Setyembre 7, 2024. Sabado ng Ika-22 Linggo sa Karaniwang Panahon (II)
o kaya Paggunita sa Mahal na Birheng Maria tuwing Sabado
MABUTING BALITA
Lucas 6, 1-5
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Isang Araw ng Pamamahinga, naparaan sina Hesus sa triguhan. Ang kanyang mga alagad ay nangitil ng uhay, at kanilang kinain ang mga butil matapos ligisin sa kanilang mga kamay. “Bakit ninyo ginagawa sa Araw ng Pamamahinga ang ipinagbabawal ng Kautusan?” tanong ng ilang Pariseo. Sinagot sila ni Hesus, “Hindi ba ninyo nabasa ang ginawa ni David nang magutom siya at kanyang mga kasama? Pumasok siya sa bahay ng Panginoon, kumuha ng tinapay na handog sa Diyos at kumain nito. Binigyan pa niya ang kanyang mga kasama, bagamat ayon sa Kautusan, ang mga saserdote lamang ang may karapatang kumain niyon.” At sinabi pa niya sa kanila, “Ang Araw ng Pamamahinga ay nasa ilalim ng kapangyarihan ng Anak ng Tao.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pagninilay:
Sinita ng mga Pariseo si Hesus dahil Siya ay namitas at kumain ng uhay sa araw ng pamamahinga. Ginawa nila ito hindi lang sa dahil ang tingin nila ay sila ang tama, kundi dahil gusto rin nilang pahiyain si Hesus. Naghahanap sila lagi ng pagkakamali ng Panginoon. Subalit ang Panginoon ay wala sa ilalim ng kautusan. Siya ang gumawa ng mga ito para sa kapakanan ng tao kaya hindi dapat na sitahin ang isang bagay tulad ng pagpitas at pagkain dahil ito ay para sa tao. Ang batas ay para sa ikabubuti ng tao. Hindi ito dapat maging pabigat lamang. Tulad na lamang ng pagdalo sa Banal na Misa tuwing Linggo na para sa ating ikaliligtas. Kung tayo ay pinagpapahinga tuwing Linggo, ito ay para mas mapagnilayan ang ebanghelyo at bigyang pansin ang Diyos upang sambahin Siya at pasalamatan para sa lahat ng grasya na ating natanggap sa isang linggong nagdaan. Napapansin nating kapag pati ang Linggo ay kinalimutan na bilang araw ng Diyos, madali na ring makalimutan na ang araw na ito ay itinalaga ng Diyos upang tayo’y makapahinga, sumamba at panatilihin ang magandang relasyon sa Kanya gaya ng kung paanong naging bahagi ng tradisyon at kultura na magsama-sama ang pamilya tuwing Linggo. Ganoon din tayo sa Diyos dahil tayo ang Kanyang mga anak at Siya ang ating Ama. Hindi naman ibig sabihin nito na kasalanan nang gumawa ng kahit ano tuwing Linggo subalit huwag nawa nating kalimutan ang diwa nito, na ang araw na ito ay para sa Diyos na ating Ama. Amen. +
Nawa’y paniwalaan at patuloy nating pagnilayan natin ito. Amen. +
Pagpalain po tayong lahat ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos, at ipagsanggalang nawa Niya tayo laban sa tukso at masasama at magpakailanman. Amen. +
Pagninilay ni: FMMJ
Pinagmulan ng Pagbasa: Tagalog Mass Readings © Awit at Papuri Communications