Hunyo 26, 2020. Biyernes ng Ika-12 Linggo sa Karaniwang Panahon.
UNANG PAGBASA
2 Hari 25, 1-12
Pagbasa mula sa Ikalawang Aklat ng mga Hari
Nang ikasampung araw ng ikasampung buwan ng ikasiyam na taon ng paghahari ni Sedequias, tinipon ni Nabucodnosor ang buo niyang hukbo. Kinubkob nila ang Jerusalem at pinaligiran ang mga bantayan. Ang pagkubkob nila ay tumagal nang may dalawang taon. Nang ikasiyam na araw ng ikaapat na buwan ng pagkubkob sa Jerusalem, umabot na sa sukdulan ang taggutom sa buong lungsod. Noon nabutas ang isang bahagi ng pader ng lungsod. Nang makita ito ni Haring Sedequias kinagabihan ay tumakas siya patungong Araba, kasama ang kanyang mga kawal. Doon sila dumaan sa pintuan ng dalawang pader, malapit sa hardin ng palasyo. Ngunit ang lungsod ay naliligid ng mga Caldeo. Tinugis sila ng mga ito at inabutan sa kapatagan ng Jerico. Kaya, nagkanya-kanyang takas ang kanyang mga tauhan. Nabihag si Sedequias at iniharap sa hari ng Babilonia na nasa Ribla at doon siya hinatulan. Pinatay nila sa harapan ni Sedequias ang mga anak nito, dinukit ang mga mata at gapos ng tanikalang dinala sa Babilonia.
Nang ikapitong araw ng ikalimang buwan ng ikalabinsiyam na taon ng paghahari ni Nabucodnosor, pinasok ni Nabuzaradan ang Jerusalem, kapitan ng kanyang mga tanod. Sinunog niya ang templo, ang palasyo, at ang lahat ng bagay doon; wala siyang tinira. Ang mga pader ng lungsod ay giniba naman ng mga kawal na kasama ni Nabuzaradan. Dinala niyang bihag ang natitira pang Israelita pati ang mga sumuko sa hari ng Babilonia. Ang iniwan lamang niya roon ay ang ilang mahihirap upang magbungkal ng lupa at mag-alaga ng mga ubasan.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 136, 1-2. 3. 4-5. 6
Kung ika’y aking limutin, wala na ‘kong aawitin.
MABUTING BALITA
Mateo 8, 1-4
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Nang makababa si Hesus mula sa bundok, sinundan siya ng napakaraming tao. Lumapit sa kanya ang isang ketongin at lumuhod sa harapan niya. “Ginoo,” ang wika niya, “kung ibig po ninyo, ako’y inyong mapagagaling.” Hinipo siya ni Hesus at sinabi, “Ibig ko, gumaling ka.” At pagdaka’y nawala ang kanyang ketong. “Huwag mo itong sasabihin kaninuman,” bilin ni Hesus. “Pumunta ka’t pasuri sa saserdote. Pagkatapos, maghandog ka ng haing iniuutos ni Moises, bulang patotoo sa mga tao na magaling ka na.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pagninilay:
Isang mapagpalang Biyernes po sa ating lahat! Paano ba tayo manalangin? Nananalangin ba tayo nang may kababaang loob? Mayroon ba sa atin na ang tingin ay ang Panginoon ay Diyos na dapat sumusunod sa ating bawat hiling? Alam nating maraming nagtatampo sa Diyos dahil hindi napagbigyan ang kanilang kahilingan. Saan ba nanggagaling ito?
Halimbawa, kapag ang mga anak na batang paslit na gustong kumain ng maraming matatamis kaysa sa nararapat, o kaya naman ay gustong maglaro nang matagal sa labas ngunit hindi pinayagan, ang mga batang iyon ay nagmamaktol at magagalit sa magulang. Sinasabi nilang “hindi ako mahal ng aking ina o ama”. Dahil hindi nila naiintindihan nang lubos ang kanilang magulang. Wala pa sila sa kapasidad na mag-isip kung ano ang tama o mali para sa kanilang sarili. Ang tanging sumasakop lamang sa kanilang isip ay ang kanilang sariling nasa o kagusutuhan na kumukonsumo ng kanilang puso at pag-iisip. Anuman ang makabalakid dito ay isang harang para sa kanila kahit pa ang magulang na nagluwal at nagpakalaki sa kanila. Nakakalungkot man minsan may mga taong ganito mag-isip pagdating sa pananampalataya. Hindi nila lubos na nauunawaan ang Diyos o ang tunay na relasyon na mayroon tayo sa Panginoon.
Ngunit ang ketongin ngayon ay hindi ganoon. “Kung ibig po ninyo”. Naroroon ang pinagpapasaDiyos din natin ang desisyon tungkol sa ating hinihiling. Dahil may tiwala tayo sa Diyos. Kilala natin Siya at nakikita ang Kanyang kabutihan. Alam din nating ang kagustuhan Niya para sa atin ang pinakamainam kahit mahirap pang makita agad-agad at kailangang maghintay. Ano naman ang sagot ni Jesus? Sabi Niya, “Ibig ko, gumaling ka.” Walang ibang kagustuhan ang Diyos kung hindi ang mapabuti tayo.
Kung may mangyari mang hindi maganda kahit nagtiwala tayo sa Kanya ay hindi maaring walang magandang maidudulot ito. Kahit pa hindi natin ito makita agad. Mainipin kasi tayong mga tao. Sanay tayo sa “instant” lalo sa panahon ngayon na halos wala nang konsepto ng paghihintay o pagtitiyaga.
Mahal na mahal tayo ng Panginoon. Gaya ng ketongin, tinitingnan Niya tayo nang may pag-ibig at puno ng habag. Ibig Niya ang nakabubuti sa atin, hindi ang nakasasama. Kaya sa tuwing magdarasal tayo sa Kanya ng ating hiling, lakipan din natin ito ng pagsuko sa Diyos. Maari nating sabihin sa Kanya kung ano ang ating nais. Subalit kung ano ang desisyon ng Diyos, sabihin nawa natin na iyon nawa ang masunod. Kung ano ang kalooban ng Diyos, iyon nawa ang masunod.
Matuto tayong magtiwala at maghintay. Madaling magtampo ang iba sa Diyos dahil hindi napagbigyan ang hiling. Hindi nila nauunawaaan at nakikilala nang lubos ang Panginoon. Hindi Siya bangko, ATM, “supermarket o mall” na naroroon lamang para pagsilbihan ang tao at ibigay ang ating kahilingan. Siya ang Panginoon nating lahat. Siya ang naglalang sa atin. Siya ang Hari ng mga hari at Panginoon ng mga panginoon. Tayo ang dapat sumunod sa Kanya, bilang anak sa magulang. Tayo ang dapat na umaayon sa plano ng Diyos. Sapagkat wala siyang ibang gusto kung hindi ang kagalingan at kabutihan para sa atin. Kung tayo lamang, marami tayong hindi alam sa mundo. Madalas tayong nagkakamali at nagkakaroon ng maling desisyon. Subalit ang Panginoon ang nagpaplano ng lahat ng mabubuti at perpektong bagay. Kung luluhod tayo sa harapan Niya nang may kababaang loob upang aminin ang ating kahinaan, kahirapan, mga sakit ng kaluluwa at katawan ay papagalingin Niya tayo. Kakaawaan at ipapadama Niya sa atin ang Kanyang walang hanggang pag-ibig na hindi natin matatagpuan saan man. Amen.
Pagnilayan natin ito. +
Pagpalain po kayo ng Mapagmahal na Diyos!
Reflections: Frances Mary Margaret DJ