Disyembre 5, 2018. Miyerkules. Unang Linggo ng Adbiyento.
Unang Pagbasa: Isaias 25:6-10
Sa Bundok ng Zion, aanyayahan ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat ang lahat ng bansa para sa isang malaking handaan. Pinakamasasarap na pagkain at alak ang kanyang ipinahanda. Sa bundok ding ito’y papawiin niya ang ulap ng kalungkutang naghahari sa lahat ng bansa.
Lubusan nang pupuksain ng Panginoong Yahweh ang kamatayan, at papahirin ang mga luha sa kanilang mga mata. Aalisin niya sa kahihiyan ang kanyang bayan.
Sasabihin ng lahat sa araw na iyon: “Siya ang hinihintay nating Diyos na sa ati’y magliligtas, siya si Yahweh na ating inaasahan.
Magalak tayo at magdiwang, sapagkat tayo’y kanyang iniligtas.”
Iingatan ni Yahweh ang Bundok ng Zion, ngunit ang Moab ay tatapakan; gaya ng dayaming tinatapak-tapakan sa tambakan ng basura.
Ebanghelyo: Mateo 15: 29-37
Pag-alis doon, nagbalik si Jesus sa tabi ng Lawa ng Galilea. Umakyat siya sa bundok at naupo upang magturo. Nagdatingan naman ang napakaraming taong may dalang mga pilay, bulag, lumpo, pipi, at marami pang ibang maysakit. Dinala nila ang mga ito sa paanan ni Jesus at sila’y pinagaling niya.
Kaya’t namangha ang mga tao nang makita nilang nakapagsasalita na ang mga pipi, gumaling ang mga lumpo, nakakalakad na ang mga pilay, at nakakakita na ang mga bulag. Kaya’t pinuri nila ang Diyos ng Israel.
Tinawag ni Jesus ang kanyang mga alagad at sinabi sa kanila, “Nahahabag ako sa mga taong ito. Tatlong araw na ngayong kasama natin sila at wala na silang pagkain. Ayokong paalisin sila nang gutom, baka sila mahilo sa daan.”
Sinabi naman ng mga alagad, “Saan po tayo kukuha ng sapat na pagkain para sa ganito karaming tao sa ilang na ito?”
“Ilan pang tinapay ang nariyan?” tanong ni Jesus sa kanila.
“Pito po, at mayroon pang ilang maliliit na isda,” sagot nila.
Pinaupo ni Jesus sa lupa ang mga tao. Kinuha niya ang pitong tinapay at ang mga isda at nagpasalamat siya sa Diyos. Pagkatapos, pinaghati-hati niya ang mga iyon at ibinigay sa mga alagad upang ipamahagi sa mga tao.
Nakakain at nabusog ang lahat, at nang ipunin ng mga alagad ang tinapay na lumabis, nakapuno pa sila ng pitong kaing.
Pagninilay:
Gaano naman kaliit ang mga bagay o gaano man ito kakaunti, kayang kayang itong gamitin ng Panginoon upang makaggawa ng himala. Ito ang ating natunghayan sa Ebanghelyo ngayong araw.
Ilang beses kaya sa ating buhay, na naramdaman nating hindi tayo sapat? Ilan sa atin ang nagdududa sa ating mga kakayanan at angking galing idinulot ng Diyos sa atin? Kailangan lamang natin ialay kung anong meron tayo. Kahit tingin natin hindi ito sapat at Diyos ang bahalang gumawa ng lahat.
Kung saan tingin natin tayo’y mahina doon tayo magiging malakas. Si Cristo mismo ang magiging sandigan natin. Maraming beses tayong mga Pilipino ay maraming problema sa pera. Marami sa ating mga kababayan ang walang makain. Tulad ng mga alagad, hindi nila malaman kung saan kukuha ng pantawid gutom. Ang mga iba’y natututong gumawa ng krimen at kasalanan para lamang sa ikabubuhay. Ang iba’y mga manloloko at magnanakaw.
Kaya’t nakalulungkot para sa ilan na nakakalimutan na ang Diyos ay laging may paraan. Hindi natin kailangan magtiis mag-isa. Maari mong idulot sa kanya ang lahat ng iyong inaalala sa ngayon. Bawat bagay na nakakabagabag sa iyong puso. Anuman ang iyong hiling at kailangan mo sa buhay. Mas higit pang gusto ng Diyos na punan ito. Tanungin natin siya at ibigay ang ating alay.
Ang alay ng ating puso at gawin natin ang ating dapat gawin. Diyos na ang bahalang magdagdag. Diyos na ang bahalang gumawa ng himala upang ibigay sa atin ang ating mga hinihiling na higit pa sa ating hiningi sa kanya.
Sapagkat ang Diyos kung magbigay ang siksik, liglig at umaapaw.
Kailangan lamang natin lumapit sa kanya at humingi ng ating mga kailangan. Matapos ay tuturuan niya tayo ng ating dapat gawin. Maging handa tayong gawin ang iniutos niya sa atin at lahat ay maidudulot sa atin sa tamang panahon.
Panalangin: Ama, alam kong nagkukulang ako lagi ng pananampalataya sa iyo at sa aking sariling kakayanan. Bigyan mo ako ng lakas ng loob upang sa panahon ng kagipitan at kagutuman.
Ikaw nawa mismo ang bumusog sa akin huwag mo akong hayaang magkasala. Bagkus ay ituro mo sa akin ang daan ng iyong kabalanan. Maria, aming ina, ipanalangin mo kami. Amen. +
Pagpalain nawa tayo ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos ngayon at magpakailanman. Amen +
Maraming Salamat sa Inyong Pagsubaybay!
Tulungan ninyo kaming ipamahagi ang Salita ng Diyos sa pamamagitan ng pag-CLICK at SHARE nito. I-TAG na rin ang inyong mga kaibigan sa post na ito!
Copyright Reflections Written By: Admin. FMM Francesca Maria Margarita