Hulyo 22, 2019. Paggunita kay Santa Maria Magdalena
Salmo 62, 2, 3-4, 5-6, 8-9
Aking kinasasabikan, Panginoon, ikaw lamang.
UNANG PAGBASA
Awit ni Solomon 3, 1-4a
Pagbasa mula sa Awit ni Solomon
Gabi-gabi, sa higaan ang mahal ko’y hinahanap,
ngunit hindi masumpungan kahit na sa pangarap.
Akong ito’y bumabangon, sa lungsod ay naglalakad,
ang lansangan sa paligid ay aking ginagalugad;
ngunit hindi matagpuan ang sinta kong nililiyag.
Sa akin ngang paglalakad, nakita ko’y mga bantay
nagmamanman, naglilibot sa paligid, sa lansangan.
Sa kanila ang tanong ko, “Mahal ko ba ay nasaan?”
Nang kami ay maghiwalay ng nasabing mga tanod,
Bigla na lang na nakita ang mahal kong iniirog.
Ang Salita ng Diyos.
Salamat sa Diyos.
MABUTING BALITA
Juan 20, 1-2. 11-18
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan.
Papuri sa iyo Panginoon.
Madilim-dilim pa nang araw ng Linggo, naparoon na si Maria Magdalena sa libingan. Naratnan niyang naalis na ang batong panakip sa pinto ng libingan. Dahil dito, patakbo siyang pumunta kay Simon Pedro at sa alagad na mahal ni Hesus, at sinabi sa kanila, “Kinuha sa libingan ang Panginoon at hindi namin alam kung saan dinala!”
Si Maria’y nakatayong umiiyak sa labas ng libingan; yumuko siya at tumingin sa loob.
May nakita siyang dalawang anghel na nakaupo sa pinaglagyan ng bangkay ni Hesus, ang isa’y sa gawing ulunan at ang isa nama’y sa paanan. Tinanong nila si Maria, “Ale, bakit kayo umiiyak?” Sumagot siya, “Kinuha po nila ang aking Panginoon, at hindi ko alam kung saan nila dinala.” Lumingon siya pagkasabi nito, at nakita niya si Hesus na nakatayo roon, ngunit hindi niya nakilalang si Hesus iyon. Tinanong siya ni Hesus, “Bakit ka umiiyak? Sino ang hinahanap mo?” Akala ni Maria’y siya ang tagapag-alaga ng halamanan, kaya’t sinabi niya, “Ginoo, kung kayo po ang kumuha sa kanya, ituro ninyo sa kain kung saan ninyo dinala at kukunin ko.” “Maria!” ani Hesus.
Humarap siya at kanyang sinabi, “Raboni!” — ibig sabihi’y “Guro.” “Huwag mo akong hawakan, sapagkat hindi pa ako nakapupunta sa Ama,” wika ni Hesus. “Sa halip, pumunta ka sa king mga kapatid at sabihin mong aakyat ako sa aking Ama at inyong Ama, sa aking Diyos at inyong Diyos.” Kaya’t si Maria Magdalena’y pumunta sa mga alagad at sinabi, “Nakita ko ang Panginoon!” At tuloy sinabi sa kanila ang bilin ni Hesus.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pinupuri ka namin Panginoon.
Pagninilay:
Maligayang Kapistahan ni Santa Maria Magdalena! Siya ay kilala bilang isa sa mga babaeng alagad ni Jesus. Siya ay tinaguriang ang “alagad ng mga alagad” sapagkat gaya ng natunghayan natin sa Ebanghelyo ngayong araw, siya ang unang naatasan ni Jesus na sabihin sa mga alagad ang nakitang muling pagkabuhay ni Jesus. Sa lahat ng mga alagad, siya ang unang pinagpahayagan ng muling pagkabuhay ng ating Panginoon.
Matatandaang laging iniaangat ang malapit na ugnayan ni Maria Magdalena at ni Jesus. Maganda ring gamitin ang oportunidad na ito upang ipaalala at ipahayag na hindi siya ang babaeng bayaran o ang babaeng nakikiapid na babatuhin ng mga tao. Wala ito sa nasusulat at tradisyon. Sa halip, siya ay ang babae kung saan pinalayas ni Jesus ang pitong demonyo. Nagsilbi siya kay Jesus at naging isa sa mga lider ng babaeng grupong sumasama kay Jesus sa pagmiministeryo at nagbibigay ng kailangan nilang mga alagad.
Isa siyang matapat na alagad ni Jesus na nanatili sa paanan ng krus kasama ni Maria, ina ng Diyos, ni Juan ang isa pang alagad at ng mga iba pang banal na babae na kasakasama nina Maria. Kung ang mga ibang alagad ay nagtago at hindi nagpakita sa pagdurusa ni Jesus. Si Maria ay matapang na humarap at nanatili kay Jesus sa Krus.
Tayo rin ba ay nanatili sa Diyos sa gitna ng mga pagdurusa sa buhay? Tanda ito ng kanyang pag-ibig sa Diyos na wagas. Kahit pa tulad ng iba, nanganganib din ang kanyang buhay, hindi niya ito alintana. Ang mahalaga ay kasama niya ang Panginoon kahit sa Krus. Kaya naman, sa muling pagkabuhay, sa kanya unang nagpakita ang Panginoong Jesus – higit sa mga alagad. Sapagkat sa tradisyon nating mga Pilipino ay may paniniwala tayong kay Maria, ina ni Jesus, unang nagpakita ang ating Panginoon. Bagamat hindi ito nasusulat sa teksto, may mga ibang pag-aaral na nagsasabing kay Maria upang nagpakita si Jesus sapagkat siya ang kanyang ina at higit na mahalaga kaysa lahat. Kaya din tayo may tinatawag na “salubong” upang gunitain ang pagtatapong ito ni Jesus at Maria.
Ano ang matututunan natin dito?
Tandaan natin na ang buhay natin ay ganito. Kailangan munang maghirap at dumaan sa Krus bago ang muling pagkabuhay. Gaya ng pananatili ni Maria Magdalena kay Jesus. Nanatili siya kay Jesus sa hirap at ngayon ay ginantimpalaan siya ng Diyos na maging unang tagapagpahayag ng Kanyang muling pagkabuhay.
Tayo ba ay kaya pa ring mahalin ang Diyos at kapwa natin kahit mahirap na? Handa ba natin silang samahan sa hirap man o sa ginhawa?
Nawa ay si Maria Magdalena ang ating maging inspirasyon sa buhay pakikitungo sa kapwa at sa relasyon natin sa Panginoon. Handa tayong makibaka at harapin ang lahat dahil sa lakas ng ating pagmamahal sa Diyos. Mula dito, dadaloy ang tunay at matibay na pag-ibig natin sa pamilya, kaanak, kaibigan at kahit ang mga kaaway at mahirap mahalin. Ito ang Krus at daan ng buhay. Ngunit ito rin ang daan ng luwalhati patungong buhay na walang hanggan. Kung tulad ni Maria ay sasamahan natin ang Diyos sa lahat ng oras at hahayaan din nating makita siyang samahan tayo.
Suriin natin ang ating sarili. Matibay ba ang pag-ibig ko sa kapwa? Sa Diyos? Ano ang dapat kung gawin upang pag-igtingin ang pagmamahal na ito? Ano ang ugali kong dapat bitawan upang mayakap ko ang Krus ng buhay? Ipanalangin nating gabayan tayo ng Espiritu Santo nang sa gayon ay mas makapagmahal ng buo gaya ni Maria Magdalena at ng mga banal. Amen.
Pagnilayan natin ito.
Santa Maria Magdalena, ipanalangin mo kami. Amen. +
Pagpalain po kayo ng Mapagmahal at Maawaing Diyos ngayon at magpakailanman. Amen. +
? Admin. FMMargarita. ?