Angels Bible Catholic Church Catholic Faith Daily Gospel on DCF

ANG MABUTING BALITA ARAW-ARAW: “Pagdating ni Jesus”

Disyembre 5, 2020. Sabado sa Unang Linggo sa Panahon ng Pagdating ng Panginoon

UNANG PAGBASA
Isaias 30, 19-21. 23-26
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias

Ito ang sinasabi ng Panginoong Diyos na Banal ng Israel: Mga taga-Jerusalem, hindi na kayo tatangis nang matagal! Kayo’y diringgin niya sa inyong pagdaing. Kung ipahintulot man ng Panginoon na kayo’y magkasakit o magdanas ng hirap, siya na inyong guro, ay hindi magtatago sa inyo. Maririnig ninyo ang kanyang tinig at siya ang laging kaalakbay ninyo upang ituro ang inyong daraanan.

Bibigyan niya kayo ng masaganang ulan para sa inyong mga tanim upang kayo’y mag-ani nang sagana. Ang inyong mga kawan ay magkasusumpong ng malawak na pastulan. Ang mga pang-araro ninyong mga baka at asno ay mananagana sa pinakamainam na pagkain ng hayop. Mula sa matataas ninyong mga bundok at burol, dadaloy ang batis, pagdating ng panahon ng kakila-kilabot na pagpuksa at pagkawasak ng mga muog. Magliliwanag ang buwan na animo’y araw, at ang araw nama’y magliliwanag ng pitong ibayo, parang liwanag ng pitong araw na pinagsama-sama. Ito’y mangyayari sa araw na talian at pagalingin ng Panginoon ang sugat ng kanyang bayan.
Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 146, 1-2. 3-4. 5-6
Mapalad ang umaasa sa Panginoon tuwina.
Purihin ang Panginoon!

O kay buti ng umawit at magpuro sa ating Diyos,
ang magpuri sa kanya’y tunay na nakalulugod.
Ang Lungsod ng Jerusalem, muli niyang ibabalik,
sa kanyang mga lingkod, na natapon at nalupig.
Mapalad ang umaasa sa Panginoon tuwina.
Yaong mga pusong wasak ay kanya ring lulunasan,
ang natamo nilang sugat, agad-agad tatapalan.
Alam niya’t natitiyak ang bilang ng mga tala,
isa-isang tinatawag, yaong ngalang itinakda.
Mapalad ang umaasa sa Panginoon tuwina.
Panginoong ating Diyos ay daila at malakas,
ang taglay n’yang karunugan, ay walang makasusukat.

Yaong mapagkumbaba’y siya niyang itataas,
ngunit yaong mapaghambog sa lupa ay ibabagsak.
Mapalad ang umaasa sa Panginoon tuwina.

ALELUYA
Isaias 33, 22
Aleluya! Aleluya!
Panginoon, aming hukom,
Haring nag-uutos ngayon
kaligtasa’y ‘yong ihatol!
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Mateo 9, 35 – 10, 1. 6-8
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon, nilibot ni Hesus ang mga bayan at nayon at nagturo sa mga sinagoga. Ipinangaral niya ang Mabuting Balita tungkol sa paghahari ng Diyos, at pinagaling ang mga maysakit, anuman ang kanilang karamdaman. Nang makita niya ang napakaraming tao, nahabag siya sa kanila sapagkat sila’y lito at lupaypay, parang mga tupang walang pastol. Kaya’t sinabi niya sa kanyang mga alagad, “Sagana ang anihin, ngunit kakaunti ang mag-aani. Idalangin ninyo sa may-ari ng anihin na magpadala siya ng mga manggagawa sa kanyang anihin.”

Tinipon ni Hesus ang labindalawang alagad at binigyan ng kapangyarihang magpalayas ng masasamang espiritu at magpagaling ng mga may karamdaman. Sila’y pinagbilinan ni Hesus: “Hanapin ninyo ang mga nawawalang tupa ng sambahayan ng Israel. Humayo kayo at ipangaral ninyo na malapit nang maghari ang Diyos. Pagalingin ninyo ang mga maysakit at buhayin ang mga patay. Pagalingin ninyo ang mga ketongin at palayasin ang mga demonyo. Yamang tumanggap kayo nang walang bayad, magbigay naman kayo nang walang bayad.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Pagninilay:

Isang mapagpalang Sabado po sa ating lahat! Ang Panginoon ay puno ng habag sa lahat. Gusto Niya ang kagalingan para sa lahat. Wala Siyang ibang gusto kung hindi ang mapabuti tayong lahat. Subalit kailangan Niya ng mga kamay dito sa lupa na gagawa noon para sa Kanya. Kailangan Niya ng mga tao na makikinig at gagawa ng Kanyang Salita at upang magpangaral ng Mabuting Balita, magpagaling ng may sakit, magpalayas ng demonyo, magpakain ng nagugutom at marami pang iba sa Kanyang Ngalan. Walang iba kung hindi tayo. Tayo ang gagawa ng mga ito sa tulong at kapangyarihan ng Diyos.

Hindi lamang ang mga pari at relihiyoso ang tinawag ni Jesus subalit tayong lahat na nabinyagan at kabilang sa Kanya. Lahat tayo ay may biyaya, talento, abilidad, pera at materyal na bagay at lahat ng grasya. Anuman ang mayroon tayo tinatawag tayong ibahagi ito sa Diyos at sa kapwa. Sinusugo tayo ng Panginoon upang gawin ang Kanyang ginawa sa lupa. Tayo ang magpapatuloy ng mga nababasa natin sa Ebanghelyo. Gusto ba natin ito? Handa ba tayong sumunod? Handa na ba tayo sa pagdating ng Diyos?

Pagnilayan natin ito. Amen. +
Pagpalain po kayo ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos ngayon at magpakailanman. Amen. +

Reflections By: Frances Mary Margaret DJ

Readings Source: Tagalog Mass Readings © Awit at Papuri Communications www.awitatpapuri.com

Tulungan ninyo po kaming ipahayag ang Salita ng Diyos! Salamat po and God bless!

Defend the Catholic Faith

About Author

Safeguards have been created to ensure the orthodoxy of the contents of our website. If, despite strictly adhering to the dogmas and magisterial authority of the Church, errors have been pointed out and proven, I will humbly submit to the authority of the Church.

You may also like

Bible Catholic Church Catholic Faith News

WHY THE DEVIL HATES THE BLESSED VIRGIN SO MUCH (AND WHY YOU SHOULD LOVE HER)

  Satan hates the Blessed Virgin Mary. In fact, he has been doing everything in his power to discourage devotion to
Apologetics / Reflections Catholic Church The Sacraments

BINYAG, KASAL, KUMPIL AT IBA PA. BAKIT DAW MAY BAYAD? BY: ADMIN COCO

Sabi ng mga sektang kutya ng kutya sa katoliko sabi nila bakit ang kasal niyo my bayad? binyag my bayad?