang pagka-uhaw sa ating pag-ibig sa Krus. Amen. +
Pagnilayan natin ito. Amen. +
Pagpalain po tayong lahat ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos, at ipagsanggalang nawa Niya tayo laban sa tukso at masasama ngayon at magpakailanman. Amen. +
Pagninilay ni: Margarita de Jesus
Pinagmulan ng Pagbasa: Tagalog Mass Readings © Awit at Papuri Communications www.awitatpapuri.com